Nakatungtong Lang ng Amerika’y Tinalikuran na ng Ginoo ang Matalik na Kaibigan; ‘Di Niya Akalain ang Gagawin Nito Para sa Kaniya

“Manang Sita, ngayon po ba ang dating ni Rolan dito sa baryo natin? Hindi na kasi ako makapaghintay na makita ang kababata ko. Matagal na rin kaming hindi nagkakausap!” sambit ni Jun sa ginang.

“Oo, mamayang gabi ay narito na ‘yun! Sigurado akong nasasabik din iyong makausap ka. Simula nang napunta ng Amerika ay laging abala. Maging kami ay hindi na nakakausap. Hayaan mo at ipapatawag kita sa inyo kapag narito na siya,” wika naman ni Manang Sita. 

Matalik na magkaibigan sina Jun at Rolan. Noon nga ay halos na hindi mapaghiwalay ang dalawa sa sobrang lapit sa isa’t isa. Kung nasaan ang isa’y naroon rin ang isa.

Ngunit nang magbinata’y kailangan nang tumigil sa pag-aaral ni Jun upang makatulong sa kaniyang mga magulang. Samantalang si Rolan naman ay sinuwerteng makahanap ng trabaho sa Amerika.

Mula noon ay naging malaki na rin ang pagbabago ng buhay ni Rolan at ng kaniyang pamilya. Malayong-malayo sa kinagisnan nilang buhay ng matalik niyang kaibigan.

Kinagabihan ay panay silip ni Jun sa bahay ni Manang Sita upang tingnan kung naroon na ang kaibigan. Tiyempong dumating na nga si Rolan.

“Aba’y narito na ang kaibigan ko! Napakalaki na ng pinagbago mo, a!” salubong ni Jun.

Ngunit hindi niya inaasahan ang pagbati sa kaniya ng kaibigan.

Advertisement

“Musta, p’wedeng bukas na lang tayo mag-usap dahil pagod ako. Mahaba ang byahe at masakit na ang ulo ko,” matabang na saad naman ni Rolan.

Hindi naman dinamdam ni Jun ang malamig na pakikitungo sa kaniya ng kaibigan. Siguro nga ay masama lang ang pakiramdam nito.

Kinabukasan, maaga pa lang ay nagtungo na si Jun sa bahay ng kaibigan. Pinag-ihaw niya ito ng dalag, paborito nila ito noon.

Ngunit hindi man lang siya nagawang harapin ni Rolan.

“Siguro ay masakit pa rin ang ulo, Jun. Hayaan na muna natin siya. Hindi ka naman niyan matitiis, pupuntahan ka rin niyan!” wika pa ni Manang Sita.

Napansin ng ginang na iwas ang kaniyang anak na makita ang kababata.

“Ano bang nangyayari sa iyo? Ayos naman na ang pakiramdam mo, bakit ayaw mo pang harapin si Jun? Lagi ka nga niyang tinatanong sa akin, e!” saad ng ina. 

“Hayaan n’yo na siya, ‘nay! Alam ko naman kung bakit gusto niya akong makita. Gusto lang niyang humiram sa akin ng pera. Siguro ay umaasa ring may pasalubong ako sa kaniya. Iba na ang buhay namin, ‘nay. Hindi na kami ang mga dating batang magkalaro lang. Hindi na niya maaarok ang pag-iisip ko,” saad pa ng binata.

Advertisement

“Sobra ka naman sa kaibigan mo! Mabait naman ‘yang si Jun. Hindi ‘yan mangungutang sa iyo! Tingnan mo nga at dinalhan ka pa ng paborito mong inihaw na hito. Huwag kang ganyan sa kaibigan mo! Swerte ka at may kaibigan kang hindi ka iiwan sa ere,” saad pa ni Manang Sita.

Ngunit hindi na talaga gusto ni Rolan na makipagkaibigan pa kay Jun dahil magkaiba na ang mundong ginagalawan nila. Mula nang dumating siya sa Amerika ay naging malapit siya sa mga kaibigang nakapagtapos din ng pag-aaral. 

Isang araw ay inaya pa nga niya ang mga ito upang kumain. Hindi man lang niya inimbitahan si Jun.

Nang mabalitaan ito ni Jun ay hindi niya naiwasang mag-isip. Ngunit gusto niyang tanggalin sa kaniyang isip na iniiwasan siya ni Rolan. Kaya naman kinausap niya ito nang harapan. Sakto naman at nakikipag-inuman ito sa labas ng kanilang bahay sa mga dati nilang kaklase.

“Hindi ba’t malapit ka kay Jun? Ano na nga ang trabaho niya ngayon?” tanong ng isang ginoo.

“Naku, matagal na kaming hindi nag-uusap. Ang sabi ng nanay ko’y isa raw siyang karpintero. Hindi ko na inalam. Hindi ko siya inimbita ngayon dahil hindi rin naman niya mauunawaan ang mga pag-uusapan natin. Baka mamaya ay ma-out of place lang! Kawawa naman,” biro ni Rolan.

“Mahirap rin ang walang naabot sa buhay, ‘no? Paano kaya niya binubuhay ang pamilya niya? Mabuti na lang at naiba ang landas mo d’yan mo kay Jun kung hindi ay pareho kayo ng buhay,” sambit pa ng isang kaklase.

“Hindi naman ako makakapayag! Kaya nga tinapos ko talaga ang pag-aaral ko. Ayaw kong matulad sa kaniya!” sambit ni Rolan.

Advertisement

Nang marinig ito ni Jun ay labis siyang nasaktan. Kinahihiya pala siya ni Rolan kaya iniiwasan siya nito. Nauunawaan naman niya dahil magkaiba na ang kanilang mundo.

Tumalikod si Jun at umuwi sa kanila ng nanlulumo. Napansin naman ni Manang Sita na naroon ang ginoo at narinig nito ang usapan ng dating magkakaklase.

“Rolan, hindi kita pinalaking ganyan! Nakapunta ka lang sa Amerika ay akala mo kung sino ka na? Bakit, kapag ba hindi ka na kumikita ng malaki ay sasamahan ka pa ng mga kinikilala mong kaibigan? Bakit kailangan mong ipahiya si Jun?” saad ng ina. 

“Nagsasabi lang naman ako ng totoo, ‘nay! Hindi na kami mauunawaan ni Jun dahil hamak lang siyang karpintero at hindi na niya abot ang narating namin. Tanggapin n’yo na lang na malayo na talaga ang agwat namin sa isa’t isa!” bulyaw ng anak. 

“May tinapos ka nga pero ang ugali mo’y parang walang pinag-aralan,” sambit ni Manang Sita.

Lumipas ang mga araw at talagang walang pagsisisi si Rolan sa kaniyang ginawa. Patuloy ang pagsama niya sa mga dating kaklase dahil sa palagay niya’y ito na ang bago niyang mundo.

Hanggang sa isang araw ay nakatanggap siya ng masamang balita.

“Ano ang nangyari? Bakit hindi ka na p’wedeng bumalik ng Amerika?” tanong ng ina.

Advertisement

“‘Nay, ‘yung kumpanya ko raw ay may nadispalkong pera at isa ang mga pangalan ko sa pinaiimbestigahan. Alam ng Diyos na wala akong kinalaman sa kahit alin mang transaksyon na ‘yun!” sambit ni Rolan.

Nang mabalitaan ito ng mga dati niyang kaklase ay nilayuan na siya ng mga ito. Wala rin siyang mahingan ng tulong. Ang lahat ay iwas pagdating sa kaniya. Sa pinakamababang punto ng kaniyang buhay ay wala man lang siyang masandalan.

Habang nasa malapit sa lawa ay biglang may tumabi sa kaniya. Walang iba kung hindi ang kaibigang si Jun.

“Malalagpasan mo rin ‘yang lahat. Kailangan mo lang harapin ang pagsubok na ito. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Lumaban ka kapag alam mong nasa tama ka,” saad ng ginoo.

“Narito lang ako sa tabi mo, Rolan. Wala man akong malaking halaga na p’wedeng iambag sa iyo pero naniniwala akong wala kang kasalanan. Kakayanin mo ‘yang malampasan kasi noon pa man ay malaki na ang tiwala ko sa iyo. Sa ating dalawa ay ikaw talaga ang madiskarte at matalino kaya nga nakapagtapos ka ng pag-aaral at nakapagtrabaho sa Amerika. Kaya mo ‘yan!” dagdag pa ni Jun. 

Napaakbay na lang sa kaniya si Rolan.

“Pasensya ka na sa akin, pare, a! Lumaki talaga ang ulo ko. Nakatungtong lang ako ng Amerika’y akala ko kung sino na ako. Tinalikuran ko ang lahat pati ang pinakamatalik kong kaibigan. Minaliit man kita noon ay ikaw pa itong nasa tabi ko para damayan ako. Kaya pasensya na talaga!” saad pa nito. 

“Wala ‘yun, bilang kaibigan mo’y tungkulin kong unawain ka. Basta, pare, kasama mo ako sa laban na ito,” wika pa ni Jun.

Advertisement

Nang dahil sa problemang iyon ni Rolan ay napatunayan niya kung sino talaga ang kaniyang kaibigan. Nahihiya siya kay Jun sa pagtalikod na ginawa niya noon. Mabuti na lang at kaibigan talaga ang turing sa kaniya nito ay hindi ito nagkimkim ng sama ng loob. 

Masaya naman si Manang Sita dahil nagbalik na ang pagiging malapit ng magkaibigan. Natitiyak niyang nasa mabuting kamay na ang kaniyang anak na si Rolan.

Hindi naglaon at napatunayang wala ngang sala itong si Rolan at makakabalik na ito ng Amerika. Bilang ganti sa hindi pang-iiwan ng kaibigan ay nagpasya siyang tulungan ito para makahanap din ng trabaho doon.

Nais niyang tulungan si Jun upang gaya niya’y umangat din ang buhay nito – dahil ang tunay na magkaibigan ay hindi nag-iiwanan.