Inday TrendingInday Trending
Nagtatampo ang Lalaki sa mga Kaibigan Niya Dahil Abala ang mga Ito sa Kani-kanilang Nobya; May Pinagdaraanan Pala ang Isa sa mga Ito

Nagtatampo ang Lalaki sa mga Kaibigan Niya Dahil Abala ang mga Ito sa Kani-kanilang Nobya; May Pinagdaraanan Pala ang Isa sa mga Ito

Sa kanilang limang magbabarkada, ang binatang si Pedring na lang ang wala pang kasintahan dahilan upang siya ang palaging mapag-iwanan ng mga ito. Tuwing may gala sila at kasama ng mga ito ang kani-kanilang mga nobya, wala siyang ibang magawa kung hindi ang panuoring maging masaya ang mga ito habang siya, nag-aabang lang na mayroong pumansin sa kaniyang tropa.

May pagkakataon pa nga na kahit anong yaya niya sa mga ito na mag-inom o kahit tumambay lang gaya ng ginagawa nila palagi noon, palagi siyang nakakatanggap ng sagot na, “Hindi ako pwede, pare,” o kung hindi naman ay, “Ayaw akong payagan ng nobya ko, pare, sa ibang araw na lang,” na talagang ikinaiinis niya dahil pakiramdam niya, hindi na siya importante sa mga ito.

Katulad ng mga nakaraang araw, wala na naman siyang magawa sa kanilang bahay ngayong araw ng Linggo. Kagaya ng nakasanayan niya, agad niyang tinatawagan ang kaniyang mga barkada upang yayaing magbisikleta na noon ay isa sa mga palagi nilang ginagawa tuwing araw ng Linggo.

“O, napatawag ka, Pedring? Buryong-buryo ka na naman d’yan sa bahay niyo, ano?” panunukso ng kaibigan niyang si Oliver.

“Sigurado ‘yan! Wala ba namang jowa!” segunda pa ni Joel na labis niyang ikinainis.

“Ewan ko sa inyo! Samahan niyo akong magbisikleta ngayon. Parang-awa niyo na, isang linggo niyo nang kasama ang mga nobya niyo, sana naman pagbigyan niyo ako ngayong araw. Subukan niyong tumanggi, hinding-hindi niyo na talaga ako makikita,” sigaw niya sa mga ito habang pinapakita ang galit niyang mukha sa kanilang video call.

“Naku, nakakatakot naman ang pagbabantang iyon! Sasama na nga ako! Bahala na kung magalit sa akin ang komander ko!” sarkastikong sabi ni Oliver na agad namang sinang-ayunan ng dalawa pa sa kaniyang mga kaibigan.

“Pasensya ka na, Pedring, hindi ako makakasama sa inyo. Araw kasi ng…” wika ni Norlan na agad niya namang pinutol.

“Bahala ka riyan, Norlan! Kapag hindi ka sumama sa amin ngayon, hinding-hindi na kita ituturing na kaibigan! Sisingilin pa kita maigi sa utang mo sa akin. Akala mo ba hindi malaki ‘yon? Wala ka ring utang na loob, eh, ‘no?” pamamahiya niya pa rito na ikinatahimik naman ng lahat.

“Hay, sige, sasama na ako. Saan ba tayo magkikita-kita?” seryosong tanong nito.

“Dito sa bahay namin, puntahan niyo na ako ngayon na!” sagot niya.

“Masusunod po, Haring Pedring!” tugon ni Joel dahilan para agad na niyang ibaba ang tawag at magsimula nang mag-ayos ng kaniyang sarili.

“Dapat pala takutin pa kayo bago niyo ako samahan, ha? Palagi ko na kayong tatakutin ngayon nang maihiwalay ko naman kayo kahit saglit sa mga nobya niyo!” sabi niya pa habang pinagmamasdan ang kanilang litrato sa kaniyang selpon.

Ilang minuto pa ang nagdaan, tuluyan na nga siyang sinundo ng mga ito sa kaniyang bahay. Wala na rin silang sinayang na oras at sila’y agad na ring umalis gamit ang kani-kanilang mga bisikleta. Pansin niya mang tila tahimik ang kaibigan niyang si Norlan, hindi niya ito inintindi at kaniya pa itong pinaparinggan na magbayad naman ng utang.

Hindi mapantayan ang sayang nararamdaman niya noong mga panahong iyon dahil sa wakas, muli silang nagkaroon ng pagkakataon na magsama-sama nang wala ang nobya ng mga ito.

Kaya lang, nang mapadaan sila sa isang ospital sa kanilang siyudad, napansin niyang tumigil at lumuhod sa harap nito si Norlan saka lang ito tumayo nang mapansing nakatingin na silang lahat.

“Nababaliw ka na ba, Norlan? Anong ginawa mo roon?” tanong niya nang lumapit na ito sa kanila.

“Humingi lang ako ng tawad sa nobya ko,” nakatungong tugon nito, tila may pinipigilang mga luha.

“Anong kalokohan ‘yan? Bakit kailangan sa harap ka ng ospital humingi ng tawad sa kaniya?” tatawa-tawa niya pang pang-uusisa.

“Nasa morgue siya ng ospital na iyan, eh. Hindi ko pa siya mailabas dahil wala pa akong pambayad,” kwento nito na ikinalaki ng mata nilang lahat.

“Hoy, Norlan, totoo ba ‘yan? Bakit hindi ka nagsasabi sa amin?” pag-aalala ni Oliver saka agad na nilapitan ang binata upang yakapin.

“Nahihiya na kasi ako sa inyong lahat, eh. Lahat kayo nautangan ko na para lang masalba ang nobya ko sa sakit niya. Kaya lang, hindi pa rin iyon sapat at nawala pa siya,” hagulgol nito na ikinainis niya pa lalo.

“Sana hindi ka na sumama ngayon! Sana naghanap ka na ng paraan para mailabas siya riyan at mapaglamayan na!” sigaw niya rito.

“Paano ko iyon gagawin kung binantaan mo akong hindi mo na ako kikilalaning kaibigan at sisingilin mo pa ako sa utang ko? Kayo na lang ang nagpapasaya sa akin, ayokong pati kayo ay mawala sa buhay ko,” iyak pa nito kaya wala na siyang nagawa kung hindi ang manahimik at makaramdam nang matinding pangongonsenya.

Oramismo, agad na pinuntahan ng kaniyang mga barkada ang labi ng nobya nito. Dali-dali ring nag-ambagan ang mga ito upang mailabas na sa morgue ang naturang dalaga.

Doon niya labis na napagtanto na hindi niya dapat obligahin ang kaniyang mga kaibigan na bigyan siya ng pansin dahil may sari-sariling problemang kinakaharap ang mga ito.

Sa labis na pangongonsenyang nararamdaman niya, paulit-ulit siyang humingi ng tawad kay Norlan hanggang sa mailibing na nang tuluyan ang nobya nito at upang makabawi rito, nagdesisyon siyang hindi na pabayaran ang utang nito sa kaniya. Hindi man ito pumayag noong una, nakumbinsi niya rin ito hindi kalaunan na talagang ikinataba ng puso niya.

Simula no’n, hindi na siya muling nagtampo sa kaniyang mga kaibigan tuwing abala ang mga ito sa kani-kanilang mga buhay.

Advertisement