Nakipaghiwalay Siya sa Kuripot na Nobyo; Isang Makisig at Maperang Lalaki Kaagad ang Nakilala Niya sa Bar
“Gladys, sabihin mo naman. May nagawa ba ako na hindi mo nagustuhan?” tanong ng nobyo niya, si Oliver.
Napaismid si Gladys. Sa totoo lang, kaya siya nakikipaghiwalay sa nobyo ay dahil sa kakuriputan nito.
Hindi niya rin naman ito masisi dahil maliit lang ang kita nito sa pagtatrabaho sa isang pabrika.
“Hindi naman, Oliver… Talaga lang na hindi na kita mahal,” pagisinungaling niya. Kahit paano kasi ay may pinagsamahan pa rin sila ng binata at ayaw niya na lumabas siyang mukhang pera paningin nito.
Bago siya tumalikod ay nakita niya pa ang pagpupunas nito ng luha.
Habang naglalakad siya palayo ay hindi niya maiwasang humiling na makita niya na ang lalaki na gugustuhin niyang makasama sa buhay.
Ang lalaki na tipo niya, iyong makisig, mabait at mapagkakatiwalaan. At higit sa lahat, iyong kayang sundin ang bawat kapritso niya.
Maluho kasi siyang tao. Mahilig siya sa mamahaling mga bagay. At nais niya sana na ibigay iyon lahat sa kaniya ng bago niyang nobyo. Hindi na rin naman siya bumabata.
Kaya naman nang kinagabihan ay magyaya ang kaibigan niya na pumunta sa isang mamahaling bar ay hindi siya nagdalawang-isip na sumama.
“Magsuot ka ng seksi na damit, ha! Sigurado na maraming lalaki roon!” humagahikhik pang bilin nito bago ibinaba ang telepono.
Gaya ng sabi ng kaibigan ay nagsuot siya ng magarang kasuotan. Sinuot niya rin ang mga mamahaling niyang alahas na nagmula pa sa mga dati niyang karelasyon.
Nang pumasok siya sa bar, lihim siyang napangiti nang makita niya ang ilang kalalakihan na hindi maalis-alis ang tingin sa kaniya.
“Gladys, ang ganda mo! Ang daming nakatingin sa’yo! Mukhang may maiuuwi ka, ha,” salubong ng kaibigan niya na si Tina.
Iginala niya ang tingin. Agad na napako ang tingin niya sa isang lalaki na mag-isang umiinom ng beer.
Madilim man ay kita niya ang kakisigan nito. Kitang-kita niya rin ang malagkit nitong tingin. Isang mapang-akit na ngiti ang ibinigay niya sa lalaki.
Nang magsialisan ang mga kaibigan niya upang sumayaw ay walang inaksayang sandali ang lalaki at agad na lumapit sa kaniya.
“Hi,” bati ng lalaki.
Halos lumundag ang puso ni Gladys sa presensya ng gwapong lalaki. Hindi lang kasi ito gwapo, kundi balot din ito ng mamahaling kasuotan.
Hindi niya maalis ang tingin sa suot nitong relo, na alam niyang kalahating milyon ang presyo.
“Hello,” ganting bati niya, may malaking ngiti sa kaniyang mga labi.
“Ako si Harold,” anito bago inilapag ang isang baso na naglalaman ng alak na alam niyang mamahalin.
“Gladys,” aniya, bago nilagok ang laman ng baso.
Ilang sandali pa lang silang magkakilala ng lalaki ay panay na ang tawanan nila. Magaan kasi itong kausap at sadyang maloko.
Kaya naman nang magyaya itong lumabas upang magpahangin ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.
“Magpapaalam muna ako sa mga kaibigan ko, baka kasi hanapin nila ako,” sabi niya sa lalaki.
Umiling ito bago marahang hinila ang braso niya.
“‘Wag ka nang magpaalam. Sandali lang naman tayo.”
Nang ngumiti ang lalaki ay tuluyan na siyang hindi nakapag-isip at nagpatianod na lang siya sa nais nito.
Akala niya ay sa labas lamang sila ng bar, ngunit nagulat siya nang dire-diretso ang lakad ng lalaki papunta sa lugar na hindi niya alam.
“Saan tayo pupunta, parang malayo-layo na tayo?” hindi napigilang puna niya sa lalaki.
Bumaling ito sa kaniya at ngumiti.
“May alam akong tambayan. Doon tayo para tahimik, makakapag-usap tayo nang maayos,” paliwanag naman nito.
Bagaman nagtataka pa rin ay hindi na siya nagkomento pa. Sinundan niya na lamang ang bagong kakilala.
Humantong sila sa isang parke. Dahil alas dos na ay wala nang katao-tao roon. Bagaman may ilaw sa iilang parte ng parke, madilim sa bandang kinatatayuan nila.
Nanlamig na lang siya nang maramdaman ang pagtusok ng kung ano sa kaniyang tagiliran. Kinilabutan siya nang marinig ang bulong ni Harold.
“Akina ‘yang mga alahas mo, kung ayaw mong masaktan…”
Nang lingunin niya ang lalaki ay ibang-iba na ito. Malayong-malayo ang mukha nito sa palakaibigang lalaki na nakapalagayang loob niya.
Hindi niya inakala na sa pala itong magnanakaw!
Dahil sa hawak nitong patalim ay wala siyang ibang magawa kundi ibigay ang hinihingi nito. Maging ang mamahalin niyang sapatos at bag ay hindi nito pinalampas!
Nang makaalis ang lalaki ay saka lamang rumehistro sa kaniya ang nangyari. Nanlalambot siyang napaupo. Kahit wala na ang lalaki ay tila ramdam niya pa rin ang patalim sa tagiliran niya.
Naiwan siya sa madilim na parke na nakayapak at walang kahit na ano. Kinailangan niya pang maglakad pabalik upang makahingi ng tulong.
Nang dumating ang mga pulis at kunin ang deskripsyon ng salarin ay may sinabi ang mga ito na tumatak sa kaniya.
“Kung sino pa talaga ang mukhang matino, siya pa ang hindi mapagkakatiwalaan,” naiiling na komento ng pulis.
Dahil sa sinabi nito ay napagtanto niya ang pagkakamali. Tinawagan niya ang dating nobyo at sinabi rito ang totoo.
Napatawad naman siya nito, lalo na noong sinabi niya ang naranasan niyang pangyayari.
Sa huli ay pinili nila ni Oliver na maging magkaibigan na lang.
At si Gladys ay patuloy na naghintay ng lalaki na para sa kaniya. Ngunit nagbago na siya—alam niya na kasi na wala sa anumang gara ng suot o dami ng pera ang tunay na nilalaman ng puso.