Inday TrendingInday Trending
Gumagamit ng Selpon Habang Nasa Trabaho ang Dalaga, Hindi Niya Akalain Kung Sino ang Kustomer na Sumisigaw

Gumagamit ng Selpon Habang Nasa Trabaho ang Dalaga, Hindi Niya Akalain Kung Sino ang Kustomer na Sumisigaw

“Anong ginagawa mo ngayon? Bakit hindi mo ako pinapadalhan ng mensahe? Siguro may iba kang kausap ngayon, ano?” tuloy-tuloy na sambit ni Joyce sa kasintahan, isang umaga nang tawagan niya ito sa selpon.

“Hindi mo man lang ba muna ako kukumustahin? Ikaw talaga! Nasa biyahe na ako, mahal, papasok sa trabaho. Nahuli ako ng gising, eh, kaya hindi na ako nakapagpadala ng mensahe sa’yo. Ikaw, nasa trabaho ka na ba?” kwento nito na nagpakalma sa kaniya.

“Oo, kanina pa, nakapag-almusal na nga ako rito, eh,” sambit niya pa.

“O, baka makita ka ng amo mo na gumagamit ng selpon sa oras ng trabaho, ha?” pag-aalala nito. “Paano ako makikita no’n, eh, nasa loob ako ng banyo,” sagot niya saka naupo sa inidoro ng naturang banyo. “Eh, sinong bantay sa tindahan?” pang-uusisa ng kaniyang kasintahan.

“Edi, wala! Ako lang naman ang empleyado rito, hindi ba? Saka, wala namang masyadong nabili kaya ayos lang ‘yan, mag-usap muna tayo,” nakangiti niyang tugon ngingiti-ngiti pa.

“Sigurado ka ba? Baka mamaya, manakawan ang botikang ‘yan,” wika nito na agad niyang ikinapikon.

“Siguro ayaw mo lang akong kausap, ano? Bakit…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil nakarinig siya nang malakas na tawag ng isang kustomer.

“Pabili po! Pabili nga po!” sigaw ng naturang kustomer. “Ito na!” sigaw niya sa kustomer, “Nakakainis! O, sige na, ibaba mo na ang tawag!” bulyaw niya sa kaniyang kasintahan saka agad nang nagtungo sa harapan ng botikang pinagtatrababuhan upang pagbentahan ang kustomer na sigaw nang sigaw.

Tindera sa isang botika ang dalagang si Joyce. Lingid man sa kagustuhan niyang ito ang kaniyang maging trabaho, siya’y napilitang mamasukan dito dahil wala siyang mapasukang trabaho ngayong panahon ng pandemya.

Dati siyang empleyado sa isang restawran hindi kalayuan sa kanilang bahay ngunit dahil nga kakaunti lang ang mga taong lumalabas ngayon, unti-unti itong nalugi hanggang sa isa-isa nang tanggalin ang empleyado. Siya’y napasama sa mga natanggal dahilan para ganoon na lang siya maghanap ng trabaho pangtustos sa pamilya niyang umaasa sa kaniya.

Halos nasuyod na niya ang buo nilang lalawigan ngunit kahit mga fast food chain na restawran, siya’y tinatanggihan dahil nga sa krisis na kinakaharap ngayon nang lahat ng tao pati ng mga negosyo.

Kaya laking pasasalamat niya nang makita niya sa isang post sa social media na naghahanap ng tindera ang isang bagong bukas na botika. Agad niya itong pinadalhan ng mensahe at nagmakaawang siya na lamang ang kuhaning empleyado.

Sa kabutihang palad, siya nga ang pinili ng may-ari na maging tindera na labis niyang ikinatuwa. Natuwa pa siya dahil wala siyang gaanong ginagawa sa trabaho niyang iyon kung hindi ang maupo at maghintay kung mayroong bibili ng gamot.

Madalas lang siyang nakatulala sa kalsada dahilan para ganoon na lang siya maenganyong manatili sa palikuran ng botika kung saan walang CCTV camera at doon niya madalas kinakausap ang kaniyang kasintahan.

Labis naman siyang nagagalit sa tuwing may biglaang bibili at napuputol ang kanilang usapan.

Ganoon na naman ang nangyari sa usapan nila ng kaniyang kasintahan dahilan para labis siyang mainis at kaniyang masigaw-sigawan ang kustomer na nagmamadaling mapagbebentahan.

“Hindi ka ba makapaghintay? Mapagbebentahan ka naman, eh, sigaw ka pa nang sigaw d’yan!” sigaw niya habang naglalakad palapit sa kustomer na hindi niya makilala.

“Anong sabi mo, Ms. Joyce?” tanong ng amo niya.

“Ay, magandang umaga po, ma’am!” agad niyang sambit nang makitang ito pala ang sumisigaw-sigaw.

“Ano bang ginagawa mo sa banyo, ha? Napakatagal mo! Kanina pa naghihintay dito sa labas si lola kaya ako na ang sumigaw para lumabas ka sa banyong ‘yon,” mataray na sambit nito.

“Ah, eh, umihi lang po ako, ma’am,” pagrarason niya.

“Umihi o nagseselpon ka? Kitang-kita kong nilagay mo sa bag mo ang selpon mo bago ka magpunta rito,” wika pa nito saka pinakita sa kaniya ang selpon nitong nakakonekta sa CCTV camera sa botikang iyon dahilan para siya’y mapatungo.

Pagkatapos niyang pagbenta ang matanda, agad na siyang umamin sa amo niyang tahimik na nagbibilang ng pera roon.

“Isang pangyayari pang ganito, hindi ako magdadalawang-isip na tanggalin ka. Pwede mong ulitin ‘yan pero huwag kang papahuli sa akin,” taas-kilay na sambit nito na labis niyang ikinakaba.

Kaya naman, simula noong araw na ‘yon, dahil sa ayaw niyang mawalan ng pagkakakitaan, pilit niyang inalis sa sarili ang pagseselpon sa gitna ng trabaho. Hinihintay niya nang matapos ang kaniyang trabaho bago niya kausapin ang nobyo niya.

Sa ganoong paraan, kaniyang natututukan ang trabaho at nababantayan ang naturang botika.

Advertisement