Inday TrendingInday Trending
Bantay-Salakay ang Ginang sa Kaniyang Anak, Ayaw Niya Itong Pag-Anakin Hangga’t Hindi Nakakabawi sa Kaniya

Bantay-Salakay ang Ginang sa Kaniyang Anak, Ayaw Niya Itong Pag-Anakin Hangga’t Hindi Nakakabawi sa Kaniya

“Mare, ilang taon na ‘yang anak mo?” bulong ni Girlie sa kumare, isang umaga nang makita niyang nag-iimis ng sinampay ang nag-iisa nitong anak na babae.

“Tatlumpung tatlong taong gulang na, mare. bakit mo natanong?” tugon ni Mely habang nagsisintas ng kaniyang sapatos.

“Hindi ba’t kasal na siya? Bakit wala ka pa ring apo sa kaniya? Wala ba siyang kakayahang magdala ng bata sa sinapupunan niya? May sakit ba siya?” sunod-sunod na pang-uusisa nito na ikinatawa niya.

“Ang dami mo namang tanong, mare! Ang totoo niyan, may kakayahang magbuntis ang anak ko. Nabuntis na ‘yan kaso pinalaglag ko dahil bata pa sila ng asawa niya noon,” diretsahang tugon niya na labis nitong ikinabigla.

“Diyos ko, kasalanan ‘yon, mare!” sigaw nito sabay tapik sa braso niya.

“Mas kasalanan na hindi nila maalagaan nang maayos ang bata!” wika niya saka gumanti nang tapik sa braso nito.

“Siguro karma na ang hindi niya pagkakaanak ngayon,” iiling-iling na sambit nito habang awang-awang nakatingin sa kaniyang anak.

“Walang karma-karma, mare. Sinabihan ko ‘yan na huwag munang magpabuntis sa asawa niya hangga’t hindi nila ako nabibili ng bahay at lupa. Ang dami kong sinakripisyo sa batang ‘yan tapos hindi niya papagaanin ang buhay ko? Ano siya, sinuswerte?” paliwanag niya rito.

“Ay, ganoon ba…” hindi na niya ito pinatapos magsalita at agad na niya itong hinila palabas ng kanilang gate.”Oo, kaya huwag ka nang maraming tanong. Halika na, mahuhuli na tayo sa zumba!” sigaw niya dahilan para mataranta itong umangkas sa kaniyang motorsiklo.

Bantay-salakay sa kaniyang nag-iisang anak na babae ang ginang na si Mely. Pinayagan man niya itong pumasok sa isang relasyon sa murang edad, palagi naman siyang pumapagitna at nakikisali sa personal na desisyon ng kaniyang anak.

Ayaw niyang dadalaw ang kaniyang anak sa bahay ng nobyo nito at kung nasa bahay naman nila ang nobyo nito, ayaw niyang mawawala sa paningin ang kaniyang anak.

Ni paghawak sa kamay ng naturang binata sa kaniyang anak ay kaniyang ipinagbabawal. Sa tuwing mahuhuli niyang magkatabi ang dalawa sa kanilang sofa na walang pagitan, katakot-takot na sermon ang kaniyang ginagawa sa dalawang ito.

Kaya naman, nang mapansin niyang tila nag-iiba ang pagkilos ng kaniyang anak, agad siyang bumili ng pregnancy test upang malaman kung ito’y nagbubuntis at nang malaman niyang may dinadala na nga ito, nabugb*g niya ito nang wala sa oras.

“Paano nangyari ‘yan, eh, ni hindi nga kayo naghahawak ng kamay?” inis niyang tanong sa nobyo nitong sumasangga sa kaniyang mga palo.

Dito na siya nagpasiyang ipalaglag ang bata. Ayaw man ng kaniyang anak, tinakot niya itong papalayasin at itatakwil dahilan para pumayag ito at ang kaniyang nobyo.

Hanggang sa ngayon na kasal na ito, nakasunod pa rin siya sa inuupahang bahay nito. Todo bantay pa rin siya sa asawa nito dahil nais niya munang magbayad ng utang ng loob ang kaniyang anak sa kaniya bago ito bumuo ng sariling pamilya.

Ngunit isang araw, bigla niya na lang nalamang muli na namang nagbubuntis ang kaniyang anak at ito ay tatlong buwan na dahilan para ganoon na lamang siya magalit. Katulad nang nakasanayan niya, agad siyang kumuha ng walis tambo upang bugb*gin ang anak.

Pero bago niya pa ito maihampas sa anak, hinawakan na siya sa kamay ng asawa nito at pilit na inagaw ang hawak niyang walis.

“Pasensya na po, pero ngayong nasa tamang edad na kami at kasal na, siguro naman karapatan na naming magkaroon ng sariling pamilya,” sambit ng kaniyang manugang.

“Nahihibang ka na ba? Wala pa kayong naibabalik na tulong sa mga magulang niyo!” sigaw niya rito saka muling hinawakan ang walis.

“Paano po kung hindi talaga namin kayo mabilhan ng bahay at lupa hanggang sa pagtanda namin? Ibig sabihin po ba no’n, wala kaming karapatang bumuo ng sarili naming pamilya?” tanong pa nito sa kaniya, sasagot pa lang sana siya nang biglang sumabat ang humahagulgol niyang anak.

“Kayo ba ni papa no’ng binuo niyo ako, nakapagbigay na kayo nang malaking halaga sa mga magulang niyo? Mama, naman, ang tanda ko na!” sigaw nito saka agad na nagkulong sa silid.

Labis siyang napatigil sa sinabing iyon ng kaniyang anak. Kitang-kita niya ang sakit at lungkot sa mga mata nito na labis niyang ikinaiyak.

“Bakit ba ganito ang ginagawa ko sa anak ko?” pagtataka niya habang mag-isang umiiyak.

Doon niya napagtanto ang lahat ng pagkakamali niya at nagpasiyang suportahan ang anak imbis na humiling ng bahay at lupa.

Sa kabutihang palad naman, agad siya nitong pinatawad at hinayaan siyang bumawi. Ilang buwan lang lumipas, tuluyan na nga itong nagsilang ng malusog na sanggol na labis na nagbigay ng saya sa kaniya, lalo na sa kaniyang anak.

“Kung pinagbawalan ko pa ang anak ko, siguro, hindi ko mararanasang maging lola,” sambit niya habang buhat-buhat ang apong mahimbing na natutulog.

Advertisement