Inday TrendingInday Trending
Ikinagulat ng Binata na Kasing Edad Niya ang Bagong Kinakasama ng Nanay Niya; May Itinatago Pala Itong Lihim

Ikinagulat ng Binata na Kasing Edad Niya ang Bagong Kinakasama ng Nanay Niya; May Itinatago Pala Itong Lihim

Pitong taon nang biyuda si Corazon. Sumakabilang buhay ang mister niya sa atake sa puso at naiwan sa kaniya ang nag-iisang anak na lalaki na si Kelvin na beinte uno anyos. Nang mawala ang asawa niyaay mag-isa niyang itinaguyod ang pag-aaral ng anak sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga kung anu-ano sa online.

Sobrang malapit sa kaniya ang binata niyang anak. Mahal na mahal siya nito pero ilang araw na nitong napapansin na malungkot siya.

“M-Mama, may problema ka po ba?” tanong nito.

Umiling siya. “W-Wala, anak…wala,” pagsisinungaling niya. Ang totoo ay may gumugulo sa isip niya.

Ngunit kahit anong tago ni Corazon ng problema niya sa anak ay nalaman pa rin nito ang dahilan ng kalungkutan niya.

“Mama, tapos na po ako sa pag-aaral. May maganda na rin po akong trabaho ngayon, kaya ko na ang buhay ko. Wala pong problema sa akin kung iibig kang muli,” sabi ni Kelvin sa kaniya.

“Talaga, anak? Wala kang tutol kung mag-aasawa uli ako?” tanong niya.

“Alam mo kung gaano kita kamahal, mama. At kung iyon ang ikaliligaya mo, bakit ako tututol?” sagot ng binata.

“Salamat, anak,” aniya.

Kaya isang araw, dinala niya sa bahay nila ang boyfriend niya. Ilang buwan na silang magka-relasyon ng lalaki na nakilala niya sa chat. Inilihim nila ang tungkol sa kanila dahil akala niya ay tututol ang anak.Ipinakilala niya ito kay Kelvin.

“Kelvin, anak, siya ang Tito Arman mo. Mula ngayon ay dito na siya titira. Saka na namin aayusin ang pagpapakasal sa huwes,” sabi niya.

Nang makita ng binata ang lalaki ay nanlaki ang mga mata nito.

“What do you mean by that, mama?” gulat na tanong nito.

“Sabi mo anak…wala kang tutol kung mag-aasawa man ako?” nagtatakang sabi ni Corazon sa anak.

“W-wala nga mama…p-pasensya na po nagulat lang ako. N-nice meeting you, T-Tito Arman,” tugon ni Kelvin.

Nang magkasarilinan ang mag-ina…

“Mama, uulitin ko ‘yung sinabi ko sa iyo na wala akong tutol sa muli mong pag-aasawa pero bakit halos ka-edad ko lang ‘yung lalaking iyon?” tanong ng binata.

“Ganoon naman ‘di ba sa pag-ibig, hindi mahalaga ang edad basta mahal ninyo ang isa’t isa?” sagot ni Corazon.

Napatango na lang ang binata sa sinabi niya. “Eh, bakit hindi pa kayo pakasal, bakit magli-live in pa kayo?” tanong pa nito.

“Marami pang aasikasuhin eh, hindi pa annulled si Arman sa una niyang asawa,” sabi ng ginang.

“Wala na bang ibang lalaki, mama?” tanong ulit ni Kelvin.

“Anak, mahal na mahal ko si Arman. Minahal din niya ako kahit mas malaki ang agwat ng edad ko sa kaniya. Ikalulungkot ko kung magkakalayo kami, anak. Nakikiusap ako, tanggapin mo na siya para sa akin,” pagmamakaawa ng ina.

Sa puntong iyon ay niyakap ni Kelvin ang mama niya.

“Mama, hindi mo kailangang magmakaawa sa akin. May hiniling ka na ba sa akin na hindi ko pinagbigyan? Basta masaya ka, masaya na rin ako, mama.”

“Salamat, anak…salamat.”

Pero isang araw, nangyari ang hindi inaasahan sa bahay nila.

“Ano? Buntis ka kamo, Sheryl? Aba, eh, sino ang ama ng dinadala mo?” gulat na tanong ni Corazon sa kanilang dalagang kasambahay.

“Eh, k-kuwan po, ano k-kasi…”

Hindi makapagsalita ang babae at nagkakandautal-utal pa ito, nang biglang sumali na sa usapan si Kelvin. Ikinabigla ni Corazon ang sinabi ng anak.

“A-Ako po, mama. Ako ang ama ng dinadala niya,” pag-amin ng binata.

“A-Ano?!”

“Patawarin mo ako mama,” tanging sagot nito.

Naguguluhan man ay pilit na umisip ng paraan si Corazon para maayos ang problema.

“Kailangang ayusin natin ito, anak, Sheryl,” aniya.

At naayos nga ni Corazon ang lahat. Sa una ay gusto niyang ipakasal si Sheryl kay Kelvin para mapanagutan ang bata sa sinapupunan nito pero tumanggi ang babae, kaya raw nitong buhayin na mag-isa ang bata. Sa huli ay wala siyang nagawa kundi sundin ang kagustuhan ng kasambahay.

“Dahil ayaw niyang maikasal kayo, pumayag na lamang siyang bigyan natin siya ng buwanang sustento para sa inyong magiging anak,” wika ng ginang.

“S-Sorry po ulit mama,” tugon naman ni Kelvin na hindi makatingin ng diretso sa ina.

Umalis sa poder nila si Sheryl, umuwi ito sa probinsya. ‘Di nagtagal ay nagkaroon uli sila ng bagong kasambahay. Tulad ni Sheryl, batang-bata ito, maganda at s*ksi. Hindi iyon nakaligtas sa mata ni Arman.

“Ang ganda naman ng bagong katulong namin! Nakakapanggigil!” bulong niya sa isip habang nagkakandahaba ang leeg sa pagsilip sa babae habang nagluluto ito sa kusina.

Napadaan si Kelvin sa kinatatayuan ni Arman at kitang-kita nito ang hay*k na hay*k na mga mata ng lalaki sa bago nilang kasambahay.

“Tito Arman!” sabi ng binata.

Nagulat si Arman nang makita ang anak ng kinakasama.

“A, eh…K-Kelvin, nariyan ka pala,” anito.

Masinsinang kinausap ni Kelvin ang lalaki.

“Makikiusap sana ako sa iyo, kung ano man ang iniisip mo sa bago nating kasambahay, huwag mo nang ituloy,” seryosong sabi ng binata.

Mukhang alam ni Arman ang nasa isip ni Kelvin kaya…

“Dahil ba kursunada mo rin siya, Kelvin?” nakangsing tanong nito.

“Alam mong hindi ako ganoong klaseng lalaki,” matigas na sagot ni Kelvin.

Natawa ang lalaki. “Talaga lang? Nakabuntis ka nga ng katulong, eh, inayos lang ng mama mo.”

Pinigilan ni Kelvin ang matinding galit at tumalikod na. Hindi na niya sinagot pa ang lalaki.

“May araw ka rin,” bulong niya sa isip.

Isang gabi, hindi inasahan ni Kelvin na makita si Arman at ang bago nilang kasambahay na may ginagawang milagro sa kusina. Huling-huli niya sa aksyon ang dalawa.

“Napakawalanghiya mo talaga, Arman!” sigaw niya.

Nagmamadaling nagbihis ang dalawa. Sa sobrang kahihiyan ng kasambahay ay nagtatakbo ito palabas ng bahay. Hinarap naman ni Arman ang binata.

“Alam kong hindi mo ako isusumbong sa mama mo, Kelvin, dahil kapag isinumbong mo ako ay iiwan ko ang mama mo! Hindi niya makakaya na mawala ako sa buhay niya!” buong pagyayabang na sabi ni Arman.

Maya maya ay biglang sumulpot si Corazon…

“Dati iyon, Arman, pero pagkatapos kong malaman ang lahat ng kabab*yan mo’y iba na ang gusto kong mangyari,” matigas na sabi ng ginang.

“A-Anong ibig mong sabihin, darling?” maang na tanong ng lalaki.

“Alam ko na ang sikreto mo, Arman. Alam ko na ang totoo na hindi ang anak ko ang nakabuntis kay Sheryl. Dahil ang walanghiyang iyon ay walang iba kundi ikaw!” bunyag ni Corazon.

Hindi na nakatiis pa si Kelvin, ipinagtapat na niya sa ina ang katotohanan na may lihim na relasyon si Arman sa kanilang kasambahay na si Sheryl at nang mabuntis ito ay ayaw nang panagutan ng lalaki. Nagpanggap si Kelvin na siya ang nakabuntis sa dalaga dahil kapag sinabi niya sa kaniyang ina na si Arman ang may gawa ay hindi ito maniniwala. Kaya nang umalis si Sheryl sa kanila ay agad siyang kumuha ng bagong kasambahay para ipain kay Arman. Alam niya na may pagka-many*kis ang lalaki at mahilig sa magaganda. Nagbayad siya ng babae para magpanggap na kasambahay na mang-aakit kay Arman at nahulog naman ito sa bitag niya. Kitang-kita rin ng mama niya ang ginagawang kawalanghiyaan ng kinakasama kaya eto ngayon, hindi na makakapagkaila pa ang buhong.

“Corazon, darling, magpapaliwanag ako…”

“Pasensyahan tayo, Arman pero dahil sa ginawa mo’y nawala na lahat ang pagmamahal at tiwala ko sa iyo. Manloloko ka pala! Hindi na ako natatakot na layasan mo ako. Namulat na ako kaya umalis ka na sa pamamahay ko! Wala kang madadala na kahit ano dahil ang lahat ng meron ka ay ako ang nagbigay! Hala, layas!” sigaw ni Corazon.

Lulugu-lugong lumabas ng bahay ang lalaki. Sa huli ay hindi niya tuluyang nauto si Corazon.

Niyakap ni Kelvin ang ina.

“Ayos ka lang ba, mama? Sorry kung nagawa kong magsinungaling,” pagsusumamo ng binata.

“Wala kang kasalanan anak. Ginawa mo lang ang tama. Iminulat mo lamang ako sa katotohanan. Salamat sa iyo, anak ko,” sambit niya.

Mula noon ay hindi na nagpakita pa sa kanila si Arman. Naging masaya ang buhay ng mag-ina kahit dalawa lang sila. Napagtanto ni Corazon na hindi na niya kailangan pa ng panibagong pag-ibig dahil sa pagmamahal palang sa kaniya ng anak niyang si Kelvin ay busog na busog na siya.

Advertisement