Lilipad na ang Babaeng Ito Patungong Ibang Bansa, Nakakatindig Balahibo Pala ang mga Mararanasan Niya Bago ang Lahat
“Celine, hindi ka ba natatakot? Halos lahat ng mga nag-iibang bansa na taga-rito sa atin ay inaabuso lamang doon. Aanhin mo ang dolyar kung m*m!lestyahin, papahiyain, sasaktan ka lang doon? Kaya naman kita suportahan, magpakasal na lang tayo huwag ka nang umalis ng bansa!” pagpupumilit ni Jerico, ang nobyo ng dalaga.
“Jerico, alam mo naman na matagal ko nang gusto ito. Hindi naman sa minamaliit ko ang pagkakasambahay pero hindi naman ganoon ang trabaho ko, pagiging sekretarya ang papasukan ko. Kumpanya iyon at hindi bahay,” paliwanag pang muli ni Celine sa lalaki.
“Kahit na mataas na kumpanya pa ‘yan at kahit may executive pa sa posisyon mo ay uutusan ko lang din ng mga taga-roon. Aalipinin at hindi ka makakatanggap ng pantay na paggalang katulad ng mga kalahi nila dahil isa kang Pinoy, Muchacha lang ang tingin nila sa’yo roon!” baling pang muli ni Jerico sa kaniya.
“Basta buo na ang desisyon ko. Kung hindi mo ako mahihintay ay maiintindihan ko. Mahal naman kita, Jerico, pero hindi pa talaga pag-aasawa ang nasa isip ko ngayon. Hindi rin naman kita hinihiwalayan. Ang hinihingi ko lang sa’yo ay ang suporta na matupad ang pangarap ko. Bukod sa makarating sa ibang bansa ay mas makakaipon ako nang malaki, para sa pamilya ko at para na rin sa atin,” pagkukumbinse pang muli ng babae at napapikit na lamang habang kausap ang nobyo dahil tumahimik na naman ito sa isang tabi.
Halos limang taon nang magkarelasyon ang dalawa at sa umpisa pa lamang ay sigurado na si Jerico kay Celine kaya naman noon pa lang ay niyayaya na niya itong magpakasal. Kaya lamang ay ramdam din ng lalaki na hindi sila parehas ng nararamdaman at palagi niyang naiisip na gusto lamang lumayo ni Celine sa kaniya.
“Joyce, baka pwede mo naman akong puntahan dito sa Maynila? Hindi lang maganda ang pakiramdam ko, parang ilang araw na akong tinatrangkaso,” pakiusap ng dalaga sa kaniyang bunsong kapatid.
“Naku, ate, hindi ba isang buwan na lang ay aalis ka na? Asan ba si Kuya Jerico at bakit nag-iisa ka? Baka naman buntis ka!” sagot ng kapatid niya.
“G*go, ngayon pa ba ako magpapabuntis? Tigilan mo nga ako. Magkaaway kami ni Jerico kasi ayaw niya na umalis ako. Alam mo naman ‘yun, akala niya lagi ko siyang iiwan. Ayos na rin ito para naman kahit papano ay makahinga-hinga ako. Nakakasakal na rin talaga minsan,” reklamo pa ni Celine sa kapatid at natapos ang kanilang pag-uusap.
Halos tatlong araw din na sinamahan si Celine ng kaniyang kapatid ngunit palala nang palala ang kaniyang lagnat at tinutubuan na rin siya ng kung ano-ano sa katawan kaya naman kahit na ilang linggo na lang ang hinihintay ay umuwi ng probinsya ang dalawa para magpatingin katulad ng sabi ng kanilang mga magulang.
“Diyos ko, Celine! Anong nangyari sa’yo, anak? Bakit naging ganyan ang itsura mo?” naiiyak na bati ni Aling Rita ang nanay ng babae.
“Ma, wala naman akong sakit, hindi ko alam kung bulutong ba ‘to o ano pero ang sakit-sakit ng katawan ko na para akong binubugb*g sa sakit. Parang may kung anong mabigat,” iyak naman na reklamo ng dalaga habang hawak ang kaniyang mga braso. Pabalik-balik lang ang lagnat ni Celine at puno na ng kung anong may tubig-butlig at ugat-ugat ang kaniyang katawan. Hindi naman daw ito bulutong sabi ng mga doktor sa Maynila at ang sabi pa nga ay may sakit daw na ketong si Celine kaya naman labis-labis na pagkabigla ang kaniyang naramdaman at ayaw niya itong paniwalaan dahil alam niya sa sarili na malusog siya.
“Halika at magpaalbularyo tayo, baka may nabati o nagalaw ka lang,” pagiging positbo ni Aling Rita. Dali-daling nagpunta ang mag-anak sa sikat na manggagamot sa kanilang lugar.
“Naku, hija, wala kang ketong,” wika ng albularyo sa kaniya nang matapos siyang dasalan at ngayon ay nagpapatak na ng kandila sa tubig ang lalaki.
“Ano pong mayroon ako?” iyak ng babae.
“Lalaki, lalaki ang may ayaw na mawala ka kaya naman pinakulam ka niya,” siwalat na sabi ng matandang lalaki.
“Ho?!” sigaw na tanong ni Celine.
“Pero dahil mahina lang ang kulam na ibinigay sa’yo ay kaya ko itong tanggalin ngunit kailan mong kausapin ang lalaking ito dahil hindi ka niya titigilan hanggat hindi niya nakukuha ang kaniyang gusto. Mga pangontra lamang ang pwede kong ibigay sa’yo,” paliwanag pang muli ng albularyo. Kaagad na dinasalan muli si Celine at pinahirap saka pinainom ng tubig na binulungan ng matanda ang babae.
Wala namang ibang lalaki ang pumasok sa isipan nila kung ‘di si Jerico lamang at dali-daling pinuntahan ng babae ang kaniyang nobyo sa kanila saka ito nakipag-usap nang maayos.
“Hindi ito ang klase na pagmamahal na inaasahan ko mula sa’yo, baliw ka, Jerico! Wala na akong dahilan pa para manatili pa sa relasyon na ito dahil kahit tayo pa man ay pinakulam mo na ako! Walang totoong pag-ibig na napapalanunan ang gayuma, dasal, kulam o kung ano pa mang kasakiman. Hindi ako makapaniwala na nagawa mo ito sa akin,” iyak na wika ni Celine nang aminin ni Jerico ang lahat at iniwan niya ang isang pangontra sa bahay ng lalaki upang hindi na siya nito magalaw pang muli at doon na nagtapos ang relasyon ng dalawa.
Halos ilang araw bago ang kaniyang alis ay parang himalang gumaling at nawala ang mga butlig ni Celine sa katawan at nawala na rin si Jerico sa kaniyang buhay. Humingi man ng tawad ang lalaki sa kaniya ngunit hindi na niya kaya pang makipagbalikan dito.
Hindi nagtagal ay naging isa nang manager sa ibang bansa si Celine mula sa kaniyang pagiging sekretarya at masayang-masaya ang babae dahil natupad ang kaniyang mga pangarap. Wala naman siyang balita kay Jerico at patuloy na lamang niyang ipinagdarasal ang lalaki na hindi na nito maulit pa ang anumang pagkakamali na nagawa sa kaniya at makatagpo nawa ito ng tunay na pagmamahal.