Takot na Muling Magtiwala sa Ibang Tao ang Negosyante Dahil Makailang Ulit na Siyang Naloko; Isang Batang Pulubi ang Muling Magpapababago sa Pananaw Nito
Isang mayamang negosyante. Matagumpay at kilala. Iyan si Gilbert Gamboa. Ngunit bago niya marating ang kaniyang kinalalagyan ngayon ay marami rin siyang pinagdaanang hindi maganda sa buhay.
Noong nag-uumpisa pa lamang sa pagtatayo ng kaniyang negosyo si Gilbert ay makailang ulit siyang nagtiwala sa ibang tao, na kalaunan ay nalaman niyang pinagsasamantalahan lamang pala ang kaniyang katayuan. Nariyang pinerahan siya ng kaniyang matalik na kaibigan. Ang kaniyang business partner ay ninakaw ang mga ideya niya sa kaniyang furniture business upang gamitin iyon sa sariling kompanyang itinatayo pala nito nang mag-isa. May mga empleyado rin siyang nabayaran upang mag-espiya sa kaniya kaya’t dahil sa mga pangyayaring iyon ay halos wala na siyang pagkatiwalaang ibang tao. Sino nga ba naman ang hindi madadala dahil sa mga nangyari sa kaniya?
Pinatatag ng panahon, pinatibay ng mga pagsubok. Ngunit pinatigas din ng kaniyang mga pinagdaanan ang puso ni Gilbert. Wala siyang kaibigan dahil simula nang may isang nagtraydor sa kaniya ay inalis na niya ang lahat ng kaniyang mga kaibigan sa kaniyang sistema, sa takot na muling maranasan ang noon ay mga nalampasan na niya.
Isang tipikal na araw lamang noon sa opisina nina Gilbert. Pauwi na siya sa kaniyang bahay nang mamataan niya ang dalawang babaeng empleyado niya na nagbubulungan sa isang sulok nang makitang dumaraan siya. Napakasensitibo ni Gilbert sa mga ganitong bagay. Pakiramdam niya ay pinagpaplanuhan siya ng mga ito para pabagsakin katulad ng mga ginawa sa kaniya noon ng ibang tao sa kaniyang nakaraan. Dahil doon ay galit niyang hinarap ang dalawang empleyado.
“Alam n’yo ba na isa sa mga rules na ipinatutupad ko sa kompanyang ’to ay bawal ang magbulungan?” seryosong sabi niya. Hindi siya nagsisinungaling. May gan’ong patakaran talaga siyang ipinatutupad simula nang mangyari ang nakawan ng ideya.
“Pero, sir—” Agad niyang pinutol ang sinasabi ng kaniyang empleyado sa pamamagitan ng kaniyang palad.
“You’re fired,” maiksing aniya lamang sa kanila pagkatapos ay tinalikuran na niya ang dalawa.
Nang tuluyan nang makalabas sa naturang building ay napahilot si Gilbert sa sariling sentido. Parang gusto niyang makalanghap ng sariwang hangin katulad ng palagi niyang ginagawa.
Agad niyang inimporma ang kaniyang driver na dalhin siya sa parke kung saan paborito niyang maglakad-lakad. Tinalima naman nito ang kaniyang utos. Bumaba si Gilbert ng sasakyan at iniwan ang kaniyang driver doon upang maupo sa isa sa mga bench na naroon sa lugar.
“Kuya, bili ka na po ng sampaguita para makauwi na ako…”
Wala pa yata siyang ilang minutong nakaupo roon nang may isang batang babaeng lumapit sa kaniya upang bentahan siya ng sampaguita. Sandali niya itong sinulyapan at tinugon ito ng iling.
“Sige na po, kuya, pangkain lang,” ngunit pamimilit pa rin ng bata sa kaniya. Hindi na niya ito pinansin pa at nagkunwari na lamang na tinitingnan ang kaniyang cellphone.
“Mukha ka naman pong mayaman, kuya, e. Hindi naman siguro kabawasan kahit bumili lang po kayo ng bente pesos na sampaguita,” muli ay anang bata. Nakadama na ng pagkairita si Gilbert sa presensya nito. Paano’y umiiral na naman ang kaniyang paghihinala. Sa isip-isip niya ay hindi naman siya naniniwalang ipangkakain nito ang perang kikitain nito sa pagtitinda. Hindi naman kasi lingid sa kaniyang kaalaman na talamak sa lugar na ito ang mga batang nagbibisyo.
Dahil sa tumitinding iritasyon sa bata ay minabuti na ni Gilbert na tumayo na lamang at umuwi na, ngunit nakakailang hakbang pa lamang siya ay muli na naman siyang tinawag ng bata.
Napapalatak si Gilbert ngunit nagpatuloy siya sa paglalakad. Mas binilisan niya pa upang hindi na siya abutan ng batang ngayon ay humahabol sa kaniya. May sinasabi ito ngunit hindi na niya inintindi iyon ay dire-diretso siyang sumakay sa kotse at pinaharurot iyon.
Mga ilang kilometro na ang layo niya sa parke, nang bigla niyang makapa na nawawala ang wallet niya sa kaniyang bulsa! Maging ang kaniyang cellphone na naaalala niyang naiwan niya sa inuupuan niyang bench kanina!
Dali-dali silang bumalik sa pinanggalingang parke. Ang totoo ay pinagbibintangan niya ang batang tindera ng sampaguita. Sigurado siyang ito ang kumuha ng kaniyang mga gamit!
Ngunit ganoon na lamang ang pagkapahiya ni Gilbert sa kaniyang sarili nang makita niyang naroon pa rin ang bata. Naghihintay sa bench na kaniyang inalisan habang hawak ang kaniyang wallet at cellphone.
“Kuya, buti at bumalik ka. Naiwan mo po itong telepono mo at pitaka,” turan ng bata habang iniaabot sa kaniya ang kaniyang gamit.
Tulala si Gilbert sa nangyari. Tila ba biglang lumambot ang kaniyang puso. Bigla siyang sinampal ng tadhana upang magising siya sa kaniyang kahibangan. Pinatunayan ng batang ito sa kaniya na hindi lahat ay lolokohin lamang siya at lalamangan.
Dahil doon, nagsimula ulit bumalik ang tiwala ni Gilbert sa iba. Ang bata ay kaniyang pinag-aral. Sa katunayan ay binigyan niya rin ng trabaho sa kompanya ang ama nito’t panganay na kapatid. Hindi akalain ni Gilbert na isang bata pa pala ang magpapabago sa kaniyang prinsipyo at talagang natuto siya dahil dito.