Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan ng Ginang ang Butas na Bubong ng Kapatid, Napagtanto Niyang mas Maswerte Pa Ito Kaysa sa Kaniya

Pinagtawanan ng Ginang ang Butas na Bubong ng Kapatid, Napagtanto Niyang mas Maswerte Pa Ito Kaysa sa Kaniya

“Ano ba ‘tong bahay mo, Belen, nagbebenta ka ba ng mga timba? Bakit ang daming nakasabit na timba sa bubong niyo? Pwede ba akong bumili?” biro ni Eva sa kaniyang nakababatang kapatid habang tumatawa nang minsan siyang dumalaw sa bahay nito sa tabing dagat.

“Ah, eh, hindi, ate. Tag-ulan na kasi, eh, may butas na ‘yang mga yerong ‘yan. Wala pa kaming pambili ng bagong yero, kaya ayan muna ang inilagay ko para lang huwag kaming matuluan ng ulan habang natutulog,” nahihiyang paliwanag ng kaniyang kapatid habang inaayos ang papag na kaniyang uupuan.

“O, wala bang trabaho ang asawa mo? Magkano lang ba ang yero, bakit hindi kayo mabili?” taas-kilay niya pang pang-uusisa saka umupo sa naturang papag.

“Alam mo naman, ate, na isang mangingisda ang asawa ko. Matumal ang huli niya, lalo na ngayong tag-ulan at malakas ang alon,” kwento pa nito na ikinailing niya.

“Diyos ko, ano ba naman ‘yan? Mabuti na lang talaga, may matinong trabaho ang napangasawa ko at hindi ko ito nararanasan. Bagong gawa pa nga ang bahay namin at marami kaming pagkain,” pagyayabang niya saka agad na pinakita rito ang litrato ng bago niyang bahay na nasa mamahalin niyang selpon.

“Masaya ako para sa’yo, ate,” nakangiting wika nito na ikinatuwa niya dahilan para ipakita niya pa ang ibang larawan niyang nagpapakita kung gaano kaalwan ang kaniyang buhay.

Imbis tulungan ng ginang na si Eva ang kapatid niyang naghihirap, dinadalaw niya lang ito upang ipagmalaki kung anong buhay ang mayroon siya sa pangkasalukuyan. Ni kahit isang barya o tirang pagkaing nabubulok lang sa kaniyang bag, hindi niya maibigay sa kapatid dahil abala siya pagmamalaki kung gaano kasarap ang buhay niya.

Makita man niyang walang kanin ang kaldero nito, madilaw ang iniinom nitong tubig na mula lang sa poso, sira-sira ang damit na suot at kung ano mang bagay na nagpapakita ng paghihirap nito, wala siyang ginagawa upang matulungan ito.

Lalo niya pang ipinamumukha rito kung gaano kahirap ang buhay nito at kung gaano naman kasaya ang buhay na mayroon siya sa asawa niyang may magandang trabaho.

May pagkakataon pa ngang nagawa niyang itanggi ang kapatid niyang ito nang minsan siya nitong kamustahin habang kasama niyang naglalakad ang mga mayayaman niyang amiga. Pangaral niya sa kapatid, “Nakakahiya na malaman nilang may kapatid akong hindi man lang marunong mag-ayos ng sarili. Kaya kapag nakikita mo akong may ibang kasama, huwag mo akong lalapitan,” na buong puso naman nitong tinanggap at humingi pa ng tawad.

Sinisisi niya ang asawa ng kaniyang kapatid para sa mahirap na buhay mayroon ito. Nagagawa pa niyang gawing biro ang itsura ng bahay nitong isang bagyo na lang, tuluyan nang masisira.

Nang araw na ‘yon, matapos niyang ipagmalaki ang bahay na mayroon siya sa kapatid, agad na siyang nagpaalam dito.

“Magkakape pa kami ng mga amiga ko, eh, una na ako, ha?” paalam niya sa kapatid saka agad nang sumakay sa dala niyang sasakyan.

Kaya lang, habang siya’y nagmamaneho patungo sa naturang kapehan, naagaw ng isang sasakyan ang atensyon niya.

“Saglit, parang sasakyan ng asawa ko ‘yon, ha? Bakit nasa tapat ng isang hindi kilalang panuluyan? May meeting ba siya ngayon?” tanong niya sa sarili saka agad na binalikan ang naturang sasakyan.

Pagkapasok niya sa panuluyan, agad niyang pinagtanong kung nasaan ang may-ari ng naturang sasakyan. Bago pa makasagot ang mga empleyado roon, biglang lumabas sa isang silid ang kaniyang asawa habang nakaakbay pa sa isang dalagang todo lingkis dito.

“A-anong ibig sabihin nito, Joel?” sigaw niya.

“O, bakit? Lumuluma ka na, eh, kailangan ko na ng bago. May reklamo ka?” mayabang na sagot nito habang panay pa rin ang pagyakap sa dalagang iyon dahilan para siya’y mapahangos na lang palabas.

Siya’y humagulgol habang nagmamaneho at doon niya naisip na hindi siya pupwedeng makitang umiiyak ng mga amiga niya kaya agad siyang nagmaneho pabalik sa bahay ng kaniyang kapatid.

“O, ate, may nakalimutan ka ba? Teka, hahanapin ko,” natatarantang wika ng kaniyang kapatid, napaupo na lang siya sa papag nito at doon labis na humagulgol.

Ikinuwento niya sa kapatid ang natuklasan niya at siya’y labis na niyakap nito habang pinapangaralan.

Mayamaya pa, dumating na ang asawa nito mula sa laot. May dala-dala itong isang pirasong ice cream na ibigay sa kaniyang kapatid saka ito binati ng, “Happy Anniversary, mahal!” na labis niyang ikinainggit.

Doon niya napagtantong wala mang pera ang asawa ng kapatid niya, purong pagmamahal naman ang binibigay nito na hindi maibigay ng asswa niyang hindi niya malaman kung totoo bang mahal siya o ginagamit lang siya sa kanilang negosyo.

Wala na siyang sinayang na oras noon at agad nang humingi ng tawad sa kaniyang kapatid. Unti-unti na rin siyang bumitaw sa kaniyang asawa at ginamit ang perang naipon niya upang makapagsimula ng sariling buhay sa tulong ng kaniyang kapatid.

Wala siyang pinagsisihan sa desisyon niyang ito dahil bukod sa masaya siya, natutulungan niya pa ang kapatid niyang matagal niyang tinabla.

Advertisement