Hindi Siya Naniniwala sa Pag-ibig Dahil sa Nasaksihang Paghihiwalay ng Kaniyang mga Magulang; Isang Babae ang Magtuturo sa Kaniya ng Kahulugan Nito
Pitong taong gulang pa lang si Mario noon nang masaksihan na niya kung paano mapawalang-bisa ang kasal ng kaniyang mga magulang dahil sa paulit-ulit na panglalalaki ng kaniyang ina.
Tandang-tanda niya pa hanggang ngayon kung paano siya nagmakaawa sa mga ito na huwag ituloy ang paghihiwalay. Ngunit kahit anong iyak niya noong mga araw na iyon, hindi siya pinakinggan ng mga ito dahilan para simula noon, tinatak niya na sa kaniyang murang isipan na kapag siya’y tumanda, hinding-hindi siya magpapakasal at bubuo ng pamilya na sisirain lang naman hindi kalaunan.
Kaya naman ngayong wala na sa kalendaryo ang edad niya at ang lahat ng mga kaibigan niya’y may kaniya-kaniya ng kasintahan o pamilya, ganoon na lamang siya halos araw-araw na tinatanong ng kaniyang ama na siyang nagpalaki sa kaniya kung kailan niya balak manligaw, magpakasal at magkapamilya.
Kahit ano pang pangungulit nito, palagi niya itong sinasagot ng, “Bakit pa ako magpapakasal kung masisira lang din ang bubuuin kong pamilya? Ayokong maranasan ang pagkakamali mo, papa,” dahilan para manahimik na lamang ito at ibang bagay ang itanong sa kaniya.
Isang araw, habang siya’y abala sa pagtatrabaho sa opisina, may isang bagong employado ang biglang nagbigay sa kaniya ng maiinom saka siya araw-araw na kinakausap tungkol sa mga bagay na wala namang kapararakan.
Noong una’y akala niya, ginagawa lang ito ng dalaga upang magbigay galang sa isang manager na katulad niya, kaya lang, nang masundan ito nang masundan at napag-alamanan niya pang siya lang ang binibigyan nito ng maiinom araw-araw, doon na niya nagpasiyang agad na tuldukan ang ginagawa nitong pagpapakita ng motibo sa kaniya.
“Ms. Jessica, huling kape na ito na tatanggapin ko mula sa’yo, ha? Huwag ka nang magsayang ng pera para sa akin dahil hindi ako interesado sa pakikipagrelasyon,” diretsahan niyang sabi rito na ikinagulat nito.
“Pwede ko po bang malaman kung bakit?” nakatungo nitong tanong.
Advertisement“Alam ko kasing mauuwi ang isang relasyon sa kasalan na hindi kalaunan ay mauuwi naman sa hiwalayan. Kawawa ang magiging bunga ng pagmamahalan at walang magiging silbi ang basbas ng kasal,” paliwanag niya habang abala sa pagtitipa sa kaniyang laptop.
“Hindi naman po lahat ng pagmamahal, sa hiwalayn nauuwi. Marami pa rin namang pag-ibig ang nagtatagumpay, eh! Malay mo, ang pagmamahal na mabubuo natin ay isa sa mga matagumpay na pag-ibig sa mundong ito?” wika pa nito na ikinangisi niya lamang.
“Tama na ang kahibangan, Ms. Jessica, bumalik ka na sa trabaho mo. Maraming salamat sa mga kapeng binigay mo sa akin. Lahat iyon ay malaki ang naitulong sa antuking katulad ko pero katulad ng sinabi ko, hanggang dito na lang tayo,” sambit niya pa kaya wala na itong nagawa kung hindi ang tumakbo palabas ng kaniyang opisina habang umiiyak.
Hindi niya lubos akalaing iyon na ang huling beses na makikita niya ang dalaga. Sa araw-araw na pangungulit nito sa kaniya kada siya’y papasok sa opisina, nakaramdam siya nang kaunting pagkangulila sa presensya nito kaya isang araw, pinagtanong niya kung bakit tila hindi na ito pumapasok ng trabaho.
“Naku, sir, hindi mo kasi tinanggap ang nararamdaman niya para sa’yo, eh. Alam mo ba, sir, matagal na ‘yong nagtatangkang makapasok dito sa kumpanya dahil gusto niyang mapalapit sa’yo? Palagi siyang hindi tinatanggap sa interbyu palang dahil iyon lang ang dahilan niya. Ngayong nagtino siya sa interbyu at nakapasok dito, saka naman niya nalamang hindi ka naniniwala sa pagmamahal. Kaya ayon, bumalik siya sa probinsyang kinalakihan niya upang makalimot,” kwento ng isa niyang katrabaho dahilan para siya’y agad na makaramdam ng pangongonsenya.
Araw-araw man niyang nilalabanan ang sarili na huwag isipin ang dalaga, araw-araw din siyang nakakaramdam ng pangongonsenya at pangungulila rito kaya isang araw, nagpasiya na siyang puntahan ito sa probinsya sa tulong ng mga impormasyong binigay nito noong nag-aaplay ito sa kanilang kumpanya.
Buo na ang loob niya habang siya’y nasa biyahe na subukang pumasok sa isang relasyon kasama ang dalagang unang nagparamdam sa kaniya ng pagmamahal. Kaya lang, pagdating niya sa bahay nito sa probinsya, napag-alamanan niyang mayroon na itong kasintahan at ikakasal na sila sa isang taon.
“Sa ganoong kabilis na panahon, may nahanap ka na agad na lalaking gusto mong mapakasalan?” tanong niya rito.
Advertisement“Hindi naman mahalaga ang tagal ng panahon, Sir Mario. Kapag naramdaman mo ‘yong saya, dapat hindi ka na matakot na sumugal dahil manalo ka man o matalo, may magandang dulot pa rin naman iyon sa buhay mo. Kaakibat ng salitang pagmamahal ang mga salitang katulad ng pagpapatawad, pagtanggap, sakripisyo at pagkadurog,” paliwanag nito dahilan para ganoon na lamang siya humanga rito lalo at manghinayang dahil tinaboy niya ang babaeng handa palang sumugal para sa kaniya noon.
Ilang buwan pa ang lumipas, nabalitaan na nga niya na ikinasal na ito at ngayo’y mayroon nang masayang buhay kasama ang lalaking nakilala nito. Puno man ng inggit ang puso niya, masaya siyang matutuhan mula sa dalaga ang ibig sabihin ng salitang “pagmamahal” na sigurado siyang babaunin niya hanggang sa matagpuan niya na ang babaeng para sa kaniya.