Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Hindi Inaasahang Trahedya’y Hindi Natuloy ang Kasal ng Magkasintahan; Bakit sa Matalik na Kaibigan Niya Ikinakasal ang Nobyo?

Dahil sa Hindi Inaasahang Trahedya’y Hindi Natuloy ang Kasal ng Magkasintahan; Bakit sa Matalik na Kaibigan Niya Ikinakasal ang Nobyo?

Hawak ni Riley ang dalawa niyang kamay habang nagsusumamong nakatingin sa kaniyang mga mata. Pinagtatakahan man iyon ni Shia, nanatiling tikom ang kaniyang bibig at hinihintay na matapos ang nais sabihin ng kaibigan.

“I’m sorry, Shia,” ani Riley. “Alam kong hindi mo ako mapapatawad sa gagawin kong ito, pero wala akong pagpipilian. Nakiusap sa’kin si Hudson, gusto ka raw niyang makita at makausap. Siyam na buwan kang nawala at ngayon lang bumalik. Alam kong sa mga buwan na lumayo ka’y nakapag-move-on ka na. I’m sorry, kung ako pa ang magiging dahilan na muli kang masaktan,” nahihirapan nitong wika. “Alam kong matapang ka, Shia,” dugtong nito saka binitawan ang kaniyang kamay at lumingon sa may pintuan.

“Nandito na siya.”

Pakiramdam ni Shia ay tumigil sa pag-ikot ang mundo nang sabihin ni Riley na nandito na sa Hudson, ang lalaking sobra niyang minahal at siya ring nanakit sa kaniya nang sobra dahilan upang mas pinili niyang magpakalayo upang paghilumin ang sakit na idinulot nito. Hinalikan muna ni Riley ang kaniyang kamay bago ito tuluyang naglakad palabas ng restawran. Gusto niyang pigilan ang lalaki at makiusap na itago siya kay Hudson, ngunit nanigas na siya sa kaniyang kinatatayuan. Nakatitig lamang siya sa lalaking humahakbang papalapit sa kaniya, nakangiti, ngunit nahihiya.

“Hi, Shia,” malumanay na bati ni Hudson.

Hindi ito makatingin nang diretso sa kaniya. Siyam na buwan na ang nakakalipas mula noong pinili niyang lumayo sa mga bagay na nakasanayan. Nagpapasalamat naman siya sa kaniyang mga magulang dahil naroon ang mga ito upang unawain at suportahan siya. Siyam na buwan na rin nang huli niyang makita si Hudson, at masasabi niyang ang laki-laki na ng ipinagbago nito.

“K-Kumusta?” tanong niya.

Gusto niyang maiyak sa sitwasyong kinaroroonan nilang dalawa. Bakit pakiramdam niya’y pareho silang estranghero sa isa’t-isa, samantalang ilang taon rin silang nagkaroon ng relasyon? Anim na taon silang naging magkasintahan hanggang sa magdesisyon magpakasal. Ang akala ni Shia ay iyon na ang pinakamasayang nangyari sa buhay niya. Ang lalaking mahal na mahal niya’y siya ring lalaking kaniyang pakakasalan.

Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana. Dalawang buwan bago ang kasal ay naaksidente si Hudson, natulog ito ng napakahabang panahon, dahilan upang ikansela na muna ang kasal. Walong buwan ang lumipas saka nagising ang nobyo. Sobra ang pasasalamat nila sa Panginoon dahil sa wakas, ibinalik nito sa kanila si Hudson. Ngunit muli’y ang akala niya’y siya nang pinakamasayang mangyayari ay nauwi na naman sa bangungot nang hindi siya makilala ng nobyo.

Hindi niya alam kung ano ang kasalanan niya… pero bakit nangyayari sa kaniya ang ganito? Mas lalong nasaktan si Shia, nang imbes na sa kaniya patungo ang alaala ng nobyo ay napunta ito sa bestfriend niyang si Aria.

Oo! Mas naging malapit ang nobyo sa matalik niyang kaibigan, habang naiilang ito sa kaniya. Mas masaya ito kapag nariyan si Aria, habang bagot na bagot ito sa kaniya. Dumating pa sa puntong nakiusap siya sa matalik na kaibigang ito na mismo ang lumayo kay Hudson, huwag pansinin ang trato ng nobyo sapagkat wala lamang ito sa tamang huwisyo ngunit mas lalo siyang nasaktan sa naging sagot ni Aria.

“Patawarin mo ako, Shia,” malungkot na wika ni Aria. “Pero hindi ko kayang gawin ang gusto mo. Sa mga nakalipas na araw na nakakasama ko si Hudson, unti-unti na ring nahuhulog ang loob ko sa kaniya. Alam kong mali, pero hindi ko kayang itaboy ang lalaking mahal ko na alam kong mahal din ako. I’m sorry, Shia. Mahal ko si Hudson, at mamahalin ko siya, kahit natatapakan pa kita,” anito.

Galit siya sa kaibigan, ngunit hindi niya magawang masuklam dito. Kahit makiusap siya kay Aria, alam niyang wala rin namang mangyayari dahil ito na ang tinitibok ng puso ngayon ni Hudson.

Isang araw, halos mawalan ng malay si Shia nang makatanggap ng isang imbitasyon upang daluhan ang gaganaping kasal ni Aria at Hudson. Isang buong araw siyang nagkulong sa silid at humaguhol ng iyak. Ngunit hindi pa rin siya sumuko. Pinuntahan niya ito at nagluluhod habang umiiyak na nakiusap.

“Ako ang mahal mo, Hudson. Bago pa mangyari ang aksidente, ako, ako, ako ang pinangakuan mo ng kasal. Hindi ka pa magaling, baka nalilito ka lang. Hindi ba pwedeng hintayin muna nating maibalik ang alaala mo?” tumatangis niyang pakiusap.

“I’m sorry, Shia, ngunit walang ni isa sa alaala ko ang nagtutukoy sa nakaraan natin. Maaaring mahal na mahal kita noon, pero hindi na ngayon. Si Aria na ang mahal ko,” ani Hudson.

Hindi na nga ito ang lalaking minahal niya noon. Wala siyang mabasang kahit kaunting pagmamahal sa mga mata nitong nakatingin sa kaniya. Baka nga bahagi na lang siya ng nakaraan nito. Hindi pa siya nakuntento sa sakit na nararamdaman. Dumalo pa siya sa kasal ng dalawa. Siguro nga’y iyon na ang sign na kailangan na niyang bitawan ang pagmamahal sa lalaki. Pagkatapos ng pananakit niya sa sarili… saka siya nagdesisyong umalis ng bansa at magbakasyon sa kahit saang lugar.

“Nandito ako upang humingi ng kapatawaran, Shia, at gusto kong malaman mo na bumalik na ang alaala ko,” ani Hudson.

Hindi napigilan ni Shia ang mapasinghap nang malakas.

“Mahal na mahal pa rin kita,” mangiyak-ngiyak na wika nito. “I’m sorry kung nasaktan kita. Hindi ko sinasadya iyon, Shia.”

Humakbang si Shia upang yakapin ang dating nobyo. Masaya siya dahil sa wakas ay bumalik na ang alaala nito, ngunit may parte ng puso niya ang nalulungkot dahil alam niyang kahit sabihin pa nitong mahal na mahal pa rin siya nito’y wala nang magbabago sa katotohanang hindi na sila pwedeng dalawa.

Nabalitaan niya kanina mula kay Riley na limang buwan nang buntis si Aria. Hindi niya kayang maging makasarili kung alam niyang may bata nang kasali. Alam ng Diyos na gaya ng nararamdaman nito’y mahal na mahal niya pa rin ang dating nobyo, pero tapos na ang kwento nilang dalawa.

“Matagal na kitang napatawad, Hudson. Pare-pareho lamang tayong biktima ng pagkakataon. Pero salamat, salamat kasi bumalik na ang alaala mo, ngunit patawad, dahil hindi na tayo pwedeng magbalikan pa, Hudson,” umiiyak niyang sambit.

Kung nagawa siyang apakan noon ng matalik na kaibigang si Aria, hindi niya kayang gawin iyon sa babae. Kaya pa naman niyang magmahal ulit, pero hindi na sa lalaking minsan niyang ipinaglaban at sinaktan lamang siya. Hindi nga siguro talaga sila ang para sa isa’t isa, dahil ang tadhana na mismo ang gumawa ng paraan upang paghiwalayin sila.

Advertisement