Tumakas sa Asawa ang Lalaki Para Lamang Mag-Inom, Nagsisi Siya sa Naging Epekto Nito sa Kaniyang Mag-ina
“Mahal, hindi ako makatulog, pupwede bang magpunta muna ako sa bahay ng kaibigan ko riyan sa kabilang barangay? Yayain ko lang siyang mag-inom ng isang bote ng alak para antukin ako,” paalam ni Jospin sa kaniyang asawa, isang gabi nang walang dumadalaw na antok sa kaniya.
“Naku, Jospin, huwag na. Anong oras na kaya, tapos aalis ka pa para lang mag-inom? Ipikit mo na lang ‘yang mga mata mo para antukin ka at makatulog ka na,” payo ng kaniyang asawa saka niyakap ang anak nilang mahimbing nang natutulog.
“Eh, mahal, parang tinatawag talaga ako ng alak ngayon,” giit niya pa.
“Tigilan mo nga! Baka mamaya, mahuli ka pa ng mga pulis. Curfew na kaya! Kung hindi ka makatulog d’yan, bantayan mo na lang kami ng anak mo,” mahinang sambit nito matapos na yakapin ang anak.
“Diyos ko naman, wala namang masamang mangyayari, bakit ko pa kayo dapat bantayan?” inis niyang tanong dito.
“Basta, bantayan mo na lang kami at huwag na huwag kang aalis. Kapag may kagat ng lamok ‘tong anak mo bukas ng umaga, isang buwan kitang hindi papayagang uminom!” wika pa nito na labis niyang ikinainis.
“Mahal, naman!” daing niya saka bahagyang nagpadyak ng paa na animo’y isang bata. Mayamaya’y nakatulog na rin ang kaniyang misis.
Sa tuwing hindi nakakatulog, alak kaagad ang naiisip na paraan ng padre de pamilyang si Jospin upang siya’y dalawin lamang ng antok. Madalas, bago siya umuwi galing trabaho, bumibili muna siya ng alak na iinumin niya kung sakaling hindi siya makatulog sa gabi. Kung makalimutan naman niyang bumili, lalambingin niya ang kaniyang asawa para siya’y payagang makipag-inuman sa tropa niyang naninirahan sa kabilang barangay.
May pagkakataon pinapayagan siya nito at may pagkakataon namang iinisin muna siya nito bago siya payagan na labis niyang ikinapipikon.
Ngunit sa huli, siya pa rin naman ang nagwawagi dahil hindi siya matiis nang maintindihin niyang asawa.
Noong gabing iyon, kahit anong gawin niya, hindi talaga siya makatulog. Nakatapos na siya ng isang pelikula, uminom na siya ng gamot pangpatulog at nagpaikot-ikot sa kanilang higaan ngunit hindi pa rin talaga siya dinadapuan ng antok dahilan para ganoon niya na lamang pilitin ang asawang siya’y lumabas upang mag-inom.
Pero pinagtataka niya, kahit na siya’y nagdabog na, hindi pa rin siya pinagbigyan nito hanggang sa tuluyan na itong makatulog.
At dahil nga gustong-gusto na niyang makatulog at makapag-inom, kahit na hindi siya pinayagan ng asawa, tumuloy pa rin siya sa kagustuhan niyang ito.
Nang makumpirma niyang mahimbing na ang tulog ng kaniyang asawa, agad niyang kinuha ang wallet niya at dahan-dahang lumabas sa kanilang bahay.
Bago siya magtungo sa bahay ng kaibigan, dumaan muna siya sa isang bukas na tindahan upang bumili ng alak. Nang makabili na siya, agad na siyang dumiretso sa bahay nito at doon na sila nagsimulang mag-inuman.
Ang usapan nila’y isang boteng alak lang ang kanilang iinumin at siya’y uuwi na dahil may trabaho pa siya kinabukasan. Ngunit nakatatlong bote na sila, ayaw pa rin siyang pauwiin ng kaniyang kaibigan dahil nagsidatingan ang iba nilang kababata.
Sa pang-apat na bote ng alak na kanilang iniinom, nakuha ng ingay ng isang trak ng bumbero na dumaan sa harapan nila ang kanilang atensyon.
“Saan kaya ang sunog, ano? Mukhang malapit lang, ha?” tanong niya.
“Jospin! Iyong bahay niyo nasusunog daw sabi ni papa!” balita ng tropa niyang kakarating lang dahilan para agad siyang mapahangos pabalik sa kanilang bahay.
“Ang mag-ina ko!” tangi niyang sambit habang siya’y kumakaripas ng takbo kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Pagkarating niya sa kanilang bahay, katulad ng kaniyang nabalitaan, nasusunog nga ito. Agad niyang hinanap sa mga taong nakikiusyoso ang kaniyang mag-ina.
“Mahal! Bunso! Nasaan na kayo?” paulit-ulit niyang sigaw hanggang sa makita niya ang asawa niyang humagulgol sa iyak habang yakap-yakap ang takot na takot niyang anak.
“Bakit mo kami iniwan? Nag-over heat ‘yong electric fan natin! Nagulat na lang ako sa init na nararamdaman ko, pagmulat ko, may apoy na sa paanan namin ng anak mo!” sigaw nito habang umiiyak na labis niyang ikinakonsensya.
Ni isang damit, wala silang naisalba. Labis na pagsisisi ang kaniyang naramdaman. Wika niya pa, “Kung nakinig lang sana ako sa kagustuhan ng asawa kong bantayan sila, sana may bahay pa kami ngayon. Sana, hindi nalagay sa kapahamakan ang mag-ina ko,” habang pinagmamasdan niya ang mag-ina niyang nakikitulog sa bahay ng kaniyang kaibigan.
Simula noon, kasabay ng pagpupursigi niyang muling makapundar ng kanilang mga kailangang gamit, iniwasan niya na rin ang pag-inom at sa tuwing hindi siya makatulog, imbis na umalis ng bahay, kaniya na lang binabantayan ang kaniyang mag-ina.