Isa Siyang Tunay na Lalaki Noong Siya ay Ipinanganak; Paano Niya Tatanggapin na Nag-iiba ang Kaniyang Damdamin Ngayong Siya ay Tumanda Na?
“Mukhang may problema ka, pare, a?”
Mag-isang nag-iinom sa kaniyang inuupahang apartment si Shawn nang mamataan siya ng kaibigang si Aron na doon lamang din nakatira sa katabing bahay. Napadaan lang ito dahil may binili sa kalapit nilang tindahan.
“O, pare, ikaw pala!” ganting bati naman ni Shawn. “Gusto mong uminom?”
“Sige, pare. Tutal ay off ko naman bukas.” Agad na naupo sa kaniyang harapan si Aron. Nag-umpisa silang mag-inumang dalawa at habang tumatagal ay lalong nahahalata ni Aron ang lungkot na unti-unting nalalantad sa hitsura ng kaniyang kaibigan. Dahil doon ay nag-umpisa na siyang mag-alala.
“Pare, p’wede mo naman akong sabihan ng problema mo. Kung anuman ’yan, pangako, makikinig ako,” aniya sa kaibigan.
Napangiwi si Shawn. Hindi niya alam kung paano sasabihin kay Aron na ilang taon na rin niyang kabarkada ang problema niya ngayon. Para sa kaniya ay nakakahiya ito. Natatakot siyang baka siya ay mahusgahan nito at hindi na muling kausapin pa.
Nang mapansin ni Aron na hindi alam ni Shawn ang isasagot ay tinapik niya ang kaibigan sa balikat. “Pare, matagal na tayong magkaibigan. Hindi mo kailangang magtago. Hindi mo kailangang matakot na baka husgahan kita,” saad niya na may kasamang ngiti.
Nagulat si Shawn sa tinuran ni Aron. Hindi niya alam na noon pa man ay may hula na ito tungkol sa kaniyang pagkatao. Ang totoo ay baka nga mas nauna pa si Aron na makaalam ng bagay na ’yon. Si Aron kasi ay maituturing na niyang matalik na kaibigan.
“Pare… pakiramdam ko… hindi ako tunay na lalaki!” Parang bumibikig sa lalamunan ni Shawn ang huling sinabi. Hindi na rin niya napigilang mapahilot sa kaniyang sentido habang inaalala kung papaanong nabighani siya sa kaniyang katrabahong binata at nasaktan nang malamang ito ay may nobya na.
Hindi niya matanggap sa kaniyang sarili na gan’on ang kaniyang nararamdaman. Lumaki siya sa isang konserbatibong pamilya at alam niyang hindi nila magugustuhan ang nangyayari sa kaniya ngayon.
“E ano naman ang problema roon?” tila wala sa loob na tanong lamang ni Aron sa kaniya.
“Pare, hindi mo ba ako narinig? Pakiramdam ko, hindi ako tunay na lalaki! Nagkakagusto ako sa kapwa ko lalaki at hindi ’yon normal!” giit ni Shawn, samantalang isang tapik sa balikat naman ang iginawad sa kaniya ni Aron.
“O, nabawasan ba ang pagkatao mo nang ma-realize mong ganiyan ka? Naging masama ka ba? Nakaapak ka ba ng ibang tao? Naging kriminal ka ba?” sunod-sunod nitong tanong sa kaniya. Isang iling lamang ang nagawa niyang isagot.
“Pare, wala ka nang magagawa kung ganiyan ka. Bago ka tanggapin ng ibang tao, dapat, sarili mo muna ang unang tumanggap sa ’yo,” seryosong payo naman ni Aron.
Biglang napaisip si Shawn dahil sa sinabi ng kaibigan. Ngunit maya-maya ay nabuo ang pagtataka sa kaniyang isip. “Sandali… bakit parang tanggap na tanggap mo ako?” tanong niya rito.
Ang totoo ay matagal nang alam ni Aron ang tunay na pagkatao ng kaibigan dahil nang minsang malasing ito noon ay ipinagtapat nito lahat sa kaniya. Simula noon ay ipinangako ni Aron sa kaniyang sarili na tatanggapin niya ang kaibigan anuman ang katauhan nito.
Si Shawn ay isang mabuting anak, kapatid at kaibigan. Saksi si Aron sa lahat ng kabutihang nagawa nito hindi lang sa kanilang mga kaibigan nito kundi pati na rin sa mga kapamilya nitong matagal na rin nitong tinutulungan. Maaaring iba sa kaniya si Shawn, dahil sa damdamin nito, ngunit para kay Aron ay hindi iyon kailan man magiging kabawasan sa pagkatao nito. Si Aron ang unang taong tumanggap kay Shawn at dahil doon ay nagkalakas ito ng loob na unti-unti na ring tanggapin ang kaniyang sarili.
Inipon ni Shawn ang lahat ng kaniyang lakas ng loob upang ipagtapat din iyon sa kaniyang mga kapamilya. Inihanda niya ang kaniyang sarili sa lahat ng maaaring mangyari at maging reaksyon ng mga ito.
Ikinagulat ni Shawn nang isang mainit na pagtanggap ang ibinigay sa kaniya ng kaniyang mga kapamilya. Nabigla ang mga ito ngunit hindi siya nakadama ng panghuhusga mula sa kanila. Iyon nga lang ay pinayuhan siya ng mga ito na maging responsable pa ring tao. Huwag mawalan ng takot sa Diyos at patuloy na maging mabuting tao.
Sinunod ni Shawn ang lahat ng payong iyon at patuloy siyang namuhay na katulad noon. Ang kaibahan nga lamang, ngayon ay mas tanggap na niya ang tunay na siya at hindi na siya nagtatago pa.