Inday TrendingInday Trending
Hiniling ng Batang Lalaki na Nais Niyang Mamahagi ng Pagkain sa mga Kaibigan Niya; Payagan Kaya Ito ng Kaniyang Magulang?

Hiniling ng Batang Lalaki na Nais Niyang Mamahagi ng Pagkain sa mga Kaibigan Niya; Payagan Kaya Ito ng Kaniyang Magulang?

Nakaugalian na ng pitong taong gulang na batang si Paolo na mag-ipon at magtabi ng pera mula sa baon na ibinibigay ng mama at papa niya kaya ngayong malapit nang matapos ang klase ay hindi na niya halos mabuhat ang kaniyang alakansya sa bigat.

“Oh! Ang bigat na nito, ‘nak ah,” ani Marites ang ina ni Paolo.

Matamis na ngumiti ang batang si Paolo saka marahang tumango. “Malapit ko na iyang buksan mama,” buong pagmamalaking wika nito.

“Oo nga. Ano ang gusto mong bilhin sa naipon mong pera, Paolo? Gusto mo ba ng bagong toys? Anong toys naman iyon?” usisa pa ni Marites.

Nagkibit-balikat ang batang si Paolo, saka tinitigan ang alkansyang kulay asul at seryosong nag-isip. “Marami na po kasi akong toys, mama,” maya-maya ay wika nito.

“Kung ayaw mo ng toys, ano ang gusto mo, ‘nak?”

“Gusto kong bilhan ng pagkain ‘yong mga friends ko, mama, d’yan sa kabilang kanto,” anito saka tinuro ang direksyon kung saan nakatira ang iilang kaibigan nitong nakatira sa skwater area sa labas ng subdivision.

“Hmm? Bakit naman iyon ang gusto mo? Ayaw mo bang bilhan ang sarili mo nang bagong damit o ‘di kaya ng sapatos?”

Agad na umiling si Paolo sa sinabi ng ina. “Marami na akong damit at sapatos mama, saka palagi niyo naman akong binibilhan no’n ni papa, kaya hindi ko na kailangang bumili ng bago,” anito. “Kapag kasi naglalaro kami ng mga kaibigan ko at tinatanong nila ako kung ano ang ulam natin, palagi nilang sinasabi na ang sarap naman daw ng ulam natin. Sila raw, hindi masarap ang pagkain nila araw-araw.”

“Tapos tinanong ko rin sila kung nakakain na sila nang masarap na chicken joy, sabi nila hindi pa raw. Ano po ba raw ang lasa no’n? Kaya gusto ko mama, na makatikim sila ng masarap na pagkain, para kapag nagkukwentuhan kami, alam na nila kung ano ang lasa ng mga sinasabi ko,” mahabang paliwanag ni Paolo.

Hindi maiwasan ni Marites na mapangiti sa sinabi ng anak. Ipinagmamalaki niya ito dahil mukhang napalaki niya nang maayos si Paolo. Kailanman ay hindi niya itinuro sa anak ang manghamak ng ibang tao. Mayaman o mahirap ay pantay ang tingin nila sa lahat, at iyon ang namana ni Paolo sa kanilang mag-asawa.

Hindi tuloy napigilan ni Marites ang yakapin ito. Sobrang inosente pa ni Paolo at sobrang totoo nito. Hindi ito madamot at hiling niya sana’y huwag itong magbabago paglaki. Kailangan ng lipunan natin ang mga katulad niyang may mabubuting puso at malawak na pang-unawa.

“Proud na proud ako sa’yo, anak,” masayang sambit ni Marites. “Kaya papayag si mama na bilhan nang masarap na pagkain ang mga kaibigan mo.”

Lumipas ang maraming linggo at dumating na nga ang araw kung kailan kailangan na nilang buksan ang mga naipon ni Paolo. Matapos bilangin ang lahat nang naipon ni Paolo ay sabik itong dumating ang umaga upang maibigay na sa mga kaibigan nito ang nais nitong regalo.

“Sa tingin mo mama, ilang chicken joy ang mabibili natin sa naipon ko?”

“Marami-rami na rin ito, anak,” nakangiting wika ni Marites.

“Tiyak pati mga nanay at tatay ng mga kaibigan ko, mama, mabibigyan rin natin,” anito, na agad tinanguan ni Marites.

“Tiyak ako d’yan, anak. At saka huwag kang mag-aalala dahil dadagdagan ni mama ang pera mo para mas marami kang mabibigyan,” nakangiting wika ni Marites sabay gulo ng buhok ng anak.

Ang sarap lang isipin na pursigido itong magbigay at mamahagi ng biyaya sa ibang tao, dahil bukod sa kaibigan nito’y nais rin ng anak na bigyan ang mga magulang at kapatid ng kaibigan niya. Matagal nang lumipas ang unang pag-uusap nila noon. Ang buong akala niya’y magbabago ang gusto nito pagdating nang araw na ito, lalo na kung makikita na nito ang naipong pera. Baka manghinayang ito at mas gustuhing ibili na lang ng sariling gusto ngunit mali siya dahil gusto talaga ni Paolo na magbahagi sa mga kaibigan nitong kapus-palad.

Umaga pa lang ay abala na ang buong pamilya ni Paolo sa pagluluto at pagbabalot ng iilang putaheng pagkain pandagdag doon sa mga inorder nila sa isang fastfood chain upang mamayang tanghali ay maibigay na nila ito doon sa labas nang subdivision, sa mga kaibigan ni Paolo.

Kitang-kita ang saya sa mukha ni Paolo sa tuwing inaabot nito ang nakabalot na pagkain at juice. Ito mismo ang nag-aabot ng pagkain at nakikipag-usap na para bang matagal na nitong kilala ang mga taga-roon.

“Thank you, Paolo, birthday mo ba, anak?” tanong ng isa sa mga tatay ng kaibigan ni Paolo.

Mabilis na umiling si Paolo at matamis na ngumiti. “Hindi po, Manong Jude, may biyaya lang po akong natanggap kaya ibinabahagi ko rin ito sa inyo,” sinserong wika ni Paolo.

Matamis na ngumiti si Manong Jude at ginulo ang buhok nang batang si Paolo. “Salamat, anak, sana hindi ka magbago hanggang sa paglaki mo,” anito.

Nagpatuloy si Paolo sa pamimigay ng mga pagkain at nang matapos ay umupo ito kasama ang mga kaibigan at nakipagsalo sa mga ito at nakipagkwentuhan. Walang pagsidlan ang saya sa puso ni Marites sa nakitang ugali ng anak.

“Masaya ka ba, anak?” tanong ni Marites sa anak, kinahapunan nang umuwi na sila.

“Opo, mama, ang saya-saya ko po. Lalo na kapag nakikita kong nasasarapan sila sa pagkaing ibinigay natin. Gusto ko itong gawin ulit, mama,” masayang-masayang wika ni Paolo.

“Sure, anak, kung saan ka masaya, masaya na rin kami ni papa,” ani Marites sabay yakap nang mahigpit sa anak. Nakangiting nakatulog si Paolo sa bisig ng ina. Sa pinaghalong pagod, sabik, at saya ay mabilis itong nakatulog. Hindi pa doon natapos ang pagtulong ng pamilya ni Paolo dahil ito pa lamang ang simula ng lahat.

Si Paolo ang patunay na walang pinipiling edad ang pagtulong sa kapwa.

Advertisement