Pinagselosan ng Amo ang Mabait na Kasambahay; Napaiyak Siya nang Malaman ang Tunay na Saloobin Nito

“Ate Jenna!”

Mula sa kusina ay narinig ni Honey ang tuwang-tuwang sigaw ng labintatlong taong gulang na anak na si Krissy. 

Nang abutan niya ang dalawa ay nakita niya ang anak na mahigpit na nakayakap sa dalaga.

“Krissy, grabe ka naman, nasasakal na ako!” pabirong reklamo ni Jenna.

“Ate, na-miss kasi kita! Ang boring boring kapag wala ka rito sa bahay!” malawak ang ngiting sagot ni Krissy nang pakawalan nito si Jenna.

Hindi niya maiwasang mapangiti sa naabutang eksena. Close na close talaga si Krissy sa kanilang kasambahay na si Jenna.

“Jenna, kumusta naman ang pamilya mo sa probinsya?” nakangiting usisa niya sa dalaga.

“Ate Honey, mabuti naman po. Tuwang-tuwa nga po sila Nanay dahil sa surpresang pagbisita ko sa kanila. Salamat po at pinayagan niyo akong magbakasyon,” nakangiting pagkukwento ng dalaga. 

Advertisement

“Ano ka ba, karapatan mo ‘yun! Matagal-tagal na rin simula noong nabigyan kita ng bakasyon,” tugon niya. 

Mahigit limang taon na nilang kasambahay si Jenna. Disiotso anyos lamang ito nang mag-apply ito bilang kasambahay.

Hindi siya noon tiwala sa kakayahan ng dalaga dahil sa batang edad nito subalit nang makita niyang magaan ang loob ni Krissy dito ay binigyan niya ito ng tiyansa.

Hindi naman siya nagsisi. Napakasipag ng dalaga at napakabait. Kaya naman close silang mag-anak sa dalaga, at itinuturing na nila itong kapamilya. 

“Ate, may mga binili ako para sa’yo! Siguradong bagay na bagay sa’yo ang mga ‘yun!” narinig niyang muli ang excited na tinig ng anak.

Isang alanganing ngiti ang sumungaw sa magandang mukha ni Jenna bago ito tumingin sa kaniya. Bakas ang hiya sa mukha nito.

“Sige na, pagbigyan mo na si Krissy. Ilang araw ka lang na nawala akala mo naman ay isang taon kang nawalay sa kaniya. Minsan nga iniisip ko na mas mahal ka pa niya kesa sa akin eh,” pabirong banat niya sa dalawa.

“Mommy! Pwede ba naman ‘yun? Iba si Ate Jenna, iba ka!” naglalambing na sagot ng kaniyang anak bago nito hinila ang dalaga sa patungo sa silid nito.

Advertisement

Naiwang nag-iisa sa sala si Honey. Bagaman biro lamang ang sinabi niya sa anak ay hindi niya maiwasang kung minsan ay magdamdam. Close na close kasi ang dalawa, at kung minsan ay may pakiramdam siya na mas gusto pa ni Krissy ang kanilang kasambahay kesa sa kaniya na sarili nitong ina.

Mas lalo pang tumindi ang pagseselos na nararamdaman ni Honey nang umuwi ang kaniyang asawa.

Imbes na halik ang isalubong nito sa kaniya ay may sinabi itong nagpainit ng dugo niya.

“Jenna, mabuti naman at nakauwi ka na! Sa wakas ay matitigil na rin ang karereklamo ni Krissy na miss ka na raw niya,” nakangiting bungad nito sa dalaga.

Ilang sandali pa ay masaya nang nagkwe-kwentuhan ang dalawa na para bang ito lang ang mga tao sa mundo at wala siya sa eksena.

Mukhang masayang masaya ang asawa niya sa pagbalik ni Jenna!

“Wala akong ganang kumain,” matabang na bungad niya nang katukin siya ni Jenna para kumain ng hapunan. Inignora niya ang pagkalam ng sikmura.

“Sige po, Ate Honey, ipagtatabi na lang po kita ng pagkain para kapag nagutom ka,” magaang sagot ni Jenna.

Advertisement

Isang malamig na tango lamang ang isinagot niya sa dalaga.

Tiniis niya ang pagkalam ng sikmura ngunit hindi niya kinaya kaya naman napagdesisyunan niya ring saluhan ang pamilya sa pagkain.

Subalit tuluyan na siyang nawala ng gana dahil sa nabungarang tagpo.

Si Jenna, si Krissy, at ang kaniyang asawa. Masayang nagkwe-kwentuhan at nagtatawanan ang mga ito na para isang masayang pamilya.

Hindi niya mapigilan ang bugso ng paninibugho. Sa nakita ay isang desisyon ang nabuo niya.

“Ate? May nagawa po ba akong hindi niyo nagustuhan? Bakit naman po biglaan naman yata? May nahanap na po ba kayong ipapalit sa akin?” sunod sunod na tanong ni Jenna. Gulat na gulat na ito nang sabihin niya na hindi niya na kailangan ang serbisyo nito.

“Hindi, wala. Mag-empake ka na, Jenna. Ayokong abutan ka pa ni Krissy at Mark at magkaroon pa ng drama sa bahay,” utos niya sa kasambahay.

Nang hindi ito tuminag ay pinagtaasan niya ito ng kilay.

Advertisement

“Ate, sa matagal kong paninilbihan dito ay kilala na kita. Alam kong rasonable kang tao. Ano ang tunay na dahilan at pinaaalis mo ako?” seryosong tanong ni Jenna.

“Dahil inaagaw mo ang pamilya ko! Umaasta kang ikaw ang reyna sa pamamahay ko! Wala kang utang na loob!” Hindi na napigilan ni Honey ang bugso ng damdamin.

Bumagsak ang balikat ng dalaga. Isang malungkot na ngiti ang pumaskil sa labi nito. Tahimik nitong tinungo ang silid nito upang mag-empake.

“Sorry po kung ganoon ang naramdaman mo, Ate Honey. Pero gusto ko lang sabihin na pamilya na ang turing ko sa inyo at hindi ako gagawa ng anumang makakasakit sa pamilya niyo. Maraming maraming salamat po sa pagtanggap niyo sa akin,” mahinang sambit ni Jenna bago nito tinungo ang pinto.

Naiwang si Honey na nakatulala sa sala. Iniisip niya kung tama ba ang naging desisyon niya na paalisin si Jenna. 

Kagaya ng inaasahan niya, nag-iiyak si Krissy nang malaman nitong pinaalis niya na si Jenna. Ang kaniyang asawa naman ay tahimik lang at hindi nag-komento.

“Mommy, hindi ko alam kung anong ginawa ni Ate Jenna para paalisin mo siya. Pero sayang, kasi para akong nawalan ng kapatid,” malungkot na anas ni Krissy nang kausapin niya ito.

“Sayang naman po. Gustong gusto pa naman ni Ate Jenna dito. Kasi parang pamilya raw ang turing natin sa kaniya, hindi katulong. Saka alam mo ba na idolo ka ni Ate Jenna? Sabi niya kasi sobrang bait mo raw, at gusto niya na maging kagaya mo. Kaya nga po magkasundo kami. Kasi iyon din ang tingin ko sa’yo,” kwento pa nito. 

Advertisement

Hindi namalayan ni Honey ang pagtulo ng kaniyang luha. Maling-mali pala siya ng basa sa sitwasyon. Paano niya nagawang pag-isipan ng masama ang napakabait na si Jenna?

Mas lalo pa siyang nanliit nang marinig ang sinabi ng asawa niya.

“Sigurado naman ako na may dahilan ka, mahal. Pero kagaya ni Krissy, nalulungkot din ako. Parang anak na ang tingin ko sa batang ‘yun. Napakabait at halatang mahal na mahal ang anak natin. Malamang ay matagal na namang mag-iiiyak ‘yang si Krissy.” Bakas ang panghihinayang sa tinig nito.

Buong gabi siyang binagabag ng konsensiya. Kaya naman pagsapit ng umaga ay ginawa niya ang nararapat.

“Patawarin mo ako, Jenna. Nabulag ako ng selos kaya ko nagawa ito. Akala ko ay napapalitan mo na ang puwang ko sa bahay. Pwede bang bumalik ka na ulit sa bahay at sa buhay namin?” nagsusumamong pakiusap niya sa dalaga.

“Pwede ba naman kitang tapatan o higitan? Ni wala nga po ako sa kalingkingan mo,” mahinang sagot ng dalaga.

“Oo naman po, Ate Honey. Alam mo namang kasiyahan ko na ang magsilbi sa pamilya niyo, lalo na kay Krissy,” dagdag pa nito.

Nakahinga siya nang maluwag. Mabuti na lamang at hindi pa huli ang lahat.

Advertisement

Niyakap niya ang dalaga nang mahigpit. Napatawad man siya nito ay hiyang-hiya pa rin siya sa kaniyang inasta. 

Natutunan niya na walang magandang naihahatid ang galit at paninibugho sa puso. Kaya naman mabuti na panatilihin nating malinis ang ating mga puso upang hindi tayo makapanakit ng iba.