Inday TrendingInday Trending
Nanalo sa Sugal ang Kaibigan Kaya Naisip Niyang Singilin Ito sa Matagal na Nitong Utang; Bakit Parang Kasalanan Pa ang Maningil?

Nanalo sa Sugal ang Kaibigan Kaya Naisip Niyang Singilin Ito sa Matagal na Nitong Utang; Bakit Parang Kasalanan Pa ang Maningil?

“Uy, Pipay, alam mo bang nanalo sa swertres ‘yong kaibigan mong si Carmen? Ang laki nga nang napanalunan niya e,” ani Aling Dionisia, isa sa tsismosa sa kanilang barangay.

Walang tsismis ang nakakalusot kay Aling Dionisia kaya malamang sa malamang ay totoo ang ibinabalita nito ngayon sa kaniya.

“Hindi ba’t may utang iyon si Carmen sa’yo na sampung libong, Pipay? Naku! Ito na ang pagkakataon mong maningil,” ani Aling Dionisia.

Eksaktong katatawag lang ng kaniyang inang si Martha upang manghingi ng pangmatrikula ng bunso niyang kapatid, kaya baka nga makakabayad na si Carmen sa utang nito at iyon na rin mismo ang ipapadala niya sa ina upang may pangmatrikula na ang kapatid.

“Sa tingin niyo, Aling Dionisia, magbabayad na kaya si Carmen sa’kin?” nasasabik niyang tanong. Ito na nga yata ang sagot sa taimtim niyang panalangin kani-kanina lang.

“Kapal naman ng mukha niya, Pipay, kung hindi ka pa niya babayaran,” deretsahang wika nito. “Balita ko’y mag-iisang taon na iyong utang niya sa’yo, hindi ba?”

Tumango si Pipay saka ngumiti. Sampung libo rin ang inutang noon ni Carmen sa kaniya. Sabi pa nga noon ng babae ay ibabalik niya ang hiniram kasama na ang tubo. Ngunit sa tagal na no’n ay wala na siyang pakialam sa tubo, ang mahalaga na lang ay ang maibalik pa ang perang inutang nito.

Naisip niyang tawagan si Carmen, upang kunwari ay kumustahin, pero ang totoo ay maniningil na talaga siya nang utang. Malaking tulong na kay Pipay kung babayaran siya ng kaibigan, upang hindi na niya kailangang problemahin pa ang problema ng kaniyang ina.

Matapos ang ilang ring, sa wakas sinagot na rin nito ang kaniyang tawag.

“Hello, Pipay,” sagot ni Carmen sa kabilang linya.

“Hi, Carmen, kumusta ka na?”

“Okay lang naman,” sagot nito. “Napatawag ka?”

“Carmen, balita ko nanalo ka raw nang malaki sa swertres ah! Ang swerte mo naman, friend. Baka naman pwede kang manlibre d’yan,” biro niya.

Ang totoo ay hindi niya alam kung paano magsisimulang maningil. Mahinang tumawa si Carmen at narinig niyang bumuntong hininga ito sa kabilang linya.

“Hindi naman sobrang laki ng napanalunan ko, Pipay,” anito.

“Ah, nga pala, Carmen, baka pwede na akong maningil sa utang mo? Kailangan ko rin kasi ngayon ng pera, friend. Pangmatrikula ni bunsoy, saka narinig ko kay Aling Dionisia na nanalo ka nga raw kaya kinuha ko na ang oportunidad na ‘to na singilin ka. Baka meron ka na d’yan, Carmen,” nakikiusap niyang sambit.

“Kaya ka ba napatawag, Pipay, para lang maningil? Hindi para mangumusta?” ani Carmen.

“Oo e, sigurado naman kasi ako, Carmen, na ayos ka lang lalo na ngayong nanalo ka. Kaya hindi ko na kailangan tawagan ka upang kumustahin lang, s’yempre tatawag ako para maningil,” derekta niyang wika na may halong pabiro.

“Sabagay. Ano’ng silbi ng pagkakaibigan kung pera na ang usapan,” anito.

Kung nakikita lang niya ngayon ang mukha ni Carmen, alam niyang nakairap at nakaismid na ito sa kabilang linya. Kasalanan ba niya kung hindi niya ito nakukumusta? E ‘di nga rin tumatawag si Carmen sa kaniya upang mangumusta man lang at manghingi ng dispensa dahil sa utang nitong matagal nang ‘di nababayaran.

Nagtanggal muna ito ng bara sa lalamunan saka nagsalita. “Kailangan na kailangan mo na ba talaga, Pipay?”

“Oo, friend, pangmatrikula ni bunsoy,” walang alinlangang sagot ni Pipay. “Kahit kalahati na lang ng sampong libo ang ibigay mo, friend, walang problema sa’kin. Pero kung kaya mo namang buohin, mas okay na okay sa’kin. Wala na kasi talaga akong ibang malalapitan kaya ikaw ang tinawagan ko. Sana okay lang.”

“Kaso nailagay ko na sa banko ang perang napanalunan ko, Pipay. Kaya wala na akong perang natira dito. Kung makakapaghintay ka nang kahit isang linggo, baka maibigay ko sa’yo nang buo ang pera mo,” mataray na wika ni Carmen. “At saka parang ang hirap paniwalaan na nagigipit ka, Pipay, kasi nakikita ko palagi sa mga post mo sa social media na kung saan-saan ka pumupunta’t kumakain sa mga mamahaling kainan. Kaya ang hirap lang paniwalaan na ikaw, mauubusan ng pera,” dugtong nito.

“Friend, hindi naman por que kaya kong i-libre ang sarili ko sa mga gano’ng bagay ay hindi na ako nagigipit sa pera,” ani Pipay. “Alam ko naman ‘yon, pero sa ngayon wala na sa’kin ang perang napanalunan ko. Saka ‘di por que nanalo sa sugal ay mayaman na. Huwag kang mag-alala, hindi naman kita tatakasan, para lang sa sampung libo na ‘yan!” ani Carmen na may halong inis sa tono ng pananalita.

Animo’y lahat ng kaniyang pinipigilang emosyon ay humulagpos sa mga narinig na sinabi ni Carmen. Sampung libo lang? Halos isang taon na nito iyong hindi nababayaran. Wala naman siyang sinabing tatakas ito sa utang, ang sa kaniya lang ay mentras sana may pera pa’y maalala nitong may utang ito sa kaniya.

“Alam mo, Carmen, tama nga talaga ang kasabihan ng matatanda. Masusubok ang tunay na pagkakaibigan kapag pera na ang pinag-usapan,” iiling-iling niyang wika. “Alam mo, mag-iisang taon na iyang utang mo, pero ni minsan hindi kita siningil o ginipit man lang. Ang sabi mo noong umutang ka, kailangan mo ang pera at ibabalik mo kaagad, kasama ang tubo. Pero mag-iisang taon na, Carmen, wala ka man lang naibalik, kahit iyong tubo na lang sana. Hinayaan ko ‘yon kasi magkaibigan tayo.”

“Wala akong sinabing tatakas ka, ang sa’kin lang, tutal malaki ang napanalunan mo sa sugal, baka pwedeng maalala mo na ang utang mo sa’kin. Pero imbes na pasalamatan ako’t bayaran na lang ay ang dami mo pang sinabi, nadamay pa ang mga post ko sa social media. Ano bang pakialam mo kung gusto kong mag-post nang magagandang bagay sa social media ko, e social media ko naman iyon, at saka wala akong utang sa kung sino kaya karapatan kong mag-feeling mayaman. E ikaw, Carmen, feeling mayaman ka sa mga post mo, pero alam naman nang buong tsismosa sa barangay natin na pala-utang ka, kaya lihim ka nilang pinagtatawanan at tinatawag na ambisyosa!” dire-diretso niyang litanya dala nang inis na naramdaman.

“Pipay!” inis na singhal ni Carmen.

“Alam mo ah, wala akong pakialam kung nasa banko na iyang perang napanalunan mo. Kailangan ko ang sampung libong inutang mo, kaya ibalik mo na iyon sa’kin tutal mukhang barya lang naman iyon sa’yo,” matigas niyang sambit. “Kung hindi mo ibinalik iyon bukas sa’kin ay ipapaalam ko sa mga tsismosa rito kung anong klase kang pala-utang at kung gaano ka kawalang kwenta magbayad ng utang. Alam mo ang ugali nila Aling Dionisia at ng mga kasama niya. Alam mo rin ang kakayahan nilang manira ng ibang tao, Carmen, at alam kong hindi mo gugustuhing gawin nila iyon sa’yo. Thank you in advance sa pagbayad sa halos isang taon mong utang,” ani Pipay saka ibinaba ang tawag.

Kinabukasan nga’y inihatid ni Carmen sa bahay niya ang sampung libong utang nito. Pinasalamatan naman niya ang babae, ngunit masama yata ang loob nito sa kaniya kaya agad rin itong umalis at tinalikuran siya.

Nagtanong rin si Aling Dionisia kung nabayaran na ba siya ng kaibigan at nang sinabi niyang oo ay naging masaya naman ito. Ayon pa sa ale ay dapat lang talagang magbayad kapag may utang. Hindi madaling kitain ang pera, bawat sentimong kinikita nang isang tao ay dugo at pawis ang puhunan.

Kaya kung may utang ka, bayaran mo. Huwag kang maghintay na singilin ka pa ng taong inutangan mo at magkusa ka nang magbayad dahil iyon naman ang tama at nararapat.

Advertisement