Pinili ng Binata ang Makipaghiwalay sa Kasintahan Dahil Nananawa na Siya Rito; Pagsisisihan Niya rin Pala Ito sa Dulo
“Patrick, kanina pa nasa labas si Melanie at hinihintay ka. Hindi mo man lang ba siya pupuntahan?” tanong sa binata ng kasamahan sa trabahong si Mark.
“Hayaan mo siyang maghintay! Sinabi ko na sa kaniyang huwag nang pumunta rito pero nangulit pa rin. Ano na lang ang iisipin sa akin ng mga tao rito?” iritableng sambit pa ng binata.
“Kinikilig nga ang ilan nating kasamahan kasi hindi daw nila ‘yan nararanasan sa kanilang mga kasintahan. Alam mo, imbes na mabugnot ka ay matuwa ka na lang sa ginagawa niya para sa iyo. Hindi lahat ay kagaya niya. Maswerte ka, tsong!” wika pa ng katrabaho.
Pero para kay Patrick ay hindi malambing ang gawaing ito. Ayaw niya kasing palaging nakabuntot sa kaniya ang nobya.
Ilang oras din niyang pinaghintay si Melanie pero hindi mo kakikitaan ng inip ang dalaga. Masaya pa ito nang makita siya.
“Tapos na kayo sa trabaho? Alam kong pagod ka kaya bumili muna ako ng kape. Tara, punta tayo sa isang restawran para makakain tayo. Ako ang taya!” wika ng dalaga.
“Huwag na, umuwi na lang tayo at hindi rin maganda ang timpla ng katawan ko. Sakit ng ulo ko sa tambak na trabaho,” malamig na sagot niya rito.
“Kahit sandali lang, Patrick. O kaya bumili na lang tayo ng pagkain para pag-uwi mo ay kakain ka na lang,” giit pa ng dalaga.
Dito na siya nainis at hindi na nakapagpigil.
“Hindi ka ba nakakaintindi, Melanie? Hindi ba’t sinabi ko na nga na pagod ako at gusto ko nang umuwi?! Maaga pa ang pasok ko bukas!” pagtataas niya ng boses.
“Pero matagal kitang hinintay para sabay kasi sana tayong kumain,” sambit pa ng dalaga.
“Sino ba kasi nagsabi sa iyo na hintayin mo ako?! P’wede ba, Melanie, umuwi na lang tayo at wala akong panahong makipagtalo. Marami na akong iniisip sa trabaho, tigilan mo na ako sa kaartehan mo,” sigaw niya rito.
Natigilan si Melanie. Nasaktan ito sa sinabi niya.
“Umuwi na tayo, Melanie, at wala akong panahon na makipagtalo pa sa iyo. Saka isa pa, umuwi ka nang mag-isa dahil hindi na kita maihahatid pa,” dagdag pa niya.
Pinipigilan lang ni Melanie ang kaniyang luha. Humalik pa rin siya sa pisngi ng nobyo bago sumakay ng taxi.
“Happy anniversary, mahal. Ingat pauwi,” wika ni Melanie.
Hindi akalain ni Patrick na kaya pala naroon ang kasintahan ay dahil anibersaryo na nila. Agad niyang tinawagan ang dalaga ngunit hindi na ito sumasagot ng telepono, kaya pinuntahan na lang niya ito sa bahay upang humingi ng tawad.
Agad naman siyang pinatawad ni Melanie. Ganoon kasi ito noon pa man, hindi na nito pinatatagal pa ang alitan nila.
Para naman kay Patrick, hindi niya maintindihan ang kaniyang sarili. Nakakaramdam na kasi siya ng pananawa sa kanilang relasyon. Marahil dahil ito sa ugali ni Melanie na palagi siyang pinapatawad. Nawalan na ng “thrill” ang kanilang relasyon. Parang nananatili na lang siya dahil nasanay na siya.
Isang araw ay nakatanggap ng magandang balita si Patrick. May promosyon siyang nakuha at makakapagtrabaho siya sa Canada. Malaking oportunidad ito para sa kaniya at sa kaniyang karera.
“Limang taon ang kontrata mo sa Canada, ayos lang ba sa iyo at saka sa nobya mo?” tanong ng boss.
“Walang problema sa akin ‘yan. Lalong walang problema sa nobya ko!” sagot pa nito.
“Walang uwian ito, Patrick. Hindi mo rin siya p’wedeng isama muna dahil kailangan mong magpokus sa trabaho. Pero sa unang taon lang naman. Hindi ko naman pinanghahawakan ang buhay mo. Alam ko ring gusto mong lumagay sa tahimik at magkapamilya. Pero alam ko ring hindi mo ako bibiguin,” saad pa ng amo.
Tunay ngang malaking oportunidad ito para kay Patrick. Sa labis niyang tuwa ay nakalimutan na niya ang mararamdaman ng kaniyang nobyang si Melanie. Tiyak kasing malulungkot ito kapag umalis siya at magpupumilit na sumama. Pero sa loob niya’y may nararamdaman rin siyang tuwa dahil kahit paano ay malalayo siya sa kaniyang nobya.
“Sandali lang naman ang isang taon, Melanie. Pagkatapos noon ay gagawa ako ng paraan para makasunod ka, pangako ko ‘yan! Gagawin ko ito para sa magiging pamilya natin,” saad ni Patrick.
Naging maunawain naman ang dalaga.
“Basta, palagi mo akong tatawagan ha! Huwag kang matutulog na hindi tayo nagkakausap. Mamimi-miss talaga kita, Patrick! Pero magtitiis ako para sa pangarap mo at sa magandang bukas,” wika ng dalaga.
Wala itong kamalay-malay na matagal ang kontrata ng kasintahan sa Canada.
“Kailan mo sasabihin kay Melanie na limang taon ang kontrata mo? Kaya pa ba niyang maghintay ng gaanong katagal?” tanong ni Mark.
“Naisip ko nga na sabihin na lang sa kaniya kapag naroon na ako. O kaya hahayaan ko na lang siyang mawalan ng pag-ibig sa akin. Totoo lang ay nagsasawa na ako sa relasyon namin. Hindi ko alam pero bigla na lang akong nanawa,” sagot ni Patrick.
“Saka marami pang mangyayari sa buhay namin. Baka talagang hindi kami ang inilaan sa isa’t isa,” dagdag pa nito.
“Pero masasaktan mo siya, pare. Hindi mo na ba talaga siya, mahal?” tanong muli ng katrabaho.
“Hindi ko alam pero ang prayoridad ko lang ngayon ay ang trabaho. Bahala na kung saan kami dalhin ng tadhana. Pero tiyak akong masasaktan ko siya dahil kung ngayon mo ako tatanungin ay ayaw ko na talaga,” sagot muli ni Patrick.
Nahahabag si Mark sa dalaga dahil wala man lang itong ideya sa nangyayari.
Lumipas ang mga araw at tuluyang lumipad patungong Canada si Patrick. Noong una’y palagi niyang katawagan ang nobya pero unti-unti nang nabawasan ang dalas nito nang hindi na niya laging sinasagot ang mga tawag nito.
Napansin ni Melanie na nanlalamig na sa kaniya si Patrick kaya kinausap niya ito.
“Tapatin mo na nga ako, Patrick, ayaw mo na ba sa akin kaya iniiwasan mo ako? Nagsawa ka na ba sa relasyong ito? May nakita ka na bang iba diyan sa Canada?” umiiyak na tanong ni Melanie.
“Wala, walang iba, Melanie. Pero matagal ko nang napagtantong hindi na nga kita mahal. Parang nawala na ‘yung pagkasabik ko sa iyo. Hindi na tulad ng dati. Siguro ay bigyan muna natin ng pagkakataon ang mga sarili natin para makahinga. Kung tayo ay tayo talaga,” wika ni Patrick.
Ang hirap para kay Melanie ng tagpong ito dahil nakita na niya ang sarili sa piling ng nobyo. Buong akala niya’y mauuwi na sa kasalan ang kanilang relasyon.
Mahirap para sa dalaga ang mag-move on. Minsan ay tinatawagan pa rin niya si Patrick ngunit hindi na siya nito sinasagot pa. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Habang ang dating nobyo’y walang ginawa kung hindi makipag-date sa iba’t ibang babae sa Canada.
Sa tingin ni Patrick ay nakalaya na siya kay Melanie at magiging masaya na ang kaniyang buhay. Nagkaroon siya ng isang banyagang karelasyon. Sa umpisa ay masaya naman sila ngunit habang tumatagal ay hindi na sila nito nagkakaunawaan. Bigla niyang naalala si Melanie.
Sa lahat ng babaeng kaniyang nakakarelasyon ay hinahanap niya ang dating nobya. Kaya napagtanto niyang baka ito pa rin ang laman ng kaniyang puso.
“Limang taon na ang nakalipas, pero sigurado akong mahal pa rin ako ni Melanie. Alam kong hinihintay niya pa rin ang pagbabalik ko,” saad ng binata.
Agad siyang umuwi pabalik ng Pilipinas upang puntahan si Melanie at para na rin makahingi ng tawad.
Pagdating niya sa bahay ng dating kasintahan ay agad bumungad sa kaniya ang masayang mukha nito. Ngunit napalitan ng gulat nang makita siya nito.
“A-anong ginawa mo rito, Patrick?” tanong ni Melanie.
“Narito ako para humingi ng tawad sa inyo. Walang araw na hindi kita naisip, Melanie. Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko. Sana ay kaya ko pang ibalik ang relasyon natin noon,” wika ng binata.
Maya-maya ay biglang lumabas ang isang lalaki.
“Babe, ano bang ginagawa mo rito? Kanina ka pa namin hinihintay ni baby. Tara na at kakain na tayo ng cake,” saad ng ginoo.
“May bisita ka ba? Kaibigan mo?” tanong muli ng mister.
“A, hindi. Napadaan lang siya. Aalis na siya kaagad. May sinabi lang siya sa akin. Tara na at pumasok na tayo sa loob. Isasara ko lang ang gate,” wika ni Melanie.
Nalungkot si Patrick nang malamang may asawa na pala ang dating kasintahan. Labis siyang nanghihinayang dahil pinakawalan niya ang isang babaeng tunay na nagmamahal sa kaniya noon.
“Hangad ko ang kaligayahan mo, Patrick. Pero hindi na tayo p’wede. May asawa’t anak na ako. Mahal ko si Miguel… at mahal na mahal niya ako,” wika pa ng dating nobya.
Habang isinasara ni Melanie ang gate ay hindi maiwasan ni Patrick na maluha. Ito na ang huling pagkakataong masusulyapan niya ang mga ngiting iyon. Kung maibabalik lang niya ang nakaraan ay pahahalagahan niya ang bawat sandali na kasama si Melanie. Ngunit ngayon, kailangan na niyang tanggaping kahit kailan ay hindi na ito mangyayari pa.
Bumalik ng Canada si Patrick nang mabigat ang kalooban. Tanggap niyang kasalanan niya ang nararamdamang kalungkutan.