Ayaw Kainin ng Binata ang mga Iniluluto ng Ina, Napagtanto Niya ang Importansya nito nang Maospital Siya
“O, anak, anong oras pa lang, ha? Aalis ka kaagad?” pang-uusisa ni Sanya sa anak, isang umaga nang mapansin niyang nagmamadali itong mag-ayos ng sarili sa kanilang sala.
“Oo, nagkayayaan ang tropa na mag-inuman, eh,” sagot ni Marco habang abala sa paglalagay ng gel sa kaniyang buhok.
“Ganitong oras, mag-iinom kayo? Alas otso pa lang ng umaga, Marco,” wika pa nito matapos tumingin sa kanilang orasan.
“Ano naman kung alas otso pa lang? Kailangan bang may oras ang pag-iinom?” inis niyang tanong dito saka muling nagpatuloy sa pag-aayos ng sarili.
“Hindi naman sa ganoon, anak, pero kung ganoon, kumain ka muna. Sayang naman itong pinagluto ko para sa’yo. Ito, o, ang paborito mong sinangag. Nagluto rin ako ng paborito mong tapa at itlog. Mayroon ding kape na binili ko pa sa kabilang siyudad!” magiliw na wika nito habang pinapakita pa sa kaniya ang mga niluto nitong pagkaing nakalatag na sa kanilang hapag-kainan.
“Doon na lang ako kakain bago kami mag-inom. Mahuhuli na ako sa usapan naming oras,” malamig niyang sagot saka agad nang nagsuot ng sapatos.
“Sige na, anak, sayang naman ‘to. Hindi ko kayang ubusin lahat ‘to,” giit nito na kaniyang lalong ikinainis.
“Sino ba kasing nagsabing magluto ka nang ganyan karami, ha? Ngayon parang kasalanan ko pa kung masasayang ‘yan!” sigaw niya rito dahilan para mapatungo ito.
“Anak, gusto lang naman kitang…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at muli niya itong sinigawan.
“Ewan ko sa’yo! Palagi kang gan’yan! Itapon mo na lang ‘yan!” galit niyang bulyaw saka padabog na lumabas ng kanilang bahay.
Simula nang magbinata, nalayo na ang loob ng binatang si Marco sa kaniyang ina. Palagi na lang kasi silang nagtatalo tungkol sa mga bagay-bagay. Kahit na pinapaliwanag nitong hindi niya pupwedeng gawin ang isang partikular na bagay na gusto niya, pinapasawalang bahala niya lang ito at magtatanim ng sama ng loob dito.
Ang yumaong ama niya lang ang itinuturing niyang kakampi sa kanilang bahay dahil sinasamahan siya nito sa kaniyang mga kalokohan. Kaya lang, nang mawala ito dahil sa isang aksidente, roon na siya tuluyang nawalan ng gana na manatili sa kanilang bahay.
Kahit na todo lambing ang kaniyang ina sa pamamagitan ng pagluluto para sa kaniya, paglilinis ng kaniyang silid at marami pang iba, tila matigas na talaga ang puso niya rito.
Kaya naman, kahit na madalas itong magluto ng pagkain para sa kaniya, bilang lang sa kamay ang mga panahong sinasabayan niya itong kumain ng pagkaing pinaghirapan nito. Madalas, pinipili niya pang makasabay kumain ang kaniyang mga kaibigan kaysa sa kaniyang ina.
Nang araw na ‘yon, matapos niyang pakitaan ng masamang ugali ang ina, agad na siyang nagtungo sa bahay ng kaniyang kaibigan.
Ngunit bago pa siya makapasok sa bahay nito, may isang grupo ng kalalakihan ang humarang sa kaniya at siya’y walang habas na binugbog nang walang dahilan. Kitang-kita niyang nakita ng kaniyang mga kaibigan ang pangyayaring iyon pero imbis na tulungan siya, nagtakbuhan lang ang mga ito papasok ng bahay habang iniinda niya ang naturang panggugulpi.
Sa sobrang galit niya sa mga kaibigan, kahit iika-ika siya matapos mabugbog, nagdesisyon siyang umuwi na lang ng bahay. Sigaw niya pa bago tuluyang umalis sa lugar na iyon, “Mga walang kwentang kaibigan!”
Tila hindi pa roon nagtatapos ang hamon sa kaniya noong araw na ‘yon dahil pagkauwi niya, nakita niya namang nakabulagta na ang kaniyang ina.
Kahit na sobrang sakit ng kaniyang katawan at puro dugo pa siya, agad niya itong dinala sa ospital sa tulong ng kanilang mga kapitbahay.
Doon niya napag-alamanang inatake sa puso ang kaniyang ina at kailangang manatili sa ospital upang maobserbahan.Dahil limitado lamang ang maaaring makapasok sa ospital, madalas, saglit niya lang itong dinadalaw at siya’y mananatili lang sa kanilang bahay.
Sa pagkakataong iyon, napagtanto niya kung gaano kahirap ang buhay niya kung wala ang kaniyang ina, lalo na ngayong mabigat sa loob niya ang ginawa ng mga kaibigan niya.
Walang naglilinis ng kaniyang silid, walang nangungulit sa kaniyang kumain at higit pa roon, walang nagluluto ng mga paborito niyang pagkain dahilan para ganoon na lang siya maiyak at mangako sa sariling babawi sa ina habang hindi pa huli ang lahat.
Simula noong araw na makalabas ng ospital ang kaniyang ina, hindi siya umalis sa tabi nito. Inalagaan niya ito at iyon na ang naging simula upang muli niyang makapalagayan ng loob ang kaniyang ina katulad noong siya’y bata pa.
“Mas masarap pala sa pakiramdam na kasama ka sa tawanan, mama,” sambit niya sa ina habang sila’y nagkukwentuhan tungkol sa kaniyang ama saka siya nito mahigpit na niyakap. Sa mga sandaling iyon, pangako niya’y gagawin niya ang lahat upang hindi na muling malayo ang loob nilang mag-ina sa isa’t isa.