Inday TrendingInday Trending
Pinagtaksilan Niya ang Nobyo at Pumatol sa Walang Kasiguraduhang Relasyon; Hindi Niya Kakayanin ang Pagsampal sa Kaniya ng Karma

Pinagtaksilan Niya ang Nobyo at Pumatol sa Walang Kasiguraduhang Relasyon; Hindi Niya Kakayanin ang Pagsampal sa Kaniya ng Karma

Namamalengke si Amara sa araw na iyon upang bumili ng stock na pagkaing ilalagay niya sa kanilang ref. Bagong sahod ang kaniyang asawang si Reese, kaya binudget niya na agad ang pera nito upang umabot sa susunod na sahod.

Pauwi na siya nang mabangga ang matigas na rebultong kaniyang nakasalubong. Bubungangaan niya na sana ito at pagagalitan. Nakikita naman nitong buntis siya at maraming dala, hindi pa marunong tumingin sa dinadaanan. Mabuti na lang at hindi siya natumba, kung ‘di ay tiyak na sasamain siya kapag nangyari.

“A-Amara?!” gulat na bulalas ng lalaking nakabangga sa kaniya.

Salubong ang kilay na inangat ni Amara ang tingin patungo sa mukha ng lalaking nakabanggaan. “E-Eliot?” bulalas niya rin.

“Ikaw nga!” manghang sambit ng lalaki. “Long time no see… at buntis ka na pala.”

Nailang bigla si Amara sa presensya ng lalaki. Tuwid siyang tumayo at wala sa loob na nahimas niya ang malaking umbok sa tiyan. Dati niyang katrabaho ang lalaki, hindi lang basta katrabaho, may namagitan sa kanila. Magkaibigan na pwedeng tabihan sa kama — walang relasyon, walang commitment. Purong kapusukan lamang.

Noong mga panahon na iyon kasi’y palagi silang magkasama sa kahit saang inuman. Kapag nakakaayaan ang barkada’y hindi pwedeng mawala silang dalawa. Magkaibigan lang talaga sila dahil pareho naman silang nasa relasyon noong mga panahong iyon. Si Eliot ay may tatlong taong relasyon, habang siya naman ay isang taon. Lahat ng hinanakit niya sa dating nobyo ay si Eliot ang nandoon at handang pakinggan ang hinaing niya, ganoon rin ang lalaki sa kaniya.

Nang isang beses ay pareho silang bigo sa pag-ibig, dahil nalaman ni Eliot na may ibang lalaki ang nobya, habang siya naman ay nalaman niyang pineperahan lamang siya ng nobyo, upang maibsan ang hinanakit sa parehong masasakit na relasyon ay nagawa ng dalawang maglaro ng apoy.

Ngunit kahit nagkasala na siya sa kaniyang nobyo’y hindi niya pa rin magawang makipaghiwalay rito. May nobyo siya habang kinikita pa rin si Eliot, at mukhang ganoon rin naman ang lalaki.

Sekreto lamang ang relasyon nila— na hindi nga siya sigurado kung relasyon nga bang talaga dahil wala namang emosyonal na namamagitan sa kanila, pawang pananabik lang sa laman. Tumagal iyon ng halos isang taon… bawal ang selos, bawal lahat. Hindi niya nobyo si Eliot, hindi rin siya nobya nito. Nakakatakot, pero masaya. Nakakasabik.

Ngunit wala nga talagang sekreto ang habang buhay na naitatago dahil nahuli sila ng nobya ni Eliot sa ipinagbabawal nilang relasyon. Ipinahiya siya nito sa trabaho nila at sinabihan ng mga masasakit na salita. Nakarating naman iyon sa kaniyang nobyo, dahilan upang ibasura siya nito at walang ano-ano’y iniwan.

Labis na kahihiyan ang nangyari sa kaniya. Para siyang isang maruming babae kung husgahan ng lahat. Parang wala na siyang ginawang tama sa mga mata ng mga ito. Para siyang may malubhang sakit kung pandirihan ng mga ito. Wala na siyang mukhang maihaharap sa mga katrabaho nila kaya nagpasya siyang umalis na lang at umuwi ng probinsya.

Wala siyang sinabi sa kaniyang pamilya kung ano ang dahilan nang biglaan niyang pag-uwi. Doon siya nagpasyang magbagong buhay. Naghanap siya ng bagong trabaho at sa awa ng Diyos ay hindi naman siya nahirapang maghanap ng trabaho. Makalipas ang dalawang taong pagbabagong buhay, saka naman niya nakilala ang lalaking kaniyang napangasawa. Wala siyang itinago kay Reese, lahat ng pagkakamali niya’y inamin niya sa lalaki. Ayaw niyang sayangin ang oras nilang dalawa. Mas maigi na iyong alam nito ang maruming nakaraan niya, kaysa magpanggap siyang malinis, kahit hindi naman totoo.

Ngunit laking gulat niya nang hindi man lang nito ininda ang lahat ng inamin niya. Nagpatuloy ito sa panliligaw at pinatunayan ang sariling mahal na mahal siya ano man ang istorya ng kaniyang nakaraan. Para kay Reese, wala itong pakialam sa nakaraan, ang mahalaga ay ang kinabukasan.

Apat na taon silang naging magkasintahan, saka nagdesisyong magpakasal. At ngayon nga’y limang buwan na siyang buntis at masayang-masaya sa piling nito.

“Oy! Anong ginagawa mo rito? Nagbabakasyon ka ba?” tanong niya kay Eliot.

“Tagarito kasi ang napangasawa ko kaya nandito kami upang mamanhikan. Mamalengke kami para sa lulutuin namin para mamaya. Hindi ko inaasahan na magkikita pa tayong muli at masayang-masaya akong makita kang masaya na rin sa buhay,” nakangiting wika ni Eliot.

Ngumiti si Amara. “Masaya ako para sa’yo, Eliot.”

“Amara, sana mapatawad mo ako sa lahat ng pagkakamaling nagawa ko sa’yo noon,” sinserong sambit ng lalaki.

Isang nakakaunawang tango at matamis na ngiti lamang ang pinakawalan ni Amara, saka nagpaalam sa lalakit at mukhang marami pa itong aasikasuhin. Hindi niya kailanman naisip na kailangan niya pala ang paghingi nito ng kapatawaran. Pakiramdam niya’y may parte ng puso niya ang tila nakalaya sa matagal na pagkakakulong, na hindi niya namalayang dala-dala pala niya sa matagal na panahon.

Tingnan mo nga naman ang tadhana. Totoo ngang maliit lamang ang mundo, dahil sinong mag-aakalang muling magku-krus ang landas nila ni Eliot?

Nagkamali sila noon. Kinarma pareho sa pagkakamaling nagawa. Napahiya at hinusgahan ng lahat. Ngunit ang mahalaga’y natuto silang pareho sa pagkakamaling iyon at sinubukang iaayos ang kaniya-kaniyang buhay na sila rin ang sumira.

Advertisement