Nilait-lait Niya ang Matabang Babae sa Gym; Nagulat Siya nang Malaman Kung Sino Ito

“Sorry, may boyfriend na ako, hindi ko pinamimigay ang number ko.”

Pinigilan ni Mindy ang mapangiti nang sa ikalimang pagkakataon ay may lalaking humingi ng number niya. 

Hindi na bago iyon sa kaniya dahil bilang isang gym instructor, isa sa mga asset niya ang pagiging sexy. Dumagdag pa ang maganda niyang mukha. Kaya na gustong-gusto niya ang trabaho niya. Pakiramdam niya kasi ay bagay na bagay iyon sa kaniya.

Pero sorry nalang sa mga kalalakihan, dahil nakareserba na ang puso niya para sa nag-iisang tao lamang. 

Napangiti siya nang malapad nang sa wakas ay dumating na ang lalaking nagpapasikdo ng kaniyang puso.

“Good morning, Sir Gabriel,” matamis ang ngiting bati niya sa lalaking dumating.

“Good morning, Mindy,” ganting bati naman nito.

Pareho silang gym instructor sa gym na iyon, na pag-aari rin ng lalaki. Unang kita pa lang niya sa lalaki ay nahulog na ang loob niya rito. Bukod kasi sa napakakisig nito ay napakabait pa!

Advertisement

Subalit tila kay ilap ng lalaki. Makailang beses na siyang nagpapalipad hangin dito, subalit parang wala itong interes sa kaniya.

Mukhang wala rin naman itong interes sa mga naggagandahang babae na talaga namang nag-eenroll pa sa gym na iyon para lang masilayan si Gabriel.

“Pwede bang si Gabriel ang instructor ko?” naulinigan niyang tanong ng isang babae sa receptionist nila na si Gigi.

Bago pa man ito makasagot ay nakasabit na siya.

“Ma’am, fully booked kasi si Sir Gabriel ngayong buwan. Pero instructor din ako, at available ako. Baka gusto mong ako na lang ang maging instructor mo?” nakangiting suhestiyon niya sa babae, kahit ang totoo ay nanggagalaiti siya.Masyadong marami ang karibal niya kay Gabriel! Kung hindi siya kikilos ay maaagaw talaga ito sa kaniya!

Kagaya ng inaasahan niya ay umasim ang mukha nito. Hindi na siya nagulat nang hayagan siyang irapan ng babae.

“Ayoko sa’yo. Kung wala si Gabriel, babalik na lang ako sa susunod,” tahasang pagtanggi nito.

Tagumpay na napangiti siya nang nagdadabog na umalis ang babae.

Advertisement

“Ma’am Mindy, available pa naman si Sir Gabriel, bakit mo pinaalis ‘yung babae?” takang tanong nito.

“Ayaw ni Sir Gabriel ng maarte na kliyente,” pagdadahilan niya na lang. Mukha namang kumbinsido ito.

Nang sumapit ang tanghali ay isang maganda ngunit may-katabaang babae ang dumating. Iyon ang unang beses na nakita niya ang babae.

Agad na tumaas ang kilay ni Mindy bago sinipat ang babae mula ulo hanggang paa. Mukhang mayaman ang babae base sa damit, bag, sapatos, at mga alahas na suot nito.

Pinigilan niya na matawa nang kausapin ito ni Gigi.

“Ma’am, magpapa-member po ba kayo?” magalang na tanong ng receptionist.

Umiling ito.

“Miss, si Gabriel?” usisa nito.

Advertisement

Agad na naagaw nito ang atensyon niya. Mukhang isa na naman ito sa mga babaeng pinapangarap na makuha si Gabriel!

“Ma’am, bakit mo hinahanap si Sir Gabriel?” hindi napigilang sabat niya.

“Yayayain ko sana siya na mag-lunch,” sagot nito.

Tuluyan niya nang pinagtaasan ng kilay ang babae. “Busy siya, eh. May mga kliyente kami sa loob.”

Ngumiti ang babae. “Pwede ba akong maghintay sa office niya?”

“Sino ka ba, Ma’am? Hindi kami basta-basta nagpapapasok sa loob,” mataas ang boses na asik niya sa babae, dahilan upang makaagaw sila ng atensyon.

“Ako ang girlfriend ni Gabriel,” tila nahihiyang sagot nito.

Napahagalpak siya ng tawa sa sinabi ng babae.

Advertisement

“Mindy, tama na ‘yan,” saway ng isa sa mga regular nilang kliyente. 

“Ikaw? Girlfriend ni Gabriel? Nakikita mo ba ang sarili mo? Sa tingin mo papatulan ka ni Gabriel? Alam mo ba na ang dami-daming nagkakagusto sa kaniya? Magaganda at sexy. Eh eto pa nga lang yata ang unang apak mo sa gym, eh!” nang-uuyam na banat niya, bago muling napahalakhak.

Ang babae naman ay tila hiyang-hiya na nakayuko lamang. Narinig niya ang mahinang paghikbi nito.

Natigil lamang siya sa pagtawa nang marinig niya ang tila dumadagundong na boses ni Gabriel.

“Ano’ng nangyayari rito?” 

Nilingon nito ang babae. “Babe, bakit ka umiiyak?” nag-aalalang usisa nito sa babae.

Dahil hindi makapagsalita ang babae, ang receptionist ang nagkwento rito ng buong pangyayari. 

Si Mindy na kanina lang ay malakas ang halakhak ay tila natulos sa kinatatayuan niya.

Advertisement

“G-girlfriend mo siya, S-sir Gabriel?” nauutal na usisa niya sa lalaking matalim ang tingin sa kaniya.

“Oo. Bakit? Bakit mo binastos nang ganoon ang girlfriend ko, Mindy?”

“S-sir, akala ko kasi hindi siya nagsasabi ng totoo. Kasi mataba siya, hindi siya nababagay sa’yo!” pilit na pagpapaliwanag niya.

Tila mas lalo lamang nagalit ang lalaki sa tinuran niya.

“Sino ka para sabihin kung sino ang nababagay sa akin?” galit na bulyaw nito habang pinapatahan ang nobya nito na umiiyak pa rin.

Hiyang-hiya si Mindy, lalo pa’t may mga nakasaksi ng buong pangyayari. Kitang-kita niya sa mukha ng mga ito ang pagkadismaya.

“Nakaka-disappoint ka, Mindy. Dahil lang hindi siyang kasingpayat mo, hiniya mo siya? Samantalang gym instructor ang trabaho mo? Tandaan mo ‘to, wala ka sa kalingkingan ng babaeng mahal ko,” naiiling na wika nito, bago iginiya ang nobya nito papasok sa opisina.

Naiwan si Minday na tulala at hiyang-hiya sa nangyari.

Advertisement

Dahil sa nangyari ay lumabas rin ang mga reklamo kay Mindy tungkol sa “pambabakod” niya umano kay Gabriel. Napatunayan na maraming kliyente ang nawala dahil lamang hinaharang niya ang mga babaeng kliyente na nais lumapit kay Gabriel. Sa huli ay wala siyang nagawa kundi ang mag-resign sa trabaho.

Labis ang pagsisisi ni Mindy. Dahil sa sama ng kaniyang pag-uugali, hindi niya inakala na sa isang iglap lang ay mawawala ang lahat sa kaniya – ang trabaho at ang taong pinakamamahal niya!