Maraming Gustong Makibalita sa Buhay ng Babaeng Ito, Sa Huli’y Lilitaw ang Totoong May Puso

“Sheila, nabalitaan mo ba ang nangyari kay Dianne? Naku, hindi ka maniniwala! Kinukulong na raw ng asawa sa kwarto kasi nga nasisiraan na raw ng isip ‘yung kaklase natin dati!” balita ni Cheska sa kaniya.

“Totoo ba talaga ‘yang kumakalat na balita? Parang hindi naman ako makapaniwala, bukod sa sobrang lakas ng loob at talino nung kaklase nating iyon ay napakaswerte nun sa asawa hindi ba? Hindi ‘yun hahayaan na magkaganun, anong nangyari sa kaniya?” tanong ni Hannah, isa pa nilang kaibigan.

“Naku, hindi ko masyadong alam ang buong kwento pero ilang beses ko na kasing niyaya nga si Dianne para sa pinaplano nating grand reunion kaya lang isang beses ay ‘yung asawa niya na ang sumagot sa akin at ang sabi ng lalaki ay malala na nga raw ang kalagayan ni Dianne. Wala raw silang pera pang gamot kaya ayon, kinukulong na lang sa bahay at sa kwarto,” sabi pang muli ni Cheska sa kaniya.

“Sabi ay d*pre$s!*on daw nagsimula tapos ayon na raw, nagtuloy-tuloy lalo na nung nawala ang mga magulang daw ni Dianne. Basta, nakakaawa kung iisipin pero nung sinubukan kong tawagan ay sabi kaagad nung asawa na bawal daw kausapin si Dianne kaya tinigilan ko na,” dagdag pa nito.

“Puntahan kaya natin si Dianne? Kailangan ng kaibigan nun, kailangan niya tayo,” sabi ni Sheila sa mga ito.

“Naku, Sheila, hindi naman sa pagwa-walang bahala pero alam mo na, may pamilya rin tayo at baka hindi pa talaga okay si Dianne. Hintayin na lang natin na mag-reach out siya sa atin kasi nakaka-anong manghimasok, alam mo na,” nakangiting tanggi pa ni Hannah at sumang-ayon din ang ilan nilang kaibigan sa babae.

Hindi na nagsalita pa si Sheila at itinuloy na nila ang plano para sa nalalapit nilang grand reunion ngunit nang makauwi na siya ay hindi siya makampante tungkol kay Dianne kaya naman sinubukan niyang tawagan ang babae ngunit wala siyang sagot na nakuha.

Hanggang sa lumipas pa ang ilang linggo ngunit wala talaga siyang nakukuhang sagot mula sa dating kaklase kaya naman kahit na mag-isa at malayo ang tinitirhan ni Dianne ay pinuntahan ito ni Sheila. Kahit nga wala ni isang kaibigan niya ang sumama sa kaniya. Hanggang sa nakarating siya sa lugar ng babae at nagsimula siyang magtanong-tanong doon.

Advertisement

“Naku, Hija, doon ‘yan nakatira sa may dulo ng bukid. Matagal-tagal na rin nung huling nakita ko si Dianne kaya hindi ko na alam kung ano na bang nangyayari sa kanya. Pero kung ako sa’yo, pumunta ka roon kapag wala ang asawa niya kasi hindi ka papapasukin nung lalaki! Ewan ko ba, kung ano na ba talaga ang nangyayari,” sabi ng matandang napagtanungan niya.

Mabilis na kumabog ang puso ni Sheila, bukod sa nasa probinsya siya at walang ibang kakilala ay hindi niya alam kung ano ang aabutan sa dating kaklase kaya naman napalunok na lamang siya at saka humingi ng tulong sa matanda upang makapasok siya sa bahay ni Dianne.

Halos tatlong oras din ang hinintay niya habang nagtatago sa munting tindahan ng matandang tumulong sa kaniya hanggang sa umalis ang mister ng babae.

“Dianne, si Sheila ito, kaklase mo nung hayskul! Naalala mo pa ba ako? Gusto ko lang naman kamustahin ka, baka pwede mong buksan ang pinto,” sabi ni Sheila habang kumakatok ito sa bahay ng babae.

“Dianne, please, buksan mo ang pinto o kaya magsalita ka naman kung okay ka lang,” naiiyak na sabi ni Sheila.

Halos ilang minuto rin bago bumukas ang pinto at laking gulat ni Sheila nang makita si Dianne na punong-puno ng pasa ang buong katawan at namamaga rin ang mukha nito.

“O my God, Dianne, anong nangyari sa’yo?!” mabilis na sigaw ni Sheila sa kaklase at pumasok ito kaagad ng bahay.

“Paano mo ako nahanap? Kailangan mo ng umalis kasi pauwi na si Jud,” nanghihinang sabi ng babae sa kaniya.

Advertisement

“Please, huwag mo itong gawin sa sarili mo, sumama ka sa akin,” pagmamakaawa ni Sheila rito.

“Wala na akong ibang pupuntahan, Sheila, ito na ang buhay ko. Mahal naman ako ni Jud pero talagang mabigat lang ang mga kamay niya at isa pa, natatakot ako. Kasi kahit saan ako magpunta ay mahahanap niya rin ako, pagod na akong tumakas,” iyak ni Dianne sa kaniya.

Hindi nakapagsalita si Sheila habang awang-awa sa kaniyang kaibigan. Buong akala ng lahat ay ayos lang ito sa mga nakaraang taon at alam nilang nagdadalamhati pa ito sa pagkawala ng mga magulang niya ngunit hindi lubos akalain ni Sheila na ganito ang sitwasyon ng Dianne na nakilala nila.

“Tulungan mo ako, Sheila,” mahina ngunit nanginginig na sabi ni Dianne.

Hindi alam ni Sheila kung saan nanggaling ang lakas niyang iyon at kaagad niyang binitbit si Dianne. Dadalhin niya sana ito sa malapit na pulisya ngunit tumanggi ang babae at sa Maynila na lang daw siya gamutin.

Doon lumabas na simula nang magpakasal ang dalawa ay binubugbog na ni Jud si Dianne at noong una ay natitiis pa raw ito ng babae ngunit habang tumatagal ay palala nang palala ang kaniyang asawa. Ilang beses na rin daw sinubukang tumakas ni Dianne ngunit isang pulis si Jud kaya naman wala siyang naging kawala sa lalaki. 

“Ang dami kong kaibigan pero lahat sila hindi nila ako naalalang puntahan man lang o hanapin. Bakit mo ako hinanap, Sheila?” naiiyak na tanong ni Dianne sa kaniya.

“Alam kong matapang ka, matalino at sabi nga ng lahat ay swerte sa napangasawa mo pero para sa akin naging alarma ang hindi mo pagpaparamdam sa loob ng mahabang panahon. Isa pa, nagkaroon din ako ng dEpres$!on nung nawala ang mga magulang ko kaya alam ko na totoo iyon at kaagad kong naisip na baka kailangan mo ako,” iyak ni Sheila rito.

Advertisement

“Maraming salamat, Sheila, hindi mo alam kung paano mo niligtas ang buhay ko. Salamat dahil may isang taong totoong gusto akong kumustahin at hindi lang basta makibalita sa akin, salamat, maraming salamat,” hagulgol ni Dianne sa kaniya at nag-iyakan ang dalawa.

Lumapit ang babae sa tamang himpilan upang matulungan siya sa kaniyang kaso at hindi nagtagal ay naparusahan si Jud. Ngayon napatunayan ni Sheila na hindi lahat ng babae na matatapang ay kaya nilang ipagtanggol ang kanilang sarili dahil may mga sitwasyon kung saan nauubos ang lakas ng loob ng isang tao at nakukulong na lamang ito sa isang madilim na kabanata ng kanilang buhay. Kaya naman kung may kaibigan kang hindi mo na nakakausap, kamustahin mo rin sila kahit wala kang kailangan. Malay mo, ang kumusta mo ay kaligtasan ng iba.