Kinatatakutan daw ang Bahay na Nabili ng Mag-asawa dahil sa Multo; Ano ang Itinatagong Lihim Nito?
Tuwang-tuwa ang mag-asawang Cesar at Lorna matapos nilang libutin ang bawat sulok ng lumang bahay na nais sana nilang bilhin.
Ngayon kasing retirado na silang mag-asawa, naisip nila na sa probinsya na lamang manirahan.
At talaga namang perpekto ang bahay na iyon. Maganda at misteryoso. Malayo pa sa mga kapitbahay kaya naman tahimik.
“Ang ganda ng bahay na ito! Luma pero napakaganda. Pero bakit parang mura ang benta rito?” takang tanong ni Lorna sa ahente ng bahay na kausap nila.
Nagkakamot ng ulong sumagot ito. “Ma’am, magiging matapat na ho ako sa inyo. Sa totoo lang ho, bali-balita kasi na may nagpaparamdam daw na multo rito. Kaya walang gustong bumili,” pabulong na sagot nito.
Imbes na matakot ay halos sabay pang napahalakhak ang mag-asawa.
Hindi kasi sila naniniwala sa mga ganoong katatakutan. Ni hindi pa nga sila nakakakita ng multo!
“Kung ‘yan lang pala ang isyu, eh bibilhin na namin ang bahay!”
“Salamat sa multo, makaka-discount pa kami,” biro pa ni Cesar.
Isang linggo lamang ang lumipas ay naghahakot na sila ng gamit patungo sa bago nilang bahay.
Tuwang-tuwa si Lorna dahil napakarami niyang planong gawin para mapaganda ang bago nilang bahay.
May espasyo kasi sa labas ng bahay na maaari niyang gawing hardin, lalo pa’t nahihilig siya sa pagtatanim ng kung ano-anong halaman.
Sa unang gabi nila sa lumang bahay ay hindi nila inaasahan na makararanas sila ng mga kakatwang pangyayari!
Hatinggabi nang maalimpungatan si Lorna. Tila kasi may naririnig siyang yabag mula sa ikalawang palapag ng bahay.
“Anong ingay ‘yun?” bulong niya.
Nang muli niyang marinig ang mga yabag ay ginising niya na ang asawa na mahimbing na natutulog.
“Cesar, parang may tao sa taas!”
“Ano? Paano magkakatao, eh dalawa lang naman tayo rito,” inaantok na tugon nito.
Subalit tila nagising ang diwa nito nang malinaw nilang marinig na tila may tumatakbo sa itaas na bahagi ng bahay.
Maagap nitong kinuha ang baril nito bago dahan-dahang lumabas ng silid. Binuksan nila ang mga ilaw at mas lalo silang nagulat nang makitang may mga gamit na nagkalat sa sahig!
May mga damit, sapatos, libro, at kung ano-ano pang nakakalat!
Sino ang may gawa noon? Napasok ba sila ng magnanakaw?
Nang nilibot nila ang buong bahay, wala silang nakitang tao. Wala ring palatandaan na pilit na binuksan ang bintana o pinto para makapasok sa loob ng bahay. Wala rin namang nawalang gamit.
Totoo nga kaya na may multo sa bahay? Iyon ang nasa isipan ng mag-asawa.
Nang mga sumunod na araw ay iba’t ibang kakatwang pangyayari pa ang naranasan ng mag-asawa.
Kung minsan ay nadaratnan nilang bukas ang mga ilaw, TV, bintana, at kung ano-ano pa.
Napansin din nila na mas mabilis maubos ang mga pagkain nila sa bahay.
“Cesar, siguro nga ay totoo na may multo sa bahay na ito,” natatakot na bulalas ni Lorna sa asawa isang araw.
“Ano kaya kung pabendisyunan natin ang bahay?” suhestiyon niya, na sinang-ayunan naman ng lalaki.
Subalit kahit nabendisyunan na ang bahay ay tuloy-tuloy pa rin ang nararanasan nilang katatakutan sa loob ng bahay.
Hanggang sa isang araw, sa hindi nila inaasahang pagkakataon ay natuklasan nila ang lihim ng lumang bahay.
Maagang umalis ang mag-asawa para magsimba. Hindi pa sila nakakalayo nang may maalala si Lorna.
“Naku po! Nakalimutan kong isara ang kalan! May pinapalambot akong karne para sana sa pananghalian!”
Naiiling na nagmaneho pabalik si Cesar.
Nang makapasok si Lorna sa bahay ay halos atakihin siya sa puso sa naabutang tagpo sa kusina.
May isang ‘di-kilalang binatilyo kasi roon na maganang kumakain!
“Sino ka? Anong ginagawa mo sa bahay namin?” gulat na gulat na bulalas niya.
Maging ito ay nanlalaki ang mata sa gulat. Tila ito isang magnanakaw na nahuli sa akto.
“Magsabi ka ng totoo kung ayaw mong ipahuli ka namin sa pulis!” matigas na babala naman ni Cesar sa binatilyo.
Bumakas sa mukha nito ang matinding takot.
“Ako po si Isko! H-hindi po ako masamang tao! Matagal na po akong nakatira sa bahay na ‘to!”
Sa kwento ng binatilyo ay nalaman nila ang buong katotohanan. Isa pala itong batang palaboy na naninirahan sa lumang bahay.
Ito pala ang tinaguriang “multo” sa lumang bahay dahil tinatakot nito ang sinumang nagnanais bumili ng bahay para hindi ito mawalan ng tirahan.
Ito rin ang nananakot sa kanilang mag-asawa!
“Sorry po talaga! Natatakot lang po ako bumalik sa lansangan, kasi may mga nananakit sa akin! Aalis na po ako, ‘wag niyo na po akong ipakulong!” umiiyak na pakiusap nito.
Nakaramdam naman ng awa ang mag-asawa sa binatilyo.
Halos buto’t balat na rin kasi ito, marahil dahil hindi nakakakain.
“Saan ka naman pupunta niyan, kung aalis ka?” hindi napigilang usisa ni Lorna.
“Babalik po ako sa lansangan. Manlilimos po. Kung walang malimos, mangangalkal sa basura,” anito.
Sandaling nag-usap ang mag-asawa, iniisip kung ano ang gagawin sa pobreng bata.
“Mukha namang mabait ang bata, patuluyin na natin, may bakante namang silid sa itaas,” mungkahi niya.
Likas na malambot ang puso ni Lorna sa mga bata, lalo pa’t hindi sila pinalad na magkaroon ng sariling anak.
Noong una ay ayaw pumayag ni Cesar. Ngunit nang mapagtanto nilang hindi naman mapanganib ang bata ay pumayag na rin ito.
Hindi naman makapaniwala ang binatilyo sa kanilang naging desisyon.
“Maraming-maraming salamat po! Hindi po kayo magsisisi. Hindi po ako magiging pabigat rito!” pangako nito.
At hindi naman talaga sila nagsisi. Napakabait na bata ni Isko. Masipag ito, at halos ito na ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay, bagay na ikinatuwa ng mag-asawa. Talaga namang pinaghihirapan nito ang pagpapatira nila rito sa kanilang bahay.
Napalapit na rin sa kanila ang bata. Nang lumaon ay itinuring na nila itong sariling anak. Binihisan nila ito, pinakain, at pinag-aral.
Bilang ganti ay nanatili ito sa tabi nilang mag-asawa. Inalagaan sila ni Isko hanggang sa pagtanda.
Tunay nga na misteryoso ang bahay. Ngunit sa halip na multo, pamilya ang nasumpungan ng mag-asawa.