Inday TrendingInday Trending
Hinala Niya ay May Hindi Magandang Ginagawa ang Isang Matanda at ang Binatang Palaging Nakabisikleta; Mapatunayan Niya Kaya Ito?

Hinala Niya ay May Hindi Magandang Ginagawa ang Isang Matanda at ang Binatang Palaging Nakabisikleta; Mapatunayan Niya Kaya Ito?

Araw-araw napapansin ng tinderang si Alexa na nag-aabot ng isang itim na plastik bag ng hindi malamang bagay ang matandang si Mang Kaloy sa isang binatang palaging nakabisikleta.

Walang palya, tuwing alas singko ng hapon, makikita na niyang liligid-ligid ang binatang iyon sa lugar kung saan nakapwesto ang matanda at ang labis niyang pinagtataka, lalapit lang ang binata kapag walang tao ang nakatingin at kapag sinenyasan na ito ng matanda.

“Ano kayang laman ng plastik bag na iyon?” tanong niya sa sarili na narinig pala ng kapwa niya tindera na si Maria.

“Anong plastik bag ang sinasabi mo riyan?” tanong nito na ikinagulat niya.

“Ah, eh, wala!” mabilis niyang tugon dito. “Ano nga? Para naman tayong hindi magkaibigan simula pagkabata!” pangongonsenya nito kaya wala na siyang nagawa’t kaniya nang ikinuwento rito ang napapansin niyang kahina-hinalang bagay.

Sabi niya pa, “Pakiramdam ko, pinagbabawal na gamot ang nakalagay sa plastik na iyon kaya ganoon na lang kaingat ang binatang ‘yon!”

“Hoy, Alexa, huwag ka namang mapanghusga! Malay mo, ibang bagay ang laman no’n! Sobrang bait niyang si Mang Kaloy! Palaging nagsisimba ‘yang tuwing Linggo kaya imposibleng gumagawa ‘yan ng ileg*l na bagay!” depensa nito habang pinagmamasdang tahimik na naghihintay ng kustomer ang matanda.

“Hindi lahat ng nagsisimba tuwing Linggo, mababait na! Pustahan tayo, may masamang ginagawa ‘yang si Mang Kaloy!” katwiran niya.

“Sige ba! Paano natin malalaman kung sinong tama at mali?” sagot nito.

“Hihingi ako ng tulong sa mga awtoridad at papapuntahin ko sila rito bukas ng alas singko ng hapon para mahuli nila sa akto ang dalawang iyon!” plano niya na agad naman nitong sinang-ayunan.

Kinabukasan, katulad ng kanilang napagplanuhan, siya nga ay humingi ng tulong sa mga awtoridad sa kanilang siyudad.

Bandang alas kwarto y medya ng hapon, nakita niyang nagmamasid-masid na ang mga ito sa kanilang pwesto sa palengke at pagsapit ng alas singko ng hapon, matagumpay ngang nahuli ng mga ito ang aktong pagbibigay ng matanda ng isang plastik sa binata.

“Buksan mo na, sir, para malaman natin kung anong laman! Tiyak akong pinagbabawal na gamot ‘yan!” utos niya sa pulis na agad na hinalughog ang laman ng itim na plastik bag, “Diyos ko, Mang Kaloy, isang inosenteng bata pa ang dinamay mo! Matalino ka rin, eh, ‘no? Alam mong hindi siya makukulong kapag…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil pagkasabog ng pulis sa laman ng plastik, tumambad sa kanilang lahat ang samu’t saring paninda nitong prutas, ilang gamot para sa sakit sa puso, at ilang damit ng isang ginang.

“A-ano pong ibig sabihin nito, Mang Kaloy?” agad niyang tanong sa matanda nang makitang nagsilapitan na ang ibang tao roon upang makiusyoso.

“Ilang buwan nang nasa ospital ang asawa ko dahil sa sakit sa puso, hija, at dahil kailangan kong kumita para masustentuhan ang pamamalagi niya roon, ang apo kong iyan ang nag-aalaga sa kaniya,” kwento nito saka isa-isang pinulot ang mga gamit na nasa plastik.

“Totoo po ba ‘yan? Bakit palagi lang siyang lumalapit sa inyo kapag wala nang tao? Hindi ba kahina-hinala iyon?” tanong niya pa.

“Mahiyain ang apo kong iyan. Hindi katulad mo na malakas ang loob na mangialam sa buhay ng iba,” nakangiti nitong sabi na talagang ikinapahiya niya.

Bago pa siya muling makapagkomento, agad na itong nagpaalam dahil kailangan pa raw nitong magsimba.

“Patawarin ka nawa ng Panginoon sa pagiging mapanghusga mo, hija,” wika pa nito kaya siya’y lalong nakaramdam ng hiya.

Gustong-gusto man niya sanang humingi ng tawad dito pati na sa mga pulis na naabala niya, wala na siyang magawa dahil agad nang nag-alisan ang mga ito bitbit ang inis na nararamdaman dahil sa ginawa niyang eksena.

“Sabi ko naman sa’yo, eh, mabuting tao si Mang Kaloy!” sabi ng kaniyang kaibigan.

“Malay ko ba!” sigaw niya habang sinusubsob ang mukha sa balikat nito.

“Kaya nga! Maging aral na sana ito sa’yo! Huwag kang manghusga ng tao, lalo na kung hindi mo naman alam ang buong buhay at ang pinagdadaanan nila,” pangaral nito na talagang tinatak niya sa isipan.

Upang makabawi sa matanda, kinabukasan, binigyan niya ito ng kaunting tulong pandagdag sa bayarin nito sa ospital. Noong una’y ayaw nitong tanggapin ang binibigay niyang pera, ngunit nang sabihin niyang kaloob ito ng Diyos, dali-dali itong nagpasalamat sa kaniya na nasundan pa ng isang aral.

“Sa buhay, hindi lahat ng nakikita mo, hija, ay katotohanan at dapat mong paniwalaan. Maging matalino ka, gamitin mo ang puso mo, at manalangin ka nang sa gayon, tamang daan ang iyong tinatahak,” pangaral nito sa kaniya.

Advertisement