Inday TrendingInday Trending
Kumpiyansa ang Binata na Makapagtatapos Siya ng Pag-aaral, Makuha Pa Kaya Niya ang Diploma Kahit Tatamad-Tamad Siya?

Kumpiyansa ang Binata na Makapagtatapos Siya ng Pag-aaral, Makuha Pa Kaya Niya ang Diploma Kahit Tatamad-Tamad Siya?

“Lando, hindi ba’t sabi mo, may klase ka ngayon kaya hindi ka makakadalo sa selebrasyon ng kaarawan ko? Bakit ka nandito? Ang aga-aga mo pa!” sambit ni Jorge sa kaibigan niyang umaga pa lang, nagpunta na kaagad sa kaniyang bahay upang maipagdiwang ang kaniyang kaarawan.

“Imbis na matuwa kang nandito ako, gan’yan pa ang sasabihin mo sa akin!” sagot ni Lando saka kunwaring naiinis sa kaibigan saka iniabot dito ang biniling pandesal.

“Nakakapagtaka lang kasi! Alam kong abala ka ngayon sa paggawa ng thesis mo, tapos nandito ka para lang makipag-inuman sa mga tropa,” wika pa nito na ikinatawa niya.

“Sino ba kasing nagsabi sa’yong gumagawa ako ng thesis? Ang mga kagrupo ko lang ang gumagawa noon, tamang tambay lang ako sa tabi nilang habang nagkukumahog sila,” pagmamalaki niya sabay kindat sa kaibigan.

“Ano, taga-luto ka lang ng pancit canton?” biro nito sabay umaarte pang nagluluto.

“Kahit ‘yon, hindi ko ginagawa. Ako ang boss, eh! May boss bang sumusunod sa mga alipin?” sagot niya na ikinatawa nilang dalawa, “Sinabi ko lang sa’yong hindi ako makakapunta para malungkot ka!” dagdag niya pa dahilan para siya’y mabatukan nito.

“Napakaloko mo talaga! Halika na, simulan na nating dalawa ang inuman!” yaya nito saka siya inabutan ng isang bote ng alak at sila’y nagsimula nang magdiwang.

Kahit na hindi nag-aambag ng kaniyang kaalaman ang binatang si Lando sa mga pangkatang gawain sa kaniyang mga pinapasukang klase, kumpiyansado pa rin siyang makakapagtapos siya ng pag-aaral. Lalo na ngayong ang mga kagrupo niya sa kanilang thesis, na isa sa mga batayan kung siya ba ay makakapagtapos o hindi, ay ang matatalik niyang mga kaibigan sa pinapasukang unibersidad, lalong tumaas ang tiwala niyang sa susunod na mga buwan, makukuha na niya ang kaniyang diploma.

Sa katunayan, kahit nakikita niyang naghihirap na ang mga ito kakapiga sa kani-kanilang mga utak para lamang matapos at magawa nang maayos ang kanilang thesis, wala pa rin siyang ginagawang paraan upang makatulong sa mga ito.

Sasama lang siya sa paggawa pero ni isang salita, wala siyang iaambag. Tanging paglalaro lamang sa selpon ang kaniyang ginagawa sa tuwing sila’y magkikita upang gawin ito.

May pagkakataon pa ngang nainis na sa kaniya ang pinuno ng kanilang grupo dahil hindi niya ginawa ang parte niya. Ngunit imbis na humingi ng tawad, siya’y nagalit pa.

Noong araw na ‘yon, kaarawan ng isa sa mga matalik niyang kababata, sakto namang huling araw ng pasahan ng kanilang thesis. Kahit na alam niyang nangangarag na ang kaniyang mga kagrupo, mas pinili niya pa ring makidalo sa kaarawan ng kaniyang kaibigan kaysa tumulong.

Sabi niya pa, “Wala rin naman akong matutulong sa kanila kaya mabuti pang magliwaliw na muna ako. Isasama pa rin naman nila ang pangalan ko sa mga nagpasa,” dahilan para tuluyan nga siyang magpunta sa bahay ng kaniyang kababata.

Katulad sa ibang mga selebrasyong dinaluhan niya, ginawa niya ang lahat upang makapagsaya. Inom dito, sayaw doon, kwentuhan dito, kantahan doon, ang kaniyang ginawa buong araw hanggang sa sumuko na ang katawan niya at siya’y makatulog na lang sa bahay ng kaniyang kababata dahil sa pagkalango.

Kinaumagahan, tanghali na siyang nagising. Ngayon ang araw ng presentasyon ng kanilang thesis dahilan upang agad niyang tignan ang kaniyang selpon para makasagap ng balita sa kaniyang mga kagrupo.

Ngunit labis siyang nagtaka dahil ni isa sa kaniyang mga kagrupong palaging nangungulit sa kaniya na tumulong, walang nagmensahe sa kaniya.

“Siguro hindi tuloy ang presentasyon namin ngayon,” wika niya saka agad nang umuwi upang makapaghanda pagpasok sa unibersidad.

Mayamaya pa, tuluyan na nga siyang nakapasok sa unibersidad. Saktong pagpasok niya sa kanilang silid-aralan, nagdidiwang na ang kaniyang mga kagrupo.

“Anong balita?” tanong niya sa mga ito.

“Nakapasa kami sa thesis at sigurado na kaming makakapagtapos!” sigaw ng kanilang pinuno dahil sa tuwa.

“Tapos na ang presentasyon?” pagtataka niya.

“Opo, Mr. Lando. Kumusta ang inuman kahapon? Mas importante po ba ‘yon kaysa sa pag-aaral mo? Pasensya ka na, ha, hindi kita ipapasa sa subject ko. Sinabihan ko silang huwag kang kulitin na pumasok nang maaga. Wala ka rin naman daw na naitulong sa kanila. Kaya, paano ba ‘yan? Magkita ulit tayo sa isang taon,” sabat ng kanilang propesor na agad niyang ikinabigla.

Ano mang pagmamakaawa niya sa naturang propesor, hindi na siya pinagbigyan nito.

“Hindi lahat ng bagay, makukuha mo nang hindi mo pinaghihirapan,” sambit nito na talagang tumatak sa isip niya.

Katulad nga ng sinabi nito, hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral kasama ang mga kaklase. Umulit siya ng isang taon sa pag-aaral dahil sa pagpapabaya niyang ito na labis niyang pinagsisihan.

Sa pag-uulit niya sa pag-aaral, nagsunog talaga siya ng kilay upang makapagtapos ng pag-aaral. Mahirap man at labis siyang naghihinayang sa isang taong nasayang niya, natuto naman siyang tumayo sa mga paa at magbigay ng atensyon sa kaniyang pag-aaral hanggang sa tuluyan na siyang makapagtapos ng pag-aaral.

Advertisement