Inday TrendingInday Trending
Ipinapabenta sa Lalaking Ito ang Isang Bata, Nanlambot ang Puso Niya nang Kausapin Siya Nito

Ipinapabenta sa Lalaking Ito ang Isang Bata, Nanlambot ang Puso Niya nang Kausapin Siya Nito

“Pare, wala ka bang ipapabenta ngayon sa akin? Walang-wala na ako ngayon, eh. Hindi pa nga ako kumakain ng pananghalian hanggang ngayon,” daing ni Ruben sa nag-iisang kumpare, isang tanghali nang mapadpad siya sa bahay nito kakahanap ng maaaring pagkakitaan.

“Aba syempre, mayroon, pare. Ako pa ba mawawalan ng ipapabenta sa’yo? Pero bago ‘yan, halika, kumain ka muna rito sa loob!” yaya nito saka agad siyang hinandaan ng pagkain.

“Ano ba ‘yong ipapabenta mo? Sana naman, madaling maibenta ‘yan. Mamayang gabi na kasi ang pinangako kong araw sa pinag-utangan ko, eh,” hiling niya pa dahilan para matawa ito.

“Medyo mahirap ibenta ‘to, pare, eh. Pero bibigyan muna kita ng pera pangbayad doon,” wika nito saka tinuro ang batang tulog sa katapat nilang papag na labis niyang ikinagulat.

“Ano, ibebenta ko ang batang ‘yan?” paninigurado niya.

“Oo, pare, sumama lang ‘yan sa misis ko nang minsan siyang mapadpad sa Maynila, eh, wala naman kaming ipapakain d’yan kaya, ikaw na bahala, ha? Marami namang hindi nagkakaanak ngayon, doon mo sa kanila ibenta ‘yan,” paliwanag nito na ikinabuntong-hininga niya.

“Pare, mukhang hindi ko kayang…” pag-aalinlangan niya ngunit agad nang sumabat ang asawa nitong kakalabas lamang ng banyo.

“Kaya mo ‘yan! Ikaw pa ba? Dalian mo na kumain d’yan bago pa magising ‘yang bata,” sambit ng asawa nito sabay bigay sa kaniya ng prutas pampalubag-loob.

Ang pagbebenta ng kung anu-anong bagay ang tanging pinagkakakitaan ng lalaking si Ruben na wala nang ni isang pamilyang nasasandalan sa buhay. Nililibot niya araw-araw ang kanilang barangay upang makalikom ng mga lumang bagay na pupwede niyang ibenta sa junkshop.

Kapag suswertehin naman, nakakahanap siya ng mga bagay na kaya pang pakinabangan dahilan para ito’y mabenta niya sa mga tao nang higit na mas malaking halaga kaysa sa mga kalakal na binebenta niya sa junkshop.

Sa ganitong paraan, nagagawa niyang makabili ng sarili niyang pagkain at mga personal na pangangailangan katulad ng sabon, shampoo, at marami pang iba.

Kaya lang, hindi araw-araw ganito ang sitwasyon ng buhay niya. May mga araw na kahit ni isa, wala siyang nalilikom na kalakal at dahil wala siyang pera, siya’y nagtitiis na lang sa gutom o magmamakaawa sa nag-iisang kumpare niyang nakakaalala pa sa kaniya.

Nang araw na ‘yon, habang siya’y tahimik na kumakain, hindi niya magawang tingnan ang tulog na batang mayamaya lang ay ibebenta na niya. Hindi kaya ng konsensya niyang gawan ng masama ang musmos na batang ito na kamukhang-kamukha ng bunso niyang kapatid noong kabataan nila.

Mayamaya pa, tuluyan na siyang pinaalis ng asawa ng kumpare niyang ito. Habang buhat-buhat niya ang naturang batang nasa edad walo, hindi siya makapag-isip nang matino. Pangamba niya habang naglalakad sa initan bitbit ang bata, “Tama ba itong ginagawa ko? Gusto ko lang namang may makain sa araw na ito, kailangan ko ba talagang ipagbili ang batang ito? Kanino ko naman ito ibebenta? Baka mahuli ako ng mga pulis at makulong pa ako!”

Wala pang ilang minuto siyang naglalakad, bigla nang nagising ang batang buhat niya dahil sa init ng araw.

“Ikaw na ba ang totoo kong tatay?” nakangiting tanong nito saka siya mahigpit na niyakap, “Masaya akong may tao nang mag-aalaga sa akin. Natatakot na akong mapunta sa iba dahil sinasaktan ako ng mga taong nakikilala ko,” dagdag pa nito na ikinatunaw ng puso niya.

Dito na siya mas lalong naguluhan. Hindi siya agad makapagdesisyon kung dapat niya itong ibenta para siya’y magkaroon ng perang pangkain o isasama niya ito sa miserableng buhay na mayroon siya.

Tahimik lang siyang umupo sa isang bato katabi ng naturang bata.

“Kahit na mahirap ang buhay mo, isama mo ako, ha? Pakiramdam ko kasi mabait kang tao,” sambit pa nito saka hinila ang labi niya upang siya’y mapangiti na kaniyang ikinatawa, “Masyado kang malungkot, tatay, gusto mo bang maghabulan tayo?” yaya nito na ikinagulat niya.

“Ano’ng tawag mo sa akin?” tanong niya rito.

“Tatay!” masiglang sagot nito, “Ikaw na ang tatay ko simula ngayon! Tatay kong mabaho!” biro pa nito saka tumakbo palayo kaya agad niya itong hinabol at sila’y labis na nagtawanan.

Unang beses niyang makaramdam ng ganoong klaseng saya. Kaya naman, noong oras na ‘yon, kahit hindi niya alam kung paano bubuhayin ang naturang bata, nagdesisyon na siyang ituring ito na sarili niyang anak at ipagbigay alam ito sa kaniyang kumpare na agad namang pumayag nang ipangako niyang siya’y magbabayad ng utang.

Dahil nga mayroon na siyang binubuhay na bata, nagdoble-kayod siya para mapakain ito. Tila ito ang naging swerte niya dahil marami ang natutuwa sa pagkabibo nito na nagbibigay sa kanila ng makakain.

Kinukwento pa nito sa mga taong nakakausap nito kung gaano siya kabuti at kasipag na ama na talaga nga namang humaplos sa puso ng mga tao at sila’y tinulungan. May isang ginang pang nagbigay ng trabaho sa kaniya na labis niyang ikinatuwa at naging dahilan kaya siya nakawala sa kaniyang mga pagkakautang.

“Salamat sa Diyos, tama ang ginawa kong desisyon. May nakakain na ako sa araw-araw, mayroon pa akong anak na nagpapawi sa pagod ko sa mundong ito,” nakangiti niyang bulong sa hangin habang nakikipaglaro ang naturang bata.

Advertisement