Sobra Kung Lumaklak ng Alak ang Lalaki; Laking Gulat Niya nang Isang Umaga ay Magising Siya sa Kulungan

Masakit ang ulo ni Arnold nang magising siya nang umagang iyon.

Nang dumako siya sa kusina upang maghanap ng mainit na kape ay sinalubong siya ng matalim na tingin ng asawa niyang si Isay. 

“Magkakape ka? Walang mga baso, nabasag mo lahat sa sobrang kalasingan! Diyos ko naman, Arnold, kailan ka ba magbabago?” bungad na sermon nito. 

“Wala kang matandaan, ano? Paano ba naman, balde balde na naman yata ang nilaklak mo kagabi!” patuloy na talak nito.

Imbes na patulan ang galit ng asawa ay naglalambing na niyakap niya ito.

“Mahal naman, ang aga-aga, nakasimangot ka kaagad. Sorry na, nayaya lang ako nila Pareng Boy eh. Mamaya punta tayong mall, papalitan ko ang mga basong nabasag,” nakangising pang-uuto niya sa asawa.

“Mahal, alam ko naman na hirap kang tumanggi sa yaya ng mga kaibigan mo. Pero ayoko lang naman na langong-lango ka sa alak at hindi mo na alam ang mga ginagawa mo. Paano kung maaksidente ka? O makagawa ka ng kr*men habang lasing ka? Kawawa naman kami ng magiging anak natin!” nanlalaki ang matang paliwanag nito habang hawak nito ang malaking tiyan. 

Tinawanan niya ang asawa bago mabilis itong pinatakan ng halik sa pisngi.

Advertisement

“Ikaw talaga, masyado kang maraming iniisip. Hindi pwede ‘yan dahil makakasama ‘yan sa baby natin. ‘Wag kang mag-alala, hindi mangyayari ‘yang mga iniisip mo. Sorry na, babawas-bawasan ko na ang pag-inom, pangako,” pag-aalo niya sa buntis na asawang nakasimangot pa rin. 

Napangiti siya nang unti unting mawala ang tikwas sa kilay nito at tumango-tango ito bilang pagsang-ayon. 

“Kung hindi lang kita mahal ay ipinamigay na kita! Napaka-lasenggero mo!” inis pa ring bulalas nito, na sinuklian niya ng isang malutong na halakhak.

Biyernes. Hindi sana sasama si Arnold sa yaya ng kaniyang mga ka-opisina ngunit parang nanghihina na siya dahil halos isang linggo na rin simula noong huli siyang makatikim ng alak.

Tinawagan niya ang asawa upang magpaalam.

“Alam mo namang walang kaso sa akin ‘yan, kontrolin mo lang at ‘wag kang masyadong magpakalasing,” paalala nito.

Subalit dahil sa sunod sunod na pagdating ng iba’t-ibang klase ng alak ay pansamantala niyang nalimutan ang pangako sa asawa.

Dire-diretso niyang nilagok ang isang pitsel ng beer. Nang maubos iyon ay naramdaman niya ang pag-ikot ng kaniyang paningin bago binalot ng kadiliman ang kaniyang kamalayan.

Advertisement

Pumipintig ang ulo ni Arnold. Nang idilat niya ang mata ay agad siyang napabalikwas.

Imbes kasi ang puting kisame ng kanilang kwarto ang iba ang nabungaran niya.

Isang masikip at mabahong silid ang kinaroroonan niya. Nang igala niya ang paningin ay nanlaki ang mata niya nang makita ang rehas. Nasa kulungan siya!

Taranta siyang napabangon. Ano’ng ginagawa niya sa kulungan?

Sinubukan niyang alalahanin ang mga nangyari noong nagdaang gabi ngunit lalo lamang kumirot ang kaniyang ulo. Wala siyang matandaan kahit na ano.

Anong nagawa niya? Bakit siya nasa kulungan?

Nangilabot siya nang maalala ang sinabi ng asawa. Paano kung nakagawa siya ng kr*men na walang kapatawaran?

Kumabog ang dibdib niya nang maalala ang asawa. Malamang ay alalang-alala ito dahil hindi siya nakauwi noong nagdaang gabi.

Advertisement

“Boss, pwede ho bang makitawag?” pakiusap niya sa pulis na nakaupo sa ‘di kalayuan. 

Pinayagan siya nitong tumawag ngunit hindi sumasagot ang kaniyang asawa. Patuloy ang pagkabog ng kaniyang dibdib, lalo pa’t kung anu-anong hinala na ang pumapasok sa kaniyang isip.

“Boss, bakit ho ako nandito? Lasing ho ako kagabi, hindi ko matandaan ang mga nangyari,” nahihiyang untag niya sa isa sa mga pulis.

Napailing ang pulis. “Maghintay ho kayo, paparating na ho ang nagreklamo sa inyo,” tugon nito.

Patuloy ang abnormal na tibok ng dibdib ni Arnold. Paano kung isang matinding kr*men pala ang nagawa niya kagabi? Paano na ang kaniyang asawa at magiging anak?

Sa naisip ay hindi maiwasan ni Arnold na maluha sa takot at kaba. Sana pala ay nakinig siya sa asawa!

Napapitlag siya nang marinig ang pagbukas ng kaniyang selda.

“Kakausapin ka raw nung nagreklamo,” pagbabalita ng pulis.

Advertisement

Yukong-yuko at handa na siyang magmakaawa sa kung sinumang naagrabyado niya nang marinig niya ang isang pamilyar na tinig.

“Kumusta naman ang isang gabi sa selda?”

Gulat na nag-angat siya ng tingin. Nakita niya ang asawang ngiting ngiti habang hawak nito ang malaking tiyan.

“Mahal, anong ginagawa mo rito? Paano mo nalaman?” nagtatakang usisa niya sa asawang si Isay.

“Sir, siya ang nagreklamo sa inyo,” sabat ng pulis sa kaniyang tabi.

Bagaman nagulat ay tila isang malaking tinik ang nabunot sa kaniyang lalamunan. Akala niya ay may nagawa siyang pagsisisihan niya!

“Ano? Ikaw ang nagreklamo sa akin? Bakit?” nanlalaki ang matang tanong niya.

“Napakakulit mo kasi, hindi ako makatulog. Baka makasama sa baby,” paliwanag ng babae. May isang makahulugang ngiti na naglalaro sa mga labi nito.

Advertisement

Imbes na magalit ay tuwang tuwang nayakap niya ang asawa. Kinabahan man siya ay natuto siya mula sa pangyayaring iyon. Akala niya ang isa na siyang kr*minal! 

“Kinabahan ka, ano? Sana naman matuto ka na, Arnold!” nakukunsuming bulalas nito, na sinuklian niya ng isang malakas na pagtawa.

Iniurong nito ang reklamo sa kaniya kaya naman agad siyang nakalaya mula sa pagkakakulong. Kasabay ng pag-uurong ni Isay ng reklamo sa kaniya ay ang pangako niya na magiging isa na siyang responsableng manginginom. Dahil ang anumang sobra ay maaring magdala ng kaba at sakuna!