Iniisip ng Binata kung Matatanggap ng Kaniyang Pamilya kung Dalagang Ina ang Magugustuhan Niya, Nagulat Siya sa Sagot ng mga Ito
Bente anyos si John noong nagdesisyon siyang bumukod sa poder ng kaniyang mga magulang. Mahigpit man iyong inayawan ng kaniyang ina’t ama, walang nagawa ang mga ito no’ng sinabi niyang buo na ang kaniyang desisyon na siya’y magbubukod na ng tirahan.
Tunay na hindi madali ang mamuhay mag-isa, ngunit masasabi niyang naging matapang siya sa pagharap sa hirap ng buhay noong nasubukan niyang mamuhay na mag-isa. Paminsan-minsan ay pinupuntahan siya ng kaniyang ina upang linisin ang kaniyang apartment at lagyan ng mga pagkain ang walang laman niyang ref at minsan din ay naroon ang kaniyang buong pamilya upang makasama siyang kumain at makipag-bonding na rin.
Hindi rin siya ino-obliga ng mga magulang niya na magbigay ng pera dahil may negosyo naman ang mga ito at kung tutuusin ay barya lamang sa mga ito ang kinikita niya. Dahil lang talaga sa pagmamahal ng mga ito sa kaniya kaya hinahayaan na lamang siya ng mga ito sa gusto niya.
“‘Nak, hanggang ngayon ba’y wala ka pa ring nobya?” seryosong tanong nang kaniyang ama, habang nasa kalagitnaan sila ng hapunan.
Agad na umalingawngaw ang tuksuhan ng kaniyang apat na kapatid, na tanging malakas na tawa lamang ang kaniyang itinugon.
“Pinag-aasawa ka na nila, kuya, para hindi na sila mag-alala sa’yo kapag ikaw lang ang mag-isa rito,” ani Jinky, ang sumunod sa kaniyang babae.
“Alam mo bang hindi nakakatulog iyan si mama, hangga’t ‘di ka nagte-text na matutulog ka na? Gusto pa nga niyan na dito na lang kami palagi sa bahay mo, para mas alam niya kung maayos ka lang e,” singit naman ni James ang bunsong lalaki.
“Grabe naman,” natatawang wika ni John. “Malaki na ako, ‘ma, kaya ko na ang sarili ko.”
“Kahit na! Nanay niyo pa rin ako, kaya hindi ko talaga maiiwasang mag-alala sa inyo, kahit sabihin niyo pang malalaki na kayo’t kaya niyo na ang sarili niyo,” anang kaniyang ina.
Tumayo si John sa kinauupuan at niyakap ang kaniyang ina. “Okay lang naman ako rito sa bahay ko, kahit mag-isa lang ako.”
“Alam ko naman iyon, John,” anito. “Ang sa’kin lang naman ay wala ka pa bang balak na mag-asawa? Ilang taon ka na kaya. Trenta ka na, ‘nak, baka nakakalimutan mo. Ikaw ang pinakapanganay sa lahat, kaya dapat lang siguro na ikaw ang maunang mag-asawa,” dugtong pa nito.
Umiling si John at matamlay na ngumiti. “Kaso wala pa ring nagkakamali, mama.”
“Masyado ka naman yatang pihikan, anak, kaya ganyan. Tingnan mo ang mga kapatid mong mas bata pa sa’yo,” anito sabay turo sa apat na niyang mga kapatid na agad nagsiyukuan. “May mga nobyo’t nobya na. Ikaw kailan?”
Mahinang tumawa si John sa sinabi ng ina. “Hindi pa siguro isinisilang ang babaeng papatol sa’kin,” biro niya.
“Naku! Huwag ka kasing maging masyadong pihikan anak,” anang ina. “Ang hanapin mo’y iyong babaeng matino at mabait kahit hindi artistahin ang ganda, basta may magandang ugali at makakasundo nang lahat ay ayos na iyon.”
“Paano naman mama, kung ang mahanap kong gano’ng babae ay may anak na sa ibang lalaki, ayos pa rin ba iyon sa’yo? Matatanggap niyo pa rin ba?” nagbabakasakali niyang tanong.Wala pa naman talaga siyang babaeng nagugustuhan. Hindi pa nga siguro talaga dumadating ang babaeng magpapatibok sa puso niya. Pero gusto lamang niyang malaman ang magiging reksyon nang kaniyang pamilya, lalo na ng kaniyang ina.
Marami kasi siyang barkada na nagkagusto sa isang dalagang ina, at nagka-problema sa pamilya dahil hindi matanggap nang pamilya ang babae, dahil may anak na ito sa ibang lalaki. Kaya gusto niyang malaman kung ano ang magiging resulta kung sakaling sa kaniya naman mangyari ang ganoong sitwasyon.
“Oo naman,” walang pagdadalawang isip na sagot ng kaniyang ina. “Ang sabi ko nga sa’yo hindi ba’y maghanap ka ng babaeng mabait at mahal ka, saka matino ay ayos na iyon,” dugtong nito.
Siya naman ang nagulat sa sinabi ng ina. Ang akala niya’y sisinghalan siya nito at pagagalitan saka pagsasabihan. Ngunit kabaliktaran ang nangyari.
“B-bakit? Este, talagang ayos lang sa’yo, ma?” taka niyang tanong.
“Anong bakit?” natatawang sambit nito. “Oo nga ayos lang sa’kin kahit magmahal ka ng babaeng may anak na sa ibang lalaki, kung talagang mahal mo siya at mahal ka niya’y susuportahan ko kayong dalawa. S’yempre, hindi naman niya kasalanan kung bakit siya naging isang dalagang ina, John. Kaming mga babae, hindi naman kami basta-basta bubukaka kung hindi talaga namin mahal ang lalaki.”
“Kung nagkataon mang nabuntis siya no’ng lalaking minahal niya’t pinagbigyan niya nang lahat, hindi niya kailanman magiging kasalanan ang pagbuhay sa anak niya kahit alam niyang siya na lang mag-isa ang gagawa no’n dahil iniwan na siya ng boyfriend niyang walang bay@g! At hindi rin iyon kasalanan ng bata, kaya walang dahilan upang hindi ko sila tanggapin sa pamilya natin,” mahabang paliwanag ng kaniyang ina.
“Tama ang mama mo, anak,” sang-ayon ng kaniyang ama. “Kung ang babaeng mahal mo’y isang dalagang ina, dapat din na turuan mo ang sariling mahalin ang anak niya. Kasi hindi naman pwedeng ang nanay lang ‘yong mahal mo, dapat package iyon, hindi pwedeng isa lang. At saka hindi naman mahalaga, John, kung sino ang nauna. Ang mahalaga ay kung sino ang huli.”
“Kaya kung ang babaeng minamahal mo ngayon, John, ay isang single mom, huwag na huwag kang mag-alinlangang ipakilala siya sa’min, dahil ngayon pa lang sinasabi ko na sa’yong tanggap na tanggap namin siya ng anak niya,” nakangiting wika ng ina.
Gusto niyang maiyak sa sinabi nito. Ngayon niya mas napatunayan na ang suwerte niya talaga sa pamilya niya. Kailanman ay hindi niya naramdaman sa mga ito na nangmata ito ng ibang tao. Dahil para sa mga magulang niya, mayaman man o mahirap ay pantay-pantay ang lahat. Gusto niyang puntahan ang dalawang barkada na nagkagusto noon sa isang dalagang ina at inggitin ang mga ito sa pagkakaroon niya nang mga magulang na katulad ng mama’t papa niya.
“Ang bait niyo talaga ma at pa,” aniya saka sabay na niyakap ang dalawa. “Kung nandito lang siguro si Mark at Daryll, baka umiyak na ang mga iyon at labis na naiinggit sa’kin. Dahil kayo, walang pagdadalawang isip na handang tanggapin ang isang dalagang ina. Silang dalawa, nakipaglaban pa sila sa mga magulang nila noon, tanggapin lang nang mga ito ang babaeng mahal nila,” nakangiti niyang wika.
“Hindi naman kami gano’n ng papa mo, John,” anang kaniyang ina. “Kung sino ang mahal mo at kung masaya kayong dalawa. Masaya na rin kami para sa inyo. Kayo naman kasi ang magsasama, hindi naman kami. Nandito lang kami, taga-suporta.”
“Thank you, ma, pa,” aniya saka muling niyakap ang dalawa.
“Ano kuya, mag-aasawa ka na ba?” tuksong tanong ni Jinky.
“Baka nga mauna ka pang makapag-asawa sa’kin, Jinky,” aniya saka ginulo ang buhok ng kapatid.
“Hihintayin kong makapag-asawa ka muna. Sabi kasi ni mama, pamahiin daw iyon, kaya dapat mauna ka munang mag-asawa,” sagot pa nito.
“Tingnan mo mama, gusto na talaga ni Jinky namag-asawa.”
“Ayy! Hayaan mo siya!” baliwalang sagot ng kanilang ina.
Tumawa na lang nang malakas si John sa tinuran ng kanilang mga magulang. Nasa tamang edad na rin naman si Jinky, at alam niyang magpaalam lang ito sa mga magulang niya’y hindi magdadalawang isip na payagan na ito nang dalawa.
Ngayon alam niyang wala siyang dapat ikatakot kung sakaling isang dalagang ina o sino pa man ang babaeng mamahalin niya, dahil alam niyang tatanggapin iyon nang buong ng kaniyang pamilya.