Inday TrendingInday Trending
Humanap ng Iba ang Lalaki Dahil Hindi Siya Mabigyan ng Anak ng Asawa; Labis ang Pagsisisi Niya sa Huli

Humanap ng Iba ang Lalaki Dahil Hindi Siya Mabigyan ng Anak ng Asawa; Labis ang Pagsisisi Niya sa Huli

Palihim na binasa ni Abel ang natanggap niyang mensahe mula sa kaniyang cellphone. Galing iyon sa babae niyang si Lena.

“Hon, nasaan ka na? Gutom na ako, hinihintay kita, para sabay na tayong kumain,” sabi ng mensahe nito.

Napangiwi si Abel. Kasama niya kasi ngayong naghahapunan ang asawa niyang si Gianna.

Minasdan niya ang babae. Ang totoo ay unti-unti na siyang nawawalan ng pagmamahal para sa babae.

Pitong taon na kasi silang mag-asawa. Pitong taon na rin silang sumusubok magkaroon ng anak ngunit bigo sila. Ang sabi ng doktor ay posible naman daw magbuntis ang asawa niya, kaso ay mahihirapan sila.

Ngunit gustong-gusto niya nang magkaanak!

Noon dumating sa buhay niya si Lena. Maganda ang babae at ‘di hamak na mas kaakit-akit kaysa sa asawa niya. Hindi niya napigilan ang sarili at nagpadala siya sa tukso.

“Mahal, sorry. Nag-text sa akin ang boss ko. May biglaan kaming trabaho, kailangan ko pumunta sa opisina,” pagdadahilan niya.

Nawala ang ngiti sa labi nito. “Hindi ba pwedeng ipagpaliban ‘yan? May sorpresa pa naman sana ako sa’yo,” malungkot na tanong nito.

Umiling siya, nagkunwaring dismayado.

“Hindi talaga, eh. Babawi ako sa’yo. Baka bukas na ako makauwi, ha? Magpahinga ka na,” paalam niya bago nagmamadaling umalis.

Pakanta-kanta pa siya habang papunta sa bahay ni Lena. Sabik siya dahil isang linggo rin sila hindi nagkita ng babae.

Pagpasok pa lamang sa apartment ni Lena ay nagtaka na siya dahil balot ng dilim ang paligid.

Nang tunguhin niya ang kusina ay nasorpresa siya dahil may nakahain doon na paborito niyang pagkain, at may nakasindi pang kandila. Nakaupo roon ang babae, tila hinihintay siya.

“Bakit may ganito? May okasyon ba?” ngiting-ngiting usisa niya sa babae.

Isang iling lamang ang isinagot nito bago siya inanyayahang umupo.

Sa kalagitnaan ng pagkain nila ay iniabot nito sa kaniya ang isang regalo.

“Ano ‘to?”

“Buksan mo. Magugustuhan mo ‘yan!” nakangiting udyok ni Lena.

Nang buksan niya ang maliit na kahon ay nanlaki ang mata niya sa nakita. Isa iyong pregnancy test!

“Hon, sa wakas, magiging Daddy ka na. Hindi ba’t ito ang gusto mo?” masayang bulalas ng babae.

Hindi makapaniwala si Abel sa nakita. Sa wakas, magiging ama na siya!

“Salamat, Lena! Hindi ka magsisisi, magiging mabuti ako sa anak natin,” masayang pangako niya sa babae.

Sumimangot ito nang tila may maalala.

“Eh paano ang asawa mo?”

Niyakap niya ang babae. “Hihiwalayan ko siya,” walang gatol niyang sagot.

Pasikat na ang araw nang makauwi siya sa tunay niyang asawa. Naabutan niya si Gianna na nagluluto ng agahan.

“Mahal, upo ka na, kain ka. Alam kong pagod ka sa trabaho,” pag-aaya nito.

Nakokonsensya man ay sinunod niya naman ito. Ilang saglit lang ay inilapag nito sa harap niya ang umuusok na tasa ng kape.

“Gianna, maupo ka, may sasabihin ako sa’yo,” pagsisimula niya.

“Tamang-tama, ako rin, may sasabihin sa’yo. Ano ba ‘yun?”

Huminga siya nang malalim bago nagsalita. Alam niya masasaktan ang asawa ngunit kailangan niya itong gawin para magkaroong ng buong pamilya ang batang dinadala ni Lena.

“Maghiwalay na tayo.”

Mahabang katahimikan ang namayani bago nagsalita ang babae. Sa mukha nito ay bakas ang pagkabigla.

“B-bakit? May problema ba? Bakit biglaan naman? Pag-usapan natin ‘to, Abel,” garalgal na tugon nito. Tila anumang sandali ay iiyak na ang kaniyang asawa.

Inamin niya rito ang totoo.

“Alam mo naman na pangarap ko magkaanak, hindi ba? Pero hindi mo ‘yun maibigay sa kaniya. May nakilala ako, si Lena. Buntis siya, at ako ang ama,” paliwanag niya.

Tuluyan nang umiyak ang babaeng kaharap niya. Ngunit wala naman itong ibinatong masasakit na salita sa kaniya, at agad na pumayag sa gusto niya.

“Wala naman akong magagawa kung iba na ang mahal mo,” katwiran nito.

Matapos pirmahan ni Gianna ang mga dokumento ng paghihiwalay nila ay walang salita nitong nilisan ang bahay nilang mag-asawa. Ang huling balita niya ay bumalik na ito sa mga magulang nito.

Natutuwa si Abel dahil hindi naging mahirap para sa kaniya ang paghihiwalay nila ni Gianna.

Pinakasalan niya si Lena. Nagsimula siya ng buhay kasama ito at ang magiging anak nila.

Akala ni Abel ay magiging masaya na ang buhay pamilya nila.

Subalit isang araw, habang nasa ospital siya at hinihintay na makapanganak si Lena ay isang lalaki ang lumapit sa kaniya.

“Ako ang tunay na ama ng dinadala ni Lena. Iniwan niya ako para sa’yo, dahil mapera ka. Ikaw raw ang magbibigay sa kaniya ng magandang buhay,” anito.

Upang mapatunayan na totoo ang sinasabi nito ay nagpa-DNA test sila ng batang kasisilang pa lamang.

At ganoon na lang ang panlulumo niya sa natuklasan – hindi nga siya ang ama ng anak ni Lena!

Inamin din iyon nang babae nang komprontahin niya ito.

Matagal siyang lumuha. Nanatili siyang nakatulala hanggang sa marinig niyang may tumatawag sa kaniyang pangalan.

“Abel?”

Nang lingunin niya ang nagsalita ay nagulat siya sa nakita – walang iba kundi si Gianna. Sa likod nito ay nakatayo ang ina nito na masama ang tingin sa kaniya.

Tila tumigil ang pag-inog ng mundo niya nang makita ang anyo ng babae. Malaki ang tiyan nito. Sa tingin niya ay malapit nang manganak ang babae.

“B-buntis k-ka?” P-paanong?” gulong-gulong usisa niya sa dating asawa.

Ngumiti ito bago sumagot. “Hindi ko rin alam. Siguro dininig ng Diyos ang panalangin ko.”

Napansin marahil nito ang pagkatulala niya at ang mga tanong na naglalaro sa isipan niya.

“Oo, ikaw ang ama. Sasabihin ko sana sa’yo nung araw na hiniwalayan mo ako,” paliwanag ng babae.

Maaliwalas ang mukha nito, wala siyang mabanaag na kahit na anong pait o galit. Tila tuluyan na nitong natanggap ang paghihiwalay nila.

Nang tawagin ng doktor ang pangalan ni Gianna ay mabilis na nagpaalam ito sa kaniya.

Bago ito tumalikod ay may sinabi ito na tuluyang dumurog sa puso niya.

“Sana ay maging masaya ka sa bago mong pamilya, Abel. ‘Wag kang mag-alala, mamahalin ko nang sobra ang anak natin. Mamahalin ko siya nang higit pa sa buhay ko.”

Nang makalayo si Gianna ay muling tumulo ang luha niya. Sobra-sobra ang panghihinayang niya.

Kung maibabalik lang ang panahon ay hinding-hindi niya iiwan si Gianna. Nang dahil sa kasalanan niya ay tuluyan nang nawala ang tiyansa niya na magkaroon ng masaya at buong pamilya.

Advertisement