Itinago ng Binata ang Lihim Niyang Pagkatao; Matanggap Kaya Siya ng Kaniyang Pinakamamahal na Pamilya?
“Mama, eto po. Pambayad sa tubig, tapos ito, sa kuryente. ‘Yung sa tuition ni Junjun, pag-iipunan ko muna,” tuloy-tuloy na wika ni Jeron habang inaabot sa kaniyang ina ang perang kinita.
“Ano ka ba naman, anak? ‘Wag na! Wala ka na yatang tinitira sa sarili mo!” agarang pagtanggi nito.
“Hindi na po, Mama. Tanggapin mo na. Nahihiya nga po ako at ito lang naibibigay ko sa inyo. Alam ko naman na simula noong mag-asawa sina Ate at Kuya eh hindi na sila nakakapag-abot sa inyo,” tugon niya sa ina habang pinagpipilitan dito ang pera.
Hindi naman siya hinihingian ng kaniyang mga magulang ngunit alam niyang nahihirapan ang mga ito sa pera. Gusto niyang makatulong sa mga ito kahit sa maliit na paraang alam niya.
“Sige, anak. Pero syempre, kailangan mo ring magtabi para sa sarili mo, ha. Kailan mo ba balak maghanap ng makakasama sa buhay? Ipakilala mo sa amin at ipagluluto ko ng paborito niya. Gusto ko na humanap ka ng taong magpapasaya sa’yo, anak,” nakangiting untag ng kaniyang ina.
Unti-unting napawi ang ngiti sa kaniyang labi sa sinabing iyon ng kaniyang ina. Bumilis ang tibok ng kaniyang dibdib at lumikot ang kaniyang mga mata.
“Mama, kapag may kailangan po kayo, tawagan niyo lang ako. Pasok na po ako sa trabaho,” mabilis pa sa alas kwatrong pagpapaalam niya.
Hanggang sa paglabas niya ng bahay ay malakas pa rin ang kabog ng kaniyang dibdib. Lahat ng kaniyang mga kapatid maliban sa bunso ay mayroon nang mga asawa, nobyo, o ‘di kaya ay nobya samantalang siya ay puro trabaho lamang ang inaatupag.
Alam niya ang dahilan kung bakit. Sa likod kasi ng malaki niyang pangangatawan at baritonong boses ay nagtatago ang tunay niyang pagkatao.
Ang totoo ay pusong babae siya. “Jessa” ang tawag sa kaniya ng mga nakakaalam ng sikreto niya.
Ang problema ay hindi niya ito masabi-sabi sa pamilya niya sa takot na magalit ang mga ito sa kaniya. Kaya kahit ni isang beses ay hindi niya tinangkang sabihin sa mga ito ang totoo. Nagtrabaho siya para sa mga ito para naman balang-araw ay hindi maisip ng mga ito na wala siyang kwenta at isa siyang kahihiyan.
“Hoy, Jessa, ano na naman bang iniisip mo? Kanina ka pa tulala!” untag ng kaibigan niyang si “Rica” o “Ricardo” sa tunay na buhay.
Ito pinakamatalik niyang kaibigan at ito nakakaalam ng lahat ng problema niya sa buhay, kasama na ang pinakatatago-tago niyang lihim. Binanggit niya rito ang sinabi ng kaniyang ina.
“Ano kaya kung sabihin mo na? Tingin ko ‘di naman magagalit ang pamilya mo. Subukan mo lang. Kaysa naman lagi kang takot na takot sa tuwing may mababanggit sila, ‘di ba? Wala ka namang ginagawang masama,” payo nito.
Alam niya na may punto ito ngunit isipin pa lang niya ay parang nanlalambot na siya sa takot. Syempre, mahal niya ang kaniyang pamilya kaya kung hindi matatanggap ng mga ito ang tunay niyang pagkatao ay masasaktan talaga siya nang husto.
Pinag-iisipan niya ang sinabi ni Rica nang may sumigaw mula sa labas.
“O Jessa at Rica, mamaya na ‘yan at magtrabaho na muna kayo. Magbihis na kayo!”
Nagtatrabaho sila bilang host at singer sa isang mamahaling bar. Malaki ang bayad at mababait ang mga kustomer nila kahit na minsan ay hindi maiwasang may pailang-ilang nagagalit kapag nalaman na hindi sila tunay na babae.
Nakakalungkot man, alam niya na hindi naman maiiwasan iyon, lalo pa’t tinanggap niya nang hindi lahat ng tao ay matatanggap siya.
Suot ang makintab na damit, makapal na make-up, at pekeng buhok ay nagsimula na sila sa pagkanta.
Lumalalim na rin ang gabi kaya dumarami na ang mga tao. Maraming nagre-request ng kantang gusto nila at mukhang natutuwa naman ang kanilang audience.
Ayos na sana ang takbo ng lahat nang may isang lasing na lalaki ang nagalit sa isa nilang waitress. Agad-agad siyang lumapit para sumaklolo.
Subalit sa kapipiglas ng galit na kustomer ay nahulog ang kaniyang wig. Nang magkatinginan sila ng lalaki ay agad siyang namutla. Madilim sa loob ng bar subalit hindi siya maaring magkamali. Kilala niya ang lalaki!
“Teka? Kilala kita, ah!” anito habang pilit na kinikilala ang mukha niyang balot ng makapal na make-up.
Ang lalaki ay walang iba kundi ang kinakapatid niyang si Marvin, anak ng kaniyang Ninong Roger, na malapit ng kaibigan ng kaniyang ama!
“Jeron? Dito ka pala nagtatrabaho?” nakangising pahayag nito habang sinusuyod siya ng tingin.
Nanlamig siya sinabi nito.
“B@kla ka pala? Alam ba ‘yan ng Tatay mo? Grabe, nakakahiya!” mapang-uyam na komento nito.
Nanlalambot man ay sinundan niya ito hanggang sa labas.
Halos magmakaawa siya na ‘wag nitong sabihin sa Papa niya ang natuklasan ngunit dahil likas na mayabang ang lalaki ay tumawa lamang ito at diretsong sumakay sa taxi na dumaan. Walang ibang magawa si Jeron kundi ang lumuha. Sigurado siya na mabubunyag na ang kaniyang lihim.
Hindi nga siya nagkamali. Nang umuwi siya ay naabutan niyang nag-iinuman ang kaniyang ama, ang kaniyang Ninong Roger, at si Marvin, na malaki ang pagkakangisi sa kaniya.
“Anak, halika at sumali ka sa amin. Narito ang Ninong Roger mo,” agad na paanyaya ng kaniyang ama.
Kabado siyang umupo sa tabi ng mga ito. Iinumin niya na sana ang tagay na para sa kaniya nang magsalita si Marvin.
“Tito, ‘wag po kayong magugulat, pero b@kla po si Jeron! Nakita ko siya kagabi, nakabihis babae at ang kapal ng kolorete sa mukha. Kung kayo po ang nandoon, baka magtago kayo sa kahihiyan,” walang gatol na pahayag ni Marvin.
Hindi agad nakapagsalita ang Papa niya. Narinig niya naman ang matigas na pagsaway ng kaniyang Ninong sa anak nito.
Pumikit siya nang mariin. Luluhod na sana sa harap ng ama para humingi ng tawad nang bigla itong magsalita.
“Bakit ko naman ikahihiya ang anak ko? Ang anak ko, kahit kailan ay hindi kami pinabayaan. Nagtrabaho at nagsikap ‘yan para sa amin. Bakit ko ikakahiya ang masipag kong anak na walang ibang inisip kundi kaming pamilya niya? Hinding-hindi ko ikahihiya ang anak ko, kahit na ano pa siya!” galit na bwelta nito kay Marvin.
Dismayado nitong hinarap ang kumpare.
“Pareng Roger, pasensya ka na pero hindi ko gusto na may bumabastos sa anak ko sa harap ko mismo. Pagsabihan mo ang anak mo na masyadong masama ang tabas ng dila,” anito sa ninong niya, na halatang hiyang-hiya sa inasta ng anak nito.
Abot-abot ang paghingi nito ng pasensya sa kanilang mag-ama.
Nang makaalis ang mga ito ay naluluhang tinawag niya ang ama.
“Papa, totoo po ba ang lahat ng sinabi mo? Tanggap mo kung ano ako?”
Ngumiti ito. “Matagal na naming alam ang lihim mo, anak. Aksidenteng nakita namin ang lugar kung saan ka nagtatrabaho pero wala kaming sinabi gusto namin na sa’yo mismo manggaling. Walang nakakahiya roon, anak. Basta’t wala kang tinatapakang tao at masaya ka, pwede kang maging kung sinumang gustuhin mo.”
Lumuluhang niyakap niya ang ama. Ang mabigat na nakadagan sa kaniyang puso sa loob ng matagal na panahon ay tuluyan nang nawala ngayong lumabas na ang totoo.
Napatunayan ni Jeron na tunay na walang tutumbas sa pagmamahal at pagtanggap ng sarili nating pamilya.