Inday TrendingInday Trending
Hindi Nila Pinaniwalaan ang Talento ng Kaklaseng May Kapansanan; Nagulat Sila sa Ipinakita Nito

Hindi Nila Pinaniwalaan ang Talento ng Kaklaseng May Kapansanan; Nagulat Sila sa Ipinakita Nito

Hindi maiwasan ni Kathleen na mapahagikhik nang marinig niya ang tawanan ng mga kaklase. Sa harap nila ay nakatayo ang isang bagong estudyante. Sa unang tingin pa lang ay napansin niya na kaagad ang kaibahan nito sa kanila.

Kung ang daliri kasi ng isang normal na tao ay sampu, napansin niya na anim lamang ang bilang ng daliri nito!

“Ako si Marlyn. Para sa mga nagtataka, dahil sa komplikasyon noong pinagbubuntis pa lamang ako ay anim lang ang daliri ko. Sana ay maging kaibigan ko kayo!” pagpapakilala nito.

Agad na umugong ang bulungan ng klase.

“Hala, abnormal!”

“Nakakatakot naman ang itsura ng kamay niya!”

“Ayokong makipagkaibigan diyan!”

Samu’t saring komento pa ang ibinato rito ng kaniyang mga kaklase. Natigil lamang ang mga ito nang magsaway ang kanilang guro.

“Marlyn, maupo ka na,” utos pa nito sa bagong estudyante.

“Class, magkakaroon ng contest sa pagpipinta. Ang mananalo ay gagawing pambato ng eskwelahan. Mayroon ba sa inyong gustong sumali?” maya maya ay pagbabalita ng kanilang guro.

Napangiti siya. Sa wakas, dumating na rin ang araw na pinakahihintay niya. Siya kasi ang nanalo sa parehong patimpalak noong nakaraang taon. Halos sigurado na siya na siya muli ang mapipili upang magrepresenta sa kanilang paaralan.

Nakangiting nagtaas siya ng kamay.

Narinig niya naman ang papuri ng kaniyang mga kaklase.

“Naku, magaling ‘yan si Kathleen!”

“Siguradong siya ang mapipili!”

“Siya rin ang lumaban noong nakaraang taon, hindi ba?”

Tinanguan siya ng kanilang guro. “May iba pa bang gustong sumali?” tanong nito.

Inilibot niya ang tingin. Walang kahit na isang nagtaas ng kamay.

Kontento siyang napangiti. Sabagay, sino nga naman ba ang kayang pumantay sa talento niya?

Nagulat siya nang muling magsalita ang kanilang guro.

“Marlyn, sasali ka rin? Mabuti ‘yan para may mga makilala ka pa sa eskwelahan natin,” anito sa bagong estudyante.

Matalim ang tingin ang ibinato niya kay Marlyn. Ang lakas ng loob nitong kalabanin siya!

“Baka nga hindi niya mahawakan nang maayos ang paint brush eh,” nakairap na bulong niya.

Napangisi siya nang marinig ang komento nang iilan sa mga kaklase nila.

“Pwede ba siya sumali? Baka lalo lang mabawasan ang daliri niya!”

“Dapat hindi na siya sumali! Baka matakot lang sa kaniya ‘yung ibang mga kasali!”

Nang muli niyang sulyapan ang bagong kaklase ay tahimik lamang itong nakayuko sa mesa nito.

“Sa Biyernes ang contest. Magdala kayo ng sarili niyong kagamitan sa pagpipinta,” bilin ng kanilang guro bago ito nagpaalam.

Nang masiguro niya na nakaalis na anga kanilang guro ay inis na nilapitan niya ang kaklase.

“Sigurado ka ba na kaya mo akong labanan? Bilang pa lang ng daliri, talo ka na!” inis na asik niya rito.

Umani iyon ng malakas na tawanan mula sa mga nakarinig.

“Gusto ko lang naman subukan. Mananalo at mananalo naman kung sino ang mas magaling,” malumanay na tugon nito, na mas lalo niyang ikinainis.

“Ako ang pinakamagaling dito. Sisiguraduhin ko na mapapahiya ka!” nakangising pananakot niya bago siya nagmartsa palayo.

Sumapit ang araw ng contest. Gaya ng inaasahan niya ay bumuhos ang suporta ng kaniyang mga kaklase.

Pinagtatawanan naman nila ang bagong estudyanteng si Marlyn. Wala sa kanila ang naniniwala na kaya nito manalo sa contest.

Nang makapasok siya ng silid kung saan sila magpipinta ay nakampante na siya. Hindi lalampas ang bilang ng mga kasali. Karamihan doon ay mga kasali na tinalo niya na noong nakaraang tanong.

Halos nakasisiguro na siya na siyang muli ang mananalo.

“Mayroon kayong dalawang oras para magpinta ng kahit na anong gusto niyo. Siguraduhin niyo na magugustuhan ng mga hurado ang gawa niyo. Pwede na kayong magsimula,” paalala ng gurong tagapangasiwa.

Nang mga sumunod na oras ay ibinuhos niya ang kaniyang atensyon sa pagpipinta. Dagat ang napili niyang ipinta. Iyon kasi ang paborito niyang tanawin. Madalas niya ‘yun ipinta, kaya naman wala pang dalawang oras ay tapos na siya at nagliligpit na ng kaniyang mga gamit

Bago niya ipasa ang kaniyang obra ay dinaanan niya pa si Marilyn na seryosong-seryoso sa ginagawa nito.

Tumaas ang kilay niya nang makita na dagat rin ang napili nitong ipinta.

“‘Wag ka na mag-abala pa. Ako na ang mananalo!” bulong niya pa rito bago siya tuluyan itong tinalikuran.

Kampante siya na siya ang mananalo!

Kaya naman kinabukasan nang dumating siya ay ipinagtaka niya ang katahimikan na sumalubong sa kaniya. Nabalitaan niya na kasi na lumabas na raw ang pangalan ng nanalo sa contest.

Bago pa man siya makapag-usisa ay pumasok na ang kanilang guro. Labis niyang ikinabigla ang sunod na sinabi nito.

“Class! I-congratulate natin si Marlyn. Siya ang nanalo sa contest!” nakangiting bulalas nito. Tila proud na proud ito.

Nang ipakita sa kanila ang obra nito ay hindi niya maiwasang magalit. Sunod-sunod na papuri ang natanggap ni Marlyn.

“Ang ganda, grabe!”

“Ang galing pala ni Marlyn!

“Maganda rin ang ginawa ni Kathleen, pero mas nagustuhan ng mga hurado ang ginawa ni Marlyn,” paliwanag nito.

Napatayo siya.

“Ma’am, dagat din naman ang pininta ko, hindi ba? Bakit si Marlyn ang nanalo?” inis na usisa niya habang palipat-lipat ang tingin niya sa pininta niya at ng kaklase.

“Mas maganda ‘yung kay Marlyn, eh. ‘Yung sa’yo, oo, maganda, pero simpleng dagat lang. Pero ‘yung kay Marlyn, dagat lang pero mararamdaman mo ‘yung lungkot at pangungulila,” komento ni JP, isa sa mga kaklase nila.

Narinig niya ang pagsang-ayon ng kanilang mga kaklase.

Hindi nakapagsalita si Kathleen. Pero nang masdan niya ang obra ni Marlyn ay naramdaman niya ang emosyon na sinasabi ni JP.

“Marlyn, may gusto ka bang sabihin?” udyok ng kanilang guro.

Tumango ito bago nag-aalangang tumango.

“Salamat at nagustuhan niyo. Sa totoo lang, tama ‘yung sinabi ni JP. ‘Pag nakakakita ako ng dagat, lungkot, at pangungulila ang nararamdaman ko. Nawala kasi sa amin ang kapatid ko noon dahil nalunod siya noong minsan na nagpunta kami sa dagat.”

Hindi maiwasan ni Kathleen na malungkot sa trahedya na sinapit ng pamilya ng kaklase. May malalim pala itong inspirasyon sa pagpinta.

“Pero matagal na ‘yun. Hindi ko lang talaga maiwasang maalala kung minsan. Gusto ko lang din sabihin na hindi porke may kapansanan ay wala nang kakayahan. Gusto ko lang din ng normal na buhay, magkaroon ng mga kaibigan, at maging masaya sa eskwelahan,” mahabang litanya nito.

Sa sinabi ni Marlyn ay may napagtanto si Kathleen. Hindi nga naman talaga tama na hinusgahan niya si Marlyn dahil may kapansanan ito.

Kahit na hindi ito kagaya ng karamihan ay may karapatan ito mamuhay nang masaya at maligaya.

Nang umalis ang kanilang guro ay nilapitan niya si Marlyn. Hindi upang apihin ito, kundi upang humingi ng tawad.

Inilahad niya ang kamay rito, tanda na tinatanggap niya ang kaniyang pagkatalo.

“Marlyn. Sorry, ha. Tinawanan ko ang kaya mong gawin dahil lang iba ka kaysa sa’kin. Magaling ka, at ‘wag mo pakinggan ang sinasabi ng iba,” paghingi niya ng paumanhin sa kaklase.

Isang ngiti ang isinukli nito bago tinanggap ang kamay niya.

Nahihiyang ngiti ang ibinato niya sa kaklase. Napahiya man siya sa kaklase ay naging masaya naman siya sa kinahinatnan ng lahat. Natutunan niya na kilalanin ang talento at kwento ni Marlyn, na bagaman may kapansanan ay patuloy ang paglaban at pagharap sa panghuhusga ng mga nakapaligid dito.

Advertisement