Imbes na Magalit sa Mamá na Nakatapon ng Kape sa Kanila ay Naawa ang Dalaga Rito at Nag-alok ng Tulong; Malaking Pabor Pala ang Babalik sa Kaniya
Alas sais pa lang nang umaga ay ginising na si Arian ng kaniyang inang si Elisa dahil iyon ang pinakiusap niya sa ina na gawin dahil may importante siyang interbyu sa araw na iyon. Upang hindi magkumahog sa lakad ay dapat na maaga siyang maghanda.
Mula noong magtapos siya sa pag-aaral noong taong 2019, ito pa lang ang unang beses na nag-apply siya ng trabaho at ito rin ang unang karanasan niya kung paano ang ma-interbyu. Kaya kinakabahan siya’t hindi malaman kung ano ang mga dapat gawin.
Gaya ng nakaplano ay maaga siyang dumating sa lugar kung saan siya pinapapunta ayon sa natanggap niyang text at halos mawalan siya ng ulirat sa nakitang matayog na gusali. Mayaman siguro ang may-ari ng gusaling iyon. Hindi kataka-taka kung bakit ang ganda ng mga inaalok nilang benepisyo.
Nang sabihin niya ang buong pangalan sa HR Department ay agad siyang itinuro nito sa silid kung saan siya maghihintay na tawagin upang ma-interbyu. At gaya na rin ng kaniyang inaasahan ay hindi siya nag-iisa, dahil marami siyang kasabay at gaya niya’y nagbabakasali na sana matanggap sa ina-applyang trabaho.
Kalmadong nakaupo si Arian sa upuan kung saan siya pinaupo kanina no’ng babae nang may lalaking sa malayo pa lang ay hirap na hirap na sa mga dala-dala nitong kape at kung ano-ano pa. Siguro’y utusan ito sa opisina kaya ang dami nitong dala na halos matapon na ‘yong iba. At gaya nang inaasahan ay natapon nga ng lalaki ang dala nitong kape sa gitna ng daan, at tumilansik iyon sa sapatos ng ibang aplikante.
“Ano ba ‘yan! Ang t@nga naman!” reklamo ng babaeng natalsikan ng kapeng dala ng mamá.
“Ano ba ‘yan manong, alam mo naman na may interbyu pa kami. Mangangamoy kape na kami nito, ang t@nga-t@nga niyo naman. Nakakainis!” segunda pa nang isa.
Iyong iba’y hindi nagsalita ngunit kita sa mukha ang inis at pa-simpleng dabog.
“Naku! Pasensya na po talaga kayo mga madam at sir, hindi ko sinasadya. Nawalan po kasi ako ng balanse kaya nabitawan ko ang mga ito,” namumula sa hiyang wika ng mamá.
Dahil sa awa ni Arian ay tumayo siya upang tulungan ang mamang ayusin ang natapon nitong kape. Naghanap din siya ng basahang pwedeng pamunas sa kapeng natapon upang walang madisgrasya roon. Natalsikan rin siya sa natapong kape, ngunit ano’ng magagawa niya? Imbes na magalit ay mas mabuting huwag na lamang palakihin ang isyu, halata naman na hindi iyon sinasadya ni manong na mahulog ang mga dala nitong kape.
“Ayos na po ba kayo, manong? Saan po ba ang punta niyo? Gusto niyo po bang ihatid ko na kayo para hindi na kayo mahirapan?” nag-aalalang tanong ni Arian.
“Naku! Huwag na hija, masyado nang malaking abala iyon sa’yo. Alam kong may hinihintay ka pang interbyu, baka mabulilyaso pa nang dahil sa’kin,” anito.
“Okay lang po, manong, hindi pa naman po sila nagsisimulang magtawag. Mas okay po na tulungan ko na kayo, upang ‘di na kayo mabawasan pa ng kape. Tingnan niyo iyang natapon, alam ko na pinabili lang nila iyan sa’yo. Babayaran mo pa iyan, kaya tulungan ko na kayo, manong,” boluntaryong sambit ni Arian.
Ngumiti ang mamá saka marahang inabot ang ilang hawak na kape. “Salamat hija,” anito.
Matapos niyang ihatid ang mamá sa pagbibigyan nito nang mga kape ay agad siyang bumalik sa silid kung saan sila iinterbyuhin. Saglit niyang inayos ang sarili at hinanda sa gagawing interbyu. Ang kaninang mga natalsikan ng mga kapeng natapon, ngayon ay maayos na rin at gaya niya’y handang-handa na sa gagawing interbyu.
Maya-maya lang ay pinapasok na silang lahat sa malamig na silid at pinaupo sa mga bakanteng upuan. Bago nagsimula ang interbyu ay may nagsalita na muna sa harapan tungkol sa mga magagandang benepisyo na kayang ibigay ng kumpanya at ang pinakahuli ay saka ipinakilala ang may-ari ng kumpanya. Halos mawalan ng ulirat ang lahat nang lumabas ang mukha ng lalaking nakatapon ng kape kani-kanina lang.
Lahat ay nagulat sa nalaman na ang sinabihan nang iilan na t@nga ay siya pa lang boss ng kumpanya!
“Actually, may napili na si Sir Ledesma na isa sa mga aplikante na pumasa at hindi na kailangang dumaan sa iba pang step ng interbyu at iyon ay si Miss Arian Esrael,” anang babae, saka marahang naglakad palapit sa kaniyang pwesto at kinamayan siya.
“Congratulations, Miss Esrael, natuwa si Boss Ledesma, sa ginawa mo kanina, kaya bilang kapalit na pabor ay tanggap ka na sa kumpanyang ito,” nakangiting kausap nito sa kaniya.
Kulang na lang ay magtatatalon si Arian sa tuwa sa sinabi ng magandang babae. Hindi niya akalain na ang simpleng kawang-gawa niya kanina’y mapapalitan nang malaking grasya na hindi niya inaasahan. Sa sobrang tuwa ay nayakap niya ang babae at walang tigil na nagpasalamat dito. Pagkatapos nitong sabihin sa ibang aplikante ang mga susunod na gawin ay hinatid siya nito sa opisina ni Sir Ledesma, upang personal itong makausap.
“Congratulations, hija,” masayang bati sa kaniya ni Mr. Ledesma.
“Thank you po, sir, hindi ko inaasahan na ikaw pala ang boss namin dito. Akala ko ordinaryong tao ka lang po talaga. Pero sobrang salamat po sa pagkakataon. Pagbubutihan ko po ang trabaho ko,” ani Arian.
“Natanggap ka sa trabaho, hindi dahil tinulungan mo ako, although nakilala kita dahil sa ginawa mong pagtulong sa’kin kanina. Natanggap ka dahil deserve mo itong trabaho na ito at bukod pa roon ay may puso ka para sa lahat. Mababa man ang antas ng tao o mataas ay marunong kang rumespeto. It was nice to meet you, hija, at maraming salamat na rin sa pagtulong mo sa’kin kanina. Isa sa gusto ko sa mga empleyado ko’y iyong pantay trumato sa lahat, at nakita ko iyon sa’yo,” nakangiting wika ni Sir Ledesma.
“Thank you, sir,” mangiyak-ngiyak na wika ni Arian.
Hindi man inaasahan ni Arian ang swerteng dadapo sa kaniya sa araw na iyon ay laking pasasalamat niya dahil pinalaki siya ng kaniyang mga magulang na pantay-pantay ang tingin at turing sa lahat ng tao.