Inday TrendingInday Trending
Kinupkop na nga ng Babae ang Ulilang Kaibigan ay Inakit pa Nito ang Mister Niya; Makalipas ang Ilang Taon ay Kinarma ang Kaibigan Niya

Kinupkop na nga ng Babae ang Ulilang Kaibigan ay Inakit pa Nito ang Mister Niya; Makalipas ang Ilang Taon ay Kinarma ang Kaibigan Niya

May negosyong karinderya si Esther habang ang mister naman niyang si Fredo ay isang construction worker. Mayroon silang isang anak, si Tifanny na nasa hayskul na.

Kung tutuusin ay sapat lamang ang kinikita ng mag-asawa para sa kanilang pamilya, pero may busilak na puso si Esther dahil kinupkop niya ang matalik na kaibigan na si Donnalyn. Ulilang lubos na ang dalaga, sumakabilang buhay ang tatay nito ilang taon na ang nakakaraan dahil sa isang aksidente at ang nanay naman ay inatake sa puso kamakailan at binawian na rin ng buhay sa ospital. Dahil maraming utang ang nanay ay inilit ang bahay ng mga ito at wala nang ibang matutuluyan ang kaibigan.

Nag-iisang anak lang ang dalaga at itinakwil na rin ng mga kamag-anak kaya naaawa siya’t sa bahay na lamang nila ito pinatira. Mas bata ito ng tatlong taon sa kaniya, at ang alam niya kaya inatake sa puso ang ina nito ay dahil masama ang loob rito. Bali-balita kasi na mahilig pumatol ang kaibigan niya sa iba’t ibang lalaki, nang malaman ng nanay nito ang mga kalokohan ay ‘di nakayanan at bumigay. Hindi naman siya naniniwala sa mga tsismis dahil kilala niya ang kaibigan, matino itong babae.

“Donnalyn, gising na, sumabay ka na sa amin sa agahan,” tawag ni Esther isang umaga. Nakalimang sigaw na siya sa kwarto ngunit hindi pa rin lumalabas ang kaibigan.

Naghahain siya sa mesa at ang mister niyang si Fredo ay humihigop naman ng mainit na kape. Pumasok na sa eskwela ang anak nila, maaga kasi ang klase nito. Maya maya ay lumabas na sa kwarto si Donnalyn, pupungas-pungas at naghihikab pang lumapit sa kanila.

“Anong pagkain, freni?” taong nito. Iyon kasi ang tawagan nilang magkaibigan.

“Yung paborito mo, sinangag at longganisa,” sagot ni Esther at inilapag ang pinggan sa tapat ng dalaga.

Tahimik na kumain ng almusal ang tatlo, ilang minuto pa ay tumayo na si Fredo sa kinauupuan para pumasok sa trabaho.

“Mauna na ako sa inyo. Marami ngayong gagawin sa site kaya kailangang maaga ako,” simpleng sabi ng lalaki.

“Sige, Kuya Fredo. Ingat ka ha?” nakangiting sagot naman ni Donnalyn.

Pagkatapos mag-agahan ay naisipan ni Esther na pumunta muna sa palengke dahil may mga dapat bilhin na mga rekados. Pagbalik na lang saka niya bubuksan ang karinderya.

Habang namimili ay nakita siya ng isa sa mga kapitbahay nila na si Aling Sion. Hindi niya ito naiwasan dahil sadyang makulit ito at palakuwento.

“Kumusta na kayong mag-asawa mula nang pinatira ninyo sa bahay ang kaibigan mong si Donnalyn?” usisa nito.

“Okey naman po kami. Bakit niyo po naitanong?” tanong niya.

“Ewan ko ba, para kasing pakiramdam ko’y nag-aalaga ka ng ahas sa bahay ninyo,” wika ng matanda.

Napakunot ang noo ni Esther. “Bakit niyo naman po nasabi ‘yan?”

“Si Donnalyn, hindi mo ba naririnig ang mga tsisimis tungkol sa kaniya? Aba’y kapag abala ka sa karinderya ay kung sinu-sinong lalaki ang pinapapunta niya sa bahay ninyo. Payag ka ba na ginagawang motel ang bahay ninyong mag-asawa?” hayag ni Aling Sion.

Bumuntung-hininga si Esther, hindi na kasi natapus-tapos ang mga bulung-bulungan sa inosente niyang kaibigan.

“Aling Sion, mali po ang mga ibinibintang sa kaniya. Kilala ko si Donnalyn, matalik ko siyang kaibigan. Parang kapatid na ang turing ko sa kaniya. Hindi siya ahas gaya ng sinasabi niyo. Saka wala na kayong pakialam kung sa bahay namin siya nakatira, hindi naman kayo ang nagpapalamon sa kaniya. Tigilan niyo na ang kaibigan ko, sana’y wala na akong maririnig na anumang tsismis tungkol sa kaniya dahil wala siyang ginagawang masama,” sagot niya sa kausap na may halong babala.

Sa sinabi niya ay hindi na nakasagot pa ang matandang tsismosa.

Pagkagaling sa palengke ay dumiretso siya sa karinderya. Laking tuwa nga niya dahil malakas ang benta sa araw na iyon kaya madaling naubos ang mga paninda niyang pagkain. Kadalasan ay alas nuwebe na siya nagsasara pero ngayon, alas siyete palang ay nagliligpit na siya.

Malapit kasi sa palengke ang karinderya ni Esther. Doon siya nagpatayo ng kainan dahil maraming tao. Mabilis niyang narating ang kanilang bahay, malapit lang naman iyon sa karinderya at sa palengke. Medyo nagtaka siya dahil bukas ang ilaw sa salas. Kapag ganoong oras ay nakasara ang ilaw sa salas dahil nagkukulong sa kwarto si Donnalyn at abalang nanonood ng paborito nitong K-drama sa TV. Imposible naman na dahil iyon sa anak niyang si Tifanny, eh nagpaalam ito sa kaniya na gagabihin daw ng uwi dahil may gagawing project kasama ang mga kaklase.

Binuksan niya ang pinto at nabitawan niya ang hawak na bayong sa nasaksihan.

Ang mister niyang si Fredo at ang matalik niyang kaibigan na si Donnalyn ay magkayakap at naghahalikan.

Hindi nakapagsalita si Esther, walang salitang lumabas sa kaniyang bibig. Nanginginig siya at halos matumba sa kinatatayuan. Nang mapansin siya ng dalawa ay nagulat ang mga ito.

Agad siyang nilapitan ni Fredo, samantalang kitang-kita niya ang kaibigan na tila natatawa pa na nadiskubre niya ang kabab*yan ng mga ito.

“P-Patawarin mo ako, Esther, p-pero mahal ko na si Donnalyn,” bunyag ng mister.

Doon na kumulo ang dugo niya. Ang galit na kinikimkim ay bigla na lang sumabog. Sa tinuran ng asawa ay nasampal niya ito ng ubod lakas.

“Walanghiya ka! Ang kapal ng mukha ninyo! At dito pa talaga sa pamamahay ko kayo gumagawa ng milagro? Mga b*boy! At ikaw, Donnalyn, pinatira kita rito, itinuring na kapatid, tapos ito ang igaganti mo sa akin? Wala kang utang na loob! Tama nga ang sabi nila, ahas ka nga! Lumayas kayo! Ayokong makikita ang mga pagmumukha ninyo!” sigaw niya.

Nagmamadaling umalis ang mga taksil sa kaniyang bahay at naiwan siyang mag-isa, tigib ng luha ang mga mata.

Makalipas ang ilang taon

“Natutuwa ako, anak, dahil napakabuti ng iyong puso,” nakangiting sabi ni Esther. Suportado niya ang anak na si Tifanny na nagpapamudmod ng mga pagkain, damit at iba pang pangangailangan sa mga mahihirap sa iskwater. Isa nang matagumpay na negosyante ang kaniyang anak na babae. Dahil sa pagsusumikap ay ibinigay nito sa kaniya ang marangyang buhay. Dahil sobra-sobra na ang biyaya nila ay nagbabahagi naman sila sa kapwa lalo na sa mga kapos talaga sa buhay.

“Mama, mana lang ako sa iyo. Ikaw ang nagturo sa akin na maging mapagbigay sa mga nangangailangan,” sagot ng dalaga.

“Tama ‘yan, anak. Ngayong tayo naman ang nakakaangat, dapat din nating ibahagi ang blessing sa iba,” saad pa niya.

“Pahingi nga po ng pagkain,” wika ng isang babae. Napalingon silang mag-ina sa nagsalita. Pare-pareho silang na-estatwa sa kinatatayuan nang makilala ang isa’t’ isa. Ang babaeng nasa harap nila ngayon, na may limang anak at mukhang losyang na ay walang iba, kundi si Donnalyn. Napansin nilang payat na payat ang babae pati na rin ang bitbit nitong sanggol ay mukhang sakitin.

Akmang tatalikod ito dahil sa sobrang kahihiyan nang pigilan ito ni Esther.

“Donnalyn…”

Nahihiya itong humarap sa kaniya. Hindi makatingin nang diretso.

“B-Bakit?”

“Walang kasalanan ang mga anak mo. Eto ang mga pagkain, damit, at iba pang pwede ninyong mapakinabangan. Kunin mo,” sabi ni Esther.

Nahihiyang lumapit ang babae at kinuha ang plastic bag na ibinigay ng dating kaibigan. Nakatungo pa rin ito at walang imik, maya maya ay nagsalita na rin ito.

“I-Iniwan niya rin ako, Esther. Inanakan lang niya ako pagkatapos ay sumama siya sa ibang babae, pero ang balita ko’y nagbabayad na rin siya ng mga kasalanan niya dahil nahawaan daw ng sakit nung babaeng sinamahan niya. Patawarin mo ako. Napakabuti mo pa rin sa akin kahit sinaktan kita noon. Patawad, pinagsisisihan ko na ang lahat,” umiiyak at halos lumuhod si Donnalyn pero pinigilan ito ni Esther.

“Kalimutan na natin ang nakaraan. Napagbayaran mo na naman ang kasalanan mo, ang mahalaga ay nagsisisi ka na,” sabi ng babae.

Hiyang-hiya si Donnalyn dahil sa kabila ng lahat ay pinili pa rin ng kaibigan niyang si Esther na maging mabuti. Inabutan ni Tifanny ng pera ang babae upang magsimulang muli, para sa mga anak nito.

Ipinakita sa kwento na may nakaabang na karma sa mga taong mas piniling gumawa ng masama sa kapwa samantalang biyaya naman ang makakamtam ng mga taong sa kabila ng hirap na pinagdaanan ay nanatili pa ring mabuti ang puso.

Advertisement