Sa Pamamagitan ng mga Materyal na Bagay Nais Bawiin ng Binatang Ito ang Kasintahan, Nasampal Siya ng Katotohanan
“Jacob, totoo bang hiwalay na kayo ni Elany? Nakita ko kasi siya kahapon doon sa may parke, may kasamang lalaki at para bang ang saya-saya nilang dalawa. Wala ka man lang bang gagawin para mabawi siya?” pang-uusisa ni Josh sa matalik na kaibigan, isang umaga nang makasabay niya ito sa pagbili ng pandesal sa isang panaderya.
“Siyempre mayroon, pare. Pitong taon kong kasintahan ‘yon, tapos hahayaan ko lang na mawala siya nang basta-basta? Nagkataon lang talagang nalasing ako kaya nasaktan ko siya at iyon ang naging dahilan nang hiwalayan namin noong isang buwan,” sagot ni Jacob habang sinimulan na ang pagkain sa nabiling pandesal.
“Bakit hindi ka pa kumikilos? Baka mamaya tuluyan na siyang mawala sa’yo!” wika nito na ikinatawa niya maigi.
“Imposible ‘yon. Ako ang mundo no’n at alam na alam ko paano siya pabalikin sa akin. Bibilhan ko lang ‘yon ng bagong selpon o make-up, babalik ‘yon sa bahay ko,” kumpiyansado niyang tugon habang patuloy pa rin sa pagtawa.
“Naku, sana nga pero mukhang tatagilid ‘yang plano mo dahil sa kasiyahang mayroon siya sa lalaking ‘yon,” babala pa nito na ikinailing niya.
“Nagkukunwari lang ‘yon para balikan ko siya,” tugon niya saka sumakay sa kaniyang motorsiklo’t agad na nagpaalam sa kaibigan.
Kahit na ilang linggo nang wala sa kaniyang bahay ang kinakasamang dalaga, hindi pa rin nangangamba ang binatang si Jacob na baka ito ay tuluyan nang mawala sa kaniya.
Nasaktan niya kasi ito noong isang gabi matapos niyang uminom kasama ang kaniyang mga katrabahong nang hindi nagpapaalam dito.
Nagalit ito sa kaniya ngunit imbis na suyuin niya ito, katakot-takot na panunumbat ang kaniyang ginawa at ang mas malala pa, nagawa niya itong pagbuhatan ng kamay dahilan para kinabukasan, wala na ito sa bahay niya.
Tanging isang sulat sa papel ang bumungad sa kaniya noong umagang iyon na nagsasabing nakikipaghiwalay na nga ito sa kaniya.
Kung ang ibang lalaki ay agad na mangangamba at magkakandarapa upang mahanap ang kasintahan, siya naman ay walang ginawa upang mapabalik ito bagkus sinulit niya pa ang mga araw na tahimik at solo niya ang kaniyang bahay. Kung sino-sinong dalaga ang inuuwi niya roon tuwing gabi dahilan para mapunan ang tawag ng kaniyang katawan. Kaya lang, nitong mga nakaraang araw, marami siyang balitang natatanggap na may iba na ngang kasintahan ang nobya niyang ito na bahagya niyang ikinabahala.
Ito ang dahilan para siya’y mag-isip ng paraan upang muli itong bumalik sa kaniya. Mahal naman niya kasi ito talaga kaya nga sila nagtagal dalawa, hindi niya lang talaga makontrol ang sarili sa tuwing siya’y nalalasing.
Noong araw na ‘yon, matapos niyang kumain ng almusal, agad siyang nagtungo sa pinakamalapi na mall. Bumili siya ng mga paboritong pagkain ng dalaga, make-up, selpon at iba pang bagay na tingin niya’y magugustuhan nito saka na siya agad na dumiretso sa bahay nito.
Ngunit pagdating niya roon, isang hindi pamilyar na lumang bisikleta at tsinelas ang nakita niya sa pintuan ng bahay nito na labis niyang ikinagalit.
“Elany! Talaga bang wala kang balak bumalik sa bahay? Ito na ang mga gusto mo, o, bumalik ka na!” sigaw niya rito dahilan para ito’y lumabas ng bahay kasama ang naturang binata.
“Hindi na ako babalik sa’yo, Jacob. Maghanap ka na lang ng ibang babaeng makakapagtiis sa’yo,” sagot nito na lalo niyang ikinagalit.
“Ipagpapalit mo ako sa lalaking ‘yan? Eh, ni hindi nga makabili ng bagong bisikleta! Ano bang trabaho niyan? Mabibili ka ba niyan ng mga luho mo?” pangmamaliit niya sa binata.
“Oo, ipagpapalit kita sa kaniya! Wala man siyang malaking halaga para mabili ang mga gusto ko, napapasaya naman niya ako na hindi mo nabigay sa mahabang panahon na pagsasama natin! Kung tingin mo materyal na bagay ang kailangan ko, umuwi ka na lang sa bahay mo!” bulyaw nito sa kaniya saka siya padabog na pinagsarhan ng pinto.
Doon tila tumigil ang mundo niya. Paulit-ulit na tumakbo sa isip niya ang mga katagang ipinamukha sa kaniya ng dalagang minamahal niya dahilan para ganoon na lang siya maluha.
Agad siyang dumiretso sa kaniyang kaibigan at doon siya naglabas ng sama ng loob. Sabi lang nito, “Ganoon talaga, pare, nalalaman natin ang tunay na halaga ng isang bagay kapag wala na,” na lalo niyang ikinalungkot.
Tuluyan niya ngang pinalaya ang dalagang iyon na madalas niyang makitang masaya sa piling ng bagong kasintahan. Mga wagas na ngiting hindi niya pa nakikita sa labi nito simula nang sila’y magsama.