Inday TrendingInday Trending
Lahat ay Ibinibigay Niya sa Nakababatang Kapatid; Paano Kung Magustuhan din Nito ang Lalaking Mahal Niya?

Lahat ay Ibinibigay Niya sa Nakababatang Kapatid; Paano Kung Magustuhan din Nito ang Lalaking Mahal Niya?

“Congrats, Lizzie! Sa wakas, graduate ka na!” masayang pagbati ni Bethany sa kapatid bago iniabot dito ang regalo na pinag-ipunan niya pa nang matagal-tagal.

Nang buksan nito ang regalo ay agad itong nagtitili sa sobrang tuwa.

“Oh my gosh, Ate! Paano mo nabili ‘to? Sobrang mahal nito!” bulalas nito habang kinakalikot ang mamahaling cellphone na alam niyang gustong-gusto nito.

“Syempre. Ikaw pa, malakas ka sa akin!” aniya bago niyakap ang kapatid.

Silang dalawa na lamang ang magkasama sa buhay. Iniwan sila ng kanilang ama noong buntis pa lamang ang kanilang ina. Ang nanay naman nila ay pumanaw na limang taon na ang nakalilipas.

Kaya bilang nakatatanda ay sinisikap niya na maibigay ang lahat sa kaniyang kapatid.

“Ate, nahihiya naman ako sa’yo. Lumang-luma na ang cellphone mo, pero ako pa rin ang binilhan mo,” sentimyento nito.

“Ano ka ba! Wala naman akong hilig sa mga cellphone na ganyan. ‘Wag mo na isipin ‘yun. Ang mahalaga sa’kin, masaya ka,” sinsero niyang pahayag.

Isang mahigpit na yakap ang ibinigay nito sa kaniya.

“Salamat, Ate. Salamat sa lahat.”

“Ate, graduate na ako, kaya ‘wag mo na akong isipin. Sa wakas, pwede ka nang mag-asawa!” pambubuska nito.

“Sira! Mag-aasawa ako, wala pa nga akong boyfriend?”

“Talaga, Ate? Hindi mo type si Kuya Klein?” May panunukso sa tono nito.

Isang pabirong irap lang ang naging sagot niya, na sinuklian nito ng tawa.

Sa totoo lang, gusto niya ang kaibigang si Klein. Ngunit sigurado naman siya na hindi siya magugustuhan nito. Gwapo ang lalaki at mabait. Kaya naman pinapamugaran ito ng magagandang babae.

Eh sino ba naman siya, ang simple simple niya lang?

At tuluyan nang nawala ang pag-asa niya nang isang araw ay matuklasan niya ang lihim ni Lizzie.

“Ate, ang gwapo talaga ni Kuya Klein, ano? Ang gentleman pa.”

Pinigilan niya na mapangiti sa komento ng kapatid.

“Oo naman. Mabait pa,” aniya sa kapatid.

“May girlfriend ba siya?” maya-maya ay muling usisa nito.

May bumangong kaba sa dibdib niya. Bakit ito nagtatanong ng ganoon? Gusto ba nito si Klein?

“Ang alam ko, wala. Bakit, type mo?” alanganing tanong niya.

“Oo, Ate,” matamis ang ngiting sagot nito.

Baka pa siya makahuma ay lumapit na si Lizzie kay Klein upang makipagkwentuhan. Maya-maya pa ay masaya nang nagtatawanan ang dalawa.

Minasdan niya ang dalawa. Bagay na bagay ang mga ito. Gwapo si Klein, at napakaganda ni Lizzie.

Isa pa, kung ito ang lalaking pipiliin ng kapatid ay makakasiguro siya na mabuting lalaki ang magiging boyfriend nito.

Pilit niyang pinalis ang sakit na nararamdaman. Kung saan masaya si Lizzie, doon siya.

Nang mga sumunod na araw ay napansin niya na lalong naging malapit ang dalawa. Mas dumalas ang pagdalaw-dalaw ni Klein sa bahay nila.

Madalas niya mahuling nagbubulungan ang dalawa na tila ba may sikretong itinatago ang mga ito.

Nagdurugo man ang puso niya ay alam niya na kailangan niyang magparaya sa kapatid. Wala naman siyang laban dito.

Hindi niya aagawin ang kaligayahan nito.

Hanggang sa dumating ang araw na kinatatakutan niya.

“Ate, ipapakilala kita sa boyfriend ko,” pagbabalita nito habang kumakain sila.

Kahit may ideya na siya kung sino ang tinutukoy nito ay ngumiti siya sa kapatid. Nagpanggap siya na walang alam.

“Sino kaya ‘yan? Papasa kaya ‘yan sa’kin?” pabirong komento niya.

“Aprubado, Ate!” Bakas sa magandang mukha nito ang matinding saya.

Nang gabing iyon ay naging abala sila sa paghahanda para sa pagbisita ng boyfriend ni Lizzie.

Inaasahan na niya na si Klein ang ipapakilala nito kaya naman gulat na gulat siya nang isang lalaking hindi pamilyar ang iharap nito sa kaniya.

Sa sobrang pagkalito niya ay dinala niya sa kusina ang kapatid para pangaralan.

“Ikaw nga, umamin ka. Pinapaasa mo ba si Klein? Akala ko ba type mo si Klein? Sino ‘yang lalaking ‘yan?” inis na sita niya sa kapatid.

“Ate, hindi ko–”

“Gusto ko si Klein pero nagpaubaya ako sa’yo, Lizzie. Pero bakit ganito? Sasaktan mo lang ang kaibigan ko?” dismayadong anas niya sa kapatid.

Magsasalita na sana ito nang marinig niya ang isang pamilyar na tinig sa likod ni Lizzie. Si Klein!

“Sa wakas, nagkaalaman din!” nakangising wika nito.

“K-klein? A-anong ginagawa mo rito?” nauutal na usisa niya sa kaibigan.

“Sabi ni Lizzie, papakilala raw niya boyfriend niya, eh. Alam mo naman, parang kapatid ko na ‘to.” Inakbayan pa nito ang kapatid niya.

Gulong-gulo si Bethany. Inakala niya na gusto ni Lizzie at Klein ang isa’t isa! At narinig ni Klein ang sinabi niya na gusto niya ito!

Nasagot ang mga katanungan niya nang magsalita ang kaniyang kapatid.

“Ate, oo, sinabi kong type ko si Kuya Klein. Pero hindi para sa’kin, para sa’yo! Sinabi ko lang ‘yun para naman magkaroon ka ng lakas ng loob na magsabi ng nararamdaman mo. Halata naman na gusto mo si Kuya Klein,” paliwanag nito.

“Akala nga namin hindi mo talaga ako gusto, kasi parang wala kang pakialam. Akala ko wala akong pag-asa. Pero sa narinig ko…” ngumisi ito. “Type mo rin pala ako, ha!” pambubuska ng lalaki.

Hiyang-hiya si Bethany. Buking na siya!

“Ate, gusto ko na sumaya ka. Buong buhay mo, ako na lang ang iniisip mo. Ngayon, ikaw naman. Alam kong si Kuya Klein ang magpapasaya sa’yo.”

Nang gabing iyon ay nabigyan ng linaw ang damdamin ni Bethany at Klein para sa isa’t isa.

“Natakot akong umamin sa’yo, kasi pakiramdam ko ay kaibigan lang talaga ang turing mo sa’kin. Buti nga tinulungan ako ni Lizzie,” nahihiyang pag-amin nito.

Masayang-masaya naman si Bethany. Gusto rin pala siya ng taong gusto niya! Salamat sa pilya niyang kapatid, may happy ending ang love story niya!

Advertisement