Hindi Matanggap ng Lalaki na Inampon ng Misis Niya ang Batang Lumpo; Ito pala ang Suwerte Nila
Napatayo sa kinauupuan si Sergio sa sinabi ng misis niyang si Andeng.
“A-Ano? Aampunin mo ang inutil na ‘yan?” sambit niya.
“Kawawa naman ang itong bata, Sergio. Iniwan na ng mga magulang niya. Wala ring gustong kumupkop dahil nga may kapansanan. Hindi naman makakaya ng konsensya ko na pabayaan na lang ito sa kalye. Hindi ko rin alam kung saan hahagilapin ang nanay niya’t ibang kamag-anak. Ayoko rin namang ipaampon, napamahal na siya sa akin,” sagot ng asawa.
Ang tinutukoy ng babae ay ang anak ng kanilang kasambahay na batang lalaki. May kapansanan ito, isang lumpo. Nabuntis ng ‘di kilalang lalaki ang kasambahay, iniwan ito nang malamang nagdadalantao. Nang lumabas ang bata ay inalagaan naman ito ng ina ngunit nagsawa na rin kaya bigla na lang umalis sa bahay nila nang walang paalam at iniwan ang anak.
“Magiging pabigat lang sa atin ang lumpong iyan! Palalakihin mo’t palalakihin nang walang pakinabang, ganoon ba ang gusto mo?” asik ng mister.
Napapailing naman sa Andeng sa pananaw ng asawa. “Iyan ang hirap sa iyo, eh. Pakinabang lang ang palaging iniisip mo kaya kahit kailan ay hindi ka magkakaroon ng puso na makatulong. May karapatan ring mabuhay nang may nagmamahal ang batang ito kaya kung walang magbibigay ay ako ang magmamahal sa kaniya,” wika ni Andeng.
Tutol man sa kagustuhan ng misis ay wala siyang nagawa. Dahil pareho silang may trabaho at may karapatan sa bahay nila ay hindi niya ito napigilan.
“Bahala ka na nga, kung ang mga magulang niyan hindi nasikmura ang pag-aalaga riyan. Tingnan ko kung hanggang saan ka tatagal!” matigas na sabi ng lalaki.
Mula noon ay itinuring na tunay na anak ni Andeng ang batang si Ryan. Kahit kailan ay hindi niya ipinaramdam sa bata na iba ito. Dahil walang silang anak ni Sergio ay binuhos niya ang pagmamahal niya rito bilang ina.
Kung siya ay magaan ang loob sa anak-anakan, si Sergio naman ay mabigat pa rin ang dugo sa bata. Palagi nitong sinasaktan si Ryan kapag nakikita.
“Hoy, inutil, pakalat-kalat ka naman sa daraanan ko! Tabi nga!” sigaw niya saka sinipa ang bata habang naglalaro sa lapag.
Dahil nasaktan ay umiyak ang bata. Narinig iyon ni Andeng at agad itong pinuntahan.
“Ano ka ba naman, Sergio, nanahimik ‘yung bata, pinagdidiskitahan mo!” galit na sabi nito.
“Kung ayaw mong nasasaktan ‘yang lumpong ‘yan, huwag mong hahayaan na pagala-gala rito sa bahay. Ikulong mo sa kwarto!” sagot ng lalaki.
Hindi na nakipagtalo pa si Andeng sa asawa, dali-dali niyang ipinasok sa kwarto ang bata.
“Dito ka na lang maglaro ha, anak. Masama kasi ang pakiramdam ng papa mo kaya siya ganoon. Ikaw na lang ang bahalang umunawa,” paliwanag niya.
“Ayos lang po sa akin, mama. Naiintindihan ko naman po si papa,” sagot ni Ryan na pitong taong gulang na ngayon.
Napangiti si Andeng. Kahit iba ang trato ng mister niya sa anak-anakan, kahit kailan ay hindi ito nagtatanim ng galit. Lumalaking may mabuting puso ang bata.
Pero hindi talaga naiiwasan na pakitaan ng kagaspangan ni Sergio ang bata kapag naroon ito sa bahay.
“Huwag mo ngang isinasabay sa pagkain natin ‘yang ampon mo. Nawawalan ako ng ganang kumain, eh…Nakakadiri! Parang ipis na nakatanghod sa kinakain kong pritong manok,” gigil na sabi nito.
“Ang bibig mo naman, Sergio, napakatabil!” inis na sagot ni Andeng.
Hanggang sa sumapit sa edad na disi otso si Ryan ay hindi pa rin siya tanggap ni Sergio.
“Birthday ng papa mo ngayon, anak. Batiin mo naman siya,” sabi ni Andeng sa anak-anakan.
“Opo, mama…happy birthday po, papa!” wika ng binatilyo.
“O, anong sagot mo, Sergio, binati ka ng anak mo,” wika ni Andeng sa asawa.
Matalim na tumingin ang lalaki. “Wala akong anak na lumpo, ilayo mo nga sa akin ‘yan!”
“Magkaroon ka naman ng puso! Baka ‘yang sinabi mo, matanim na kay Ryan,” tugon ng misis.
“Di itanim niya nang may anihin siya, pwe!” sabi ni Sergio saka tumalikod.
Lumipas pa ang ilang taon. Beinte singko anyos na ang ampon nila, pero patuloy pa rin itong hinahamak ni Sergio.
“At binilhan mo pala ng bagong wheelchair ang lumpong ‘yan?” tanong nito.
“Luma na kasi ‘yung dati, eh. Saka regalo ko ‘yan sa kaniya sa graduation niya. Cum Laude siya sa school nila,” sagot ni Andeng.
“Nagsasayang ka lang ng pera diyan. Wala ka namang mahihita sa inutil na ‘yan, pwe!” wika ng lalaki saka umalis na.
Napabuntung-hininga na lamang ang mag-ina.
“Hayaan niyo na po si papa, mama,” sabi ni Ryan.
“Pasensya ka na ha? Kung ganoon pa rin ang ugali niya sa iyo,” ani Andeng.
“Mama, hindi niyo po kailangang humingi ng pasensya, wala naman po kayong kasalanan eh,” saad pa ng binata.
Ngunit isang araw, nagkaroon ng karamdaman si Sergio at naratay ito sa kama. Dahil may trabaho si Andeng ay si Ryan ang nag-aasikaso sa ama-amahan. Dahil hindi makakilos at makapagsalita nang maayos ay walang nagawa ang lalaki kundi pakisamahan ang ampon nila.
Kinagabihan, pumasok ito sa kwarto niya, may dala itong supot.
“Papa, ibinili ko po kayo ng gamot. Kaunti na lang po kasi ‘yung gamot niyo, eh. Saka ibinili ko na rin kayo ng paborito niyong tinapay. ‘Di po ba, paborito niyo itong pan de coco?” nakangiting sabi ni Ryan.
Sa sinabing iyon ng binata ay pinilit niyang magsalita.
“B-Bakit mo i-ito g-ginagawa? ‘D-di ba dapat m-magalit ka sa akin dahil k-kahit kailan ay h-hindi naman ako naging m-mabuti sa iyo?” tanong niya.
Umiling si Ryan. “Ginagawa ko po ito dahil mahal ko kayo. Mahal ko po kayo ni Mama Andeng. Kung hindi po dahil sa inyo ay wala akong pamilya. Kahit po hindi niyo ako gusto, wala akong karapatan na sumama ang loob dahil malaki po ang utang na loob ko sa inyo. Kaya kahit hindi niyo ako mahal, hayaan niyong iparamdam ko sa inyo ang pagmamahal ko.”
Sa tinuran ng binata ay hindi napigilan ni Sergio na mapaluha. Hindi siya makapaniwala na sa kabila ng mga ipinakita niya’y minahal pa rin siya nito at hindi kailanman nagtanim ng galit sa kaniya. Napatunayan niya na totoong may busilak na puso ang kanilang ampon.
“Patawarin mo ako. Nagsisisi na ako sa lahat ng ginawa at sinabi ko sa iyo noon. Puwede pa ba akong maging papa mo, anak?” naiiyak na sabi ni Sergio.
Hinawakan ni Ryan ang kamay niya. “Matagal na po kitang pinatawad, papa. Opo naman, puwedeng-puwede po. Matagal ko nang gustong marinig sa inyo na tawagin akong anak. Salamat, papa,” sambit ng binata saka hinagkan sa noo ang ama-amahan.
Laking tuwa naman ni Andeng na malamang nagkaayos na ang mag-ama. Hindi man nila kadugo si Ryan, wagas naman ang pagmamahal nito sa kanila. Buhat noon ay naging masaya na ang kanilang pamilya.
Pinatunayan ni Ryan na hindi siya pabigat dahil siya pa nga ang nagbigay ng magandang buhay sa mga itinuring niyang magulang. Kahit may kapansanan ay hindi iyon naging hadlang upang siya’y magtagumpay. Isa na siyang kilalang negosyante na mayroong apat na malalaking kumpanya sa bansa. Dahil matalino at masipag ay mabilis na umanseso si Ryan. Sa kaniyang mga narating ay labis siyang ipinagmamalaki ng mag-asawang Andeng at Sergio. Napakasuwerte nila na nagkaroon sila ng anak na gaya niya.