Binili ng Ginang na Ito ng Motorsiklo ang Bagong Nobyo, Ginamit Pa Niya ang Pera ng Kaniyang Anak
“Joana, mahal ko, tingnan mo, o, ang ganda-ganda ng motorsiklong ito! Ito talaga ang pangarap ko noon pa man, eh!” kwento ni Rex sa kaniyang bagong kasintahan, isang umaga nang muli niyang makita sa social media ang pinapantasya niyang sasakyan.
“Naku, ang ganda nga, ‘no? Magkano naman ‘yan? Mukhang mahal ‘yan, ha?” wika ni Joana matapos makita ang litrato ng naturang motorsiklo.
“Isang daang libong piso o higit pa. Medyo mahal nga, eh, kaya hindi ko mabili-bili. Nalulungkot nga ako sa tuwing may makikita akong lalaking may gamit niyan na nakakasabay ko sa kalsada habang ako, bisikletang bulok lang ang gamit papasok sa trabaho,” daing pa ng binata saka itinuro ang bulok nitong bisikletang nakaharang sa kanilang pintuan dahilan para ganoon na lamang siya maawa rito.
“Gusto mo ba talaga niyan?” tanong niya rito na ikinaliwanag ng mukha nito.
“Oo naman! Bakit, ibibili mo ba ako?” nasasabik na tanong nito.
“Oo ba, ikaw pa ba?” nakangiti niyang tugon na labis nitong pinagdiwang.
“Diyos ko! Salamat sa’yo, mahal! Matutupad na ang pangarap ko! Mahal na mahal talaga kita! Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko habambuhay!” sigaw nito habang siya’y buhat-buhat habang sila’y nagtatawanan.
Naninirahan na sa bahay ng kaniyang bagong nobyo ang ginang na si Joana habang ang kaniyang mga anak ay nasa puder ng kaniyang legal na asawa. Nagpasiya siyang makisama sa binatang ito nang makaramdam siya nang wagas na saya rito na hindi nabibigay nang asawa niyang puro trabaho ang inaatupag.
Naiintindihan niya naman ang asawa niya sa nais nitong maging maalwan ang kanilang buhay at upang magkaroon nang magandang kinabukasan ang dalawa nilang anak na babae. Kaya lang, kahit nasa hayskul na ang kanilang mga anak at bahagyang maalwan na ang kanilang buhay, tuloy pa rin ito sa pagtatrabaho hanggang siya’y manlamig na.
Dito na siya nagpasiyang makipaghiwalay sa asawa niyang ito at dahil nga wala itong panahon sa drama, agad siya nitong hinayaang lumayas na labis na nakaapekto sa kaniyang dalawang anak.
Alam niyang mas magkakaroon ng magandang buhay ang kaniyang dalawang anak sa piling nito kaya naman kahit lingid sa kagustuhan niyang mawalay sa dalawa, iniwan niya ito sa kaniyang asawa.
Laking tuwa niya naman nang ganoon na lang siya tanggapin at mahalin nang buo ng binatang nakilala niya sa isang kainan. Serbidor man ang trabaho nito na may maliit na kita, masaya naman siyang makasama ito sa maliit nitong barung-barong.
Kaya naman upang makabawi sa sayang naibibigay sa kaniya nito, nang muli niyang marinig ang tungkol sa pangarap nitong motorsiklo, agad siyang nagdesisyong ibili ito na labis nitong ikinatuwa.
Wala man siyang ganoong kalaking pera, alam niyang may ganoong halaga ang bangko ng kaniyang panganay na anak na nasa ilalim ng kaniyang pangalan.
Ito ang dahilan para ganoon niya kadaling makuha ang pera at makabili ng naturang motorsiklo. Wika niya pa, “Sigurado naman akong makakaipon ulit nang ganitong kalaking pera ang asawa ko bago mag-kolehiyo ang panganay namin,” na talaga nga namang nagpakalma sa puso niyang kabado sa ginawang kalokohan.
Wala nang mas sasaya pa sa binatang kinakasama niya nang ipakita niya ang motorsiklong nabili niya. Halos maluha-luha ito sa saya at siya’y mahigpit na niyakap.
Buong linggong iyon, panay lambing sa kaniya ng binata na labis niyang ikinatuwa. Ngunit pagkalipas ng ilan pang mga araw, bigla na itong nanlamig sa kaniya. Palagi na itong nagagalit at umuuwi ng madaling araw na labis niyang ikinapagtaka.
Katulad ng kaniyang hinala, mayroon na nga itong babae na mas bata sa kaniya. Pilit man siyang magmakaawa rito na bumalik sila sa dati, diretsahan nitong sinabi na, “Ayaw ko na sa’yo,” saka siya iniwan sa barung-barong na iyon tangay-tangay ang motorsiklong binili niya.
Hindi pa man siya nakakausad sa nangyari, sinugod pa siya ng kaniyang anak dahil sa pagkuha niya sa pera nito at nang malaman nitong pinagbili niya ito ng motorsiklo, labis itong nadismaya sa kaniya.
“Mas importante siya kaysa sa kinabukasan ko? Nasaan na siya ngayon? Wala na, iniwan ka na. Paano naman ang pag-aaral ko ngayon, ha? Nanay ba talaga kita?” mangiyakngiyak sa galit na sigaw nito na labis na dumurog sa puso niya.
Lumuhod man siya sa harapan nito upang humingi ng tawad, hindi na siya pinansin nito.
Ilang araw din siyang tuliro sa patong-patong na problemang mayroon siya ngunit napag-isip-isip niyang hindi siya dapat sumuko kaya naman siya’y nagpasiyang magtrabaho sa isang pabrika upang makabayad sa anak.
Hindi man niya agarang mabayaran ang perang kinuha niya, masaya na siyang may paunti-unting naibabalik sa anak. Lumayo man ang loob nito sa kaniya, araw-araw siyang gumagawa ng paraan upang maibalik ang dating tingin at respeto nito habang ibinabaon sa limot ang sakit na dala ng binatang mapagsamantala.