Nais nang Magkaanak ng Kaibigan ng Dalagang Ito, Tanggapin Niya kaya ang Alok nitong Magkaanak sa Kaniya?
“Mariel, alam mo naman kung gaano ko kagustong magkaanak, hindi ba?” sambit ni Jojo sa matalik na kaibigan, isang tanghali matapos niyang magtanghalian sa bahay nito.
“Oo naman, Jojo. Nag-aaral pa lang tayo, walang araw na hindi mo kinukwento sa akin ang mga plano mo para sa magiging anak mo. Daig mo pa nga ang isang babaeng katulad ko sa pagpapantasya tungkol sa mga sanggol!” patawa-tawang sagot ni Mariel habang naghuhugas ng kanilang mga pinagkainan.
“Oo nga, eh. Kaya lang kasi, tatlumpung taong gulang na ako, wala pa rin akong mahanap na nobya. Natatakot ako na baka hindi na ako makabuo ng bata kapag naghintay pa ako sa dalagang para sa akin,” kwento nito na kaniyang pinagtaka.
“Anong ibig mong sabihin?” kunot-noo niyang tanong habang tinititigan niya ang mga mata nito.
“Pupwede bang dalhin mo sa sinapupunan mo ang anak ko? Babayaran kita, sasagutin ko ang dayalisis ng tatay mo, at ibibili kita ng kahit anong gusto mo, basta pumayag ka lang,” alok nito na ikinatawa niya.
“Kadiri ka naman! Ano, maglalambing-lambingan tayo? Hindi ka ba nasusuka?” tanong niya pa rito.
“Sige na, parang awa mo na. Desperado na talaga ako at ikaw lang ang alam kong makakatulong sa akin!” pagpupumilit nito.
“Ay, naku, naaalibadbaran ako sa’yo! Umuwi ka muna sa inyo!” bulyaw niya rito nang nakaramdam siya nang pagkahiya dahilan para agad niya itong itulak palabas ng kaniyang bahay.
“Pag-isipan mo, ha?” huling sambit nito bago niya ito tuluyang pagsarhan ng pintuan at huminga nang malamin dahil sa mga sinabi nito.
Kapatid ang turing ng dalagang si Mariel sa kababata niyang si Jacob. Simula pa kasi noong siya’y walong taong gulang, ito na ang kasama niya sa lahat ng bagay. Kasama niya ito sa pagpasok sa eskwela, pagbibisikleta tuwing hapon at marami pang aktibidades na ginagawa ng isang pangkaraniwang bata dahilan para ganoon niya na lamang ito lubusan makilala at pagkatiwalaan.
Sa katunayan, hanggang sa tumuntong sila sa kolehiyo, palagi pa rin silang magkasama ngunit hindi sila sabay na nakapagtapos dahil siya’y natigil sa pag-aaral noong ikalawang taon niya sa kolehiyo dahil sakit ng kaniyang ama. Kahit na magkahiwalay na ang landas nila noong mga panahon iyon, hindi pa rin natigil ang kanilang pagkakaibigan. Habang siya’y nasa trabaho at nag-aaral naman ang naturang binata, gumagawa pa rin sila ng paraan upang makapagkasiyahan.
Hanggang sa makapagtapos na ito ng pag-aaral at makakuha ng maganda trabaho, hindi pa rin siya kinalimutan nito bagkus palagi pang pinapalakas ang loob niya sa mga paghihirap na kaniyang nararanasan.
Kaya naman, ganoon na lang siya nakaramdam ng pag-aalinlangan nang alukin siya nito ng isang bagay na ginagawa lamang ng mag-asawa. Hindi niya lubos maisip na kasama niya ang binatang iyon sa isang romantikong gawain at nais pa nitong siya’y mabuntis.
Nang araw na ‘yon, agad siyang naghilamos upang magising ang kaniyang diwa at nagpatuloy sa paghuhugas ng pinggan. Wala pang ilang minuto, tumunog naman ang selpon niya dahil sa tawag ng kaniyang kapatid.
Ngunit ang maganda niyang bati rito ay agad na napalitan nang lungkot nang ibalita nitong ubos na ang perang ipinadala niya at may dinagdag pang gamot sa kaniyang ama dahil sa lumalala nitong kalagayan.
“Ate, baka may naiisip kang raket d’yan, isalba mo si tatay,” iyak ng bunso niyang kapatid na talagang dumurog sa puso niya.
Isa lang ang agad na pumasok sa isip niya noong pagkakataong iyon at ‘yon ay ang alok ng matalik niyang kaibigan. Hindi na siya nagdalawang-isip dahil para naman ito sa kaniyang pamilya. Agad niyang tinawagan ang kaibigan at sinabing siya’y pumapayag na.
Agad itong nagpunta sa inuupahan niyang bahay at doon na nga siya sinipingan ng naturang binata.
Katulad ng pangako nito, sinagot nga nito ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang ama simula sa gamot hanggang sa bill ng ospital na labis niyang ikinatuwa at ikinapasalamat.
Sinunod na ng binata ang pag-aalaga sa kaniya at sa kaniyang pinagbubuntis na labis na nagpalambot sa puso niya. Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nagsilang ng isang batang lalaki na labis nilang ikinatuwa.
“Jojo, parang hindi ko kayang makitang ikaw lang ang nag-aalaga sa anak ko,” sambit niya matapos niyang masilayan ang bagong silang na sanggol.
“Gusto mo bang pakasalan kita para tayong dalawa na ang mag-alaga sa kaniya?” nakangiting sambit nito na agad niyang sinang-ayunan dahilan para siya’y wagas na yakapin nito.
Isang taon lang ang lumipas, siya nga’y pinakasalan nito at wala nang mas sasaya pa sa kaniya na makitang ang lalaking kasama niya buong pagkabata ay ang lalaking makakasama niya pa rin habambuhay.