Wala pa Siyang Isang Buwan sa Ibang Bansa Ngunit Malaki na ang Tiyan ng Babaeng Kasama ng Nobyo; Katapusan na ba Ito ng Sampung Taong Relasyon Nila?
Bitbit ang maleta ay naglakad palabas ng airport si Maive. Nakapag-book na rin siya ng sasakyan na maghahatid sa kaniya sa lugar kung saan niya gustong pumunta— sa apartment ng nobyong si Quinn. Biglaan kasi ang kaniyang pag-uwi, kaya hindi niya nasabihan ang pamilyang sunduin siya.
Lulan na siya ng sasakyan nang tawagan niya ang numero ng nobyong si Quinn. ‘Out of service’ ang sinasabi ng operator, ibig sabihin ay naka-off ang selpon ng nobyo. Kung tatantyahin niya ang sariling damdamin, sa totoo lang ay kanina pa niya gustong magwala at magalit sa mundo. Ngunit pinigilan niya ang sarili. Hindi siya maaaring magpadalos-dalos, kailangan niyang makita muna ang nobyo upang kumpirmahin ang katotohanang sinabi ng kaibigang si Alice.
“Maive, sorry ah. Hindi ko gustong mag-isip ka, lalo na’t alam kong mahirap ang pinagdadaanan mo d’yan ngayon sa America, pero hindi na talaga kaya ng konsensya kong itago ang nakita ko e. Kaibigan mo ako, kaya ayokong magsinungaling sa’yo,” ani Alice, isang araw nang bigla itong tumawag sa kaniya.
Salubong ang kilay na tinanong niya ang kaibigan kung ano ang problema nito.
“Si Quinn, kasi… nakita ko siya noong nakaraang araw may kasamang babae, buntis siya, Maive. Noong una, inisip ko na baka kaibigan lang, pero nang halikan ni Quinn sa labi ‘yong babaeng buntis, saka ko napatunayan na may relasyon ang dalawa. I’m sorry, Maive,” ani Alice.
Ura-urada’y nagdesisyon si Maive na kumuha ng ticket pauwing ‘Pinas. Nais niyang kumprontahin ang nobyo, gusto niyang marinig mismo sa bibig nito ang buong katotohanan. Ayon sa kwento ni Alice, malaki na ang tiyan ng babaeng kasama nito, ibig sabihin… nasa ‘Pinas pa pang siya’y niloloko na siya ni Quinn, dahil wala pa naman siyang isang buwan sa America.
Nang marating ang bahay ni Quinn ay nagulat pa siya nang makita ang nanay nito. Masinsinan niya itong kinausap at tinanong sa nalalaman. Ngunit imbes na sumagot ay umiyak ito at niyakap siya nang mahigpit habang panay ang sambit ng kapatawaran. Iyon ang tagpong naabutan ni Quinn.
“I’m sorry, Maive,” mangiyak-ngiyak na bulalas ni Quinn. “Oo, mag-iisang taon na kaming nagdi-date ni Olive, patawarin mo ako kung nagawa kong lokohin ka, pero natukso ako, Maive. Masyado akong nasanay na kasama ka mula pa noong mga high school tayo, nakaramdam ako ng pagkasawa sa relasyon natin, kaya noong nakilala ko si Olive, nabighani ako sa kaniya. Lahat ng atensyong hindi mo na kayang ibigay sa’kin dahil mas inuuna mo ang mga priorities mo, si Olive ang pumupuno. ‘Yong excitement na nawala sa relasyon natin, naramdaman ko ulit kay Olive. Patawarin mo ako,” hagulhol na wika ni Quinn habang nakaluhod sa harapan ni Maive.
Hindi napigilan ni Maive ang maiyak dahil sa rebelasyong nalaman mula sa nobyo. Mag-iisang taon na pala siyang niloloko nito nang wala man lang siyang kaalam-alam. Ganoon niya ibinigay sa nobyo ang tiwalang ni sa panaginip ay hindi niya naisip na sisirain lamang nito.
“Mahal mo ba siya?” tanong niya.
“H-Hindi ko alam, Maive, hindi ko alam,” anito sabay hilamos ng palad sa mukha. “Pero ayokong iwanan siya lalong-lalo na sa sitwasyon niya ngayon,” dugtong nito.
Sapat na sagot na iyon upang tanggapin ni Maive na ang sampung taong relasyon nila ni Quinn ay nagtapos na. Humakbang siya palabas ng pintuan at hindi na muling nilingon ang pagtawag ng nobyo sa kaniya. Sampung taon ng buhay niya ang nasayang! Sampung taon na kay Quinn lang umikot ang mundo niya, tapos heto… basta-basta lamang nitong sinayang ang sampung taong iyon.
Nandito siya ngayon sa isang restawran, kaharap ang babaeng naging dahilan sa pagkasira ng relasyon nila ni Quinn. Kahapon nang makauwi siya sa bahay nila’y hiningi niya kay Quinn ang contact number ng babae nito. Nakiusap pa nga ang lalaking maging kalmado siya at huwag pag-isipan ng masama si Olive dahil baka madamay ang bata.
“Alam ko ang relasyon n’yo ni Quinn, at patawarin mo ako sa kapangahasan ko, Maive,” nakayukong wika ni Olive. “Alam kong malaki ang kasalanan ko sa’yo at alam kong hindi madali para sa’yo ang patawarin ako, pero ganoon pa man ay gusto kong humingi ng kapatawaran, dahil kung tutuusin ay may pagpipilian naman akong huwag mahalin si Quinn, pero pinili ko pa rin siyang mahalin kahit may nagmamay-ari na sa kaniya,” humihikbing wika nito.
Kagabi pa lang ay inensayo na ni Maive ang mga nais niyang sabihin kay Olive. Nais niyang saktan ito sa pamamagitan ng salita, dahil hindi niya iyon maaaring gawin sa gawa at baka ano pa ang mangyari rito. Ngunit ngayong kaharap niya na ang babae’y tila natatame siya at wala siyang ibang maisip sabihin. Siguro’y sapat na ang pag-amin nito at panghingi sa kaniya ng kapatawaran upang kalimutan niya ang binabalak na masasakit na salitang nais ibato sa babae.
Gumalaw siya upang kunin ang apat na paper bags na inilapag niya kanina sa sahig bago pa man ito dumating.
“Para sa magiging anak mo iyan,” aniya sabay abot ng mga paper bag rito, mga gamit iyon para sa bata na binili niya kanina bago pa man siya pumasok sa loob ng restawran.
“Galit ako sa’yo, galit na galit ako kasi nasaktan ako sa ginawa mo— ninyo ni Quinn, sa’kin. Pero hindi ko pwedeng idamay ang batang nasa sinapupunan mo,” pigil ang pagsabog ng emosyong wika ni Maive. “Siguro may dahilan kaya nangyari ang lahat nang ito. Maghihilom din ang lahat ng sugat, baka dumating din ang araw na kaya na kitang patawarin sa ginawa mo. Alagaan mong mabuti ang anak mo, iyan ang dahilan kaya ayoko nang ipaglaban pa si Quinn,” aniya saka tumayo. “Sana ito na ang huling beses na magkrus ang landas natin,” aniya.
Hindi na niya hinintay ang sagot ng babae. Dere-deretso na siyang naglakad palabas ng restawran upang ilabas ang luhang kanina pa nais lumabas. Hindi niya alam kung paano patatawarin sina Quinn at Olive sa ginawa nitong pananakit sa kaniya. Ngunit ang kaisipang may magiging ama ang anak ni Olive ay sapat na upang kalimutan niya ang sampung taong relasyon nila ni Quinn.
Nasasaktan siya sa relasyong nasayang— ngunit kung magiging makasarili siya’y mas masasaktan ang inosenteng bata na lalaking walang ama. May plano ang Panginoon, kung ano man iyon ay ito na ang bahala.