Naiinis Man ay Hindi Niya Ipinahalata sa Lalaki ang Nararamdaman; May Basehan ba ang Galit Niya Gayong Nanliligaw pa Lang Naman ang Lalaki?

Naglalakad-lakad si Annabel sa plaza upang magpahangin dahil summer ngayon kaya medyo mainit ang hangin na nararamdaman niya sa loob ng bahay. Naghanap siya ng masisilungan at mauupuan upang magpahinga nang may mga magkakaibigang pumasok din sa plaza, may dalang bola at mukhang maglalaro ng basketbol.

Napangiti si Annabel dahil ang galing ng tiyempo niya. Kahit papaano’y hindi siya makakaramdam ng pagkaburyong sa pagtambay niya rito. Umayos siya nang upo, nang sa muli niyang paglingon sa pintuan ng plaza ay may pamilyar na rebultong papasok, kasama ang babaeng may mahabang buhok, balingkinitan ang katawan at maputi ang kulay ng balat, o sa madaling salita ay isang magandang dilag.

Ang lalaking papasok na may kasamang magandang babae ay si George, ang kaniyang tatlong buwang manliligaw, at ang babaeng kasama nito ay hindi niya kilala. Iniwas niya ang tingin at nagkunwaring walang nakita, ngunit sa kamalas-malasan ay nakita siya ng lalaki at lumapit ito sa pwesto niya.

Naisip niyang tumayo at umiwas, ngunit agad niya binawi ang naunang naisip. Bakit siya iiwas? Hindi ba’t wala naman siyang atraso sa lalaki? Sa katunayan ay mukhang ito pa nga yata ang may atraso sa kaniya. Kung nobya na nito ang babaeng kasama ngayon, bakit pa siya niligawan ng mokong na iyon?

“Hi, Annabel,” nakangiting bati ni George.

“Hello,” naiilang niyang balik bati.

“Tambay lang?” muling tanong ng lalaki at tumabi sa kaniya.

Bahagyang umusog si Annabel dahil naiilang siya sa sitwasyon nila. Tiningala niya ang babaeng kasama nito saka nilingon ang lalaking tila walang pakialam sa nangyayari. Hindi man lang nito inayang maupo ang babaeng kasama.

Advertisement

“O-oo, nakakalungkot kasi sa bahay, kaya tambay lang muna dito. Tiyempo naman na may maglalaro pala ng basketbol,” sagot niya.

“O-okay,” maiksing sagot ni George.

Sa ilang na nararamdaman ay siya na mismo ang nag-aya sa babaeng kasama ni George na umupo katabi ng lalaki na agad namang tinanggihan ng babae, dahil ayos lamang daw itong nakatayo. Nanggigigil na siyang mag-usisa kung sino ang kasama nitong babae, ngunit buong tapang niyang pinigilan ang sarili.

Baka isipin ni George na tsismosa siya o ‘di kaya’y baka isipin nitong nagseselos siya— mas malala, dahil malayo sa selos ang nararamdaman niya ngayon. Naiinis siya sa ugaling nakikita niya kay George.

“George, bilhan mo naman ako ng mineral water, kasi nauuhaw na talaga ako,” pakiusap ng magandang babae.

Dumukot ng pera si George at nagbigay ng pera sa babae sabay sabing ibili na nito ang sarili, na mas lalo niyang ikinagulat! Kabaliktaran si George ng salitang ma-ginoo. Paano pala kung sinagot niya na ito at maging sila ng lalaki? Tatratuhin lang rin siya nito nang gano’n? Parang hindi naman yata iyon makatarungan.

Hindi naman sa isa siyang pabebeng babae, pero kahit man lang kaunting pag-aalaga at pagmamalasakit, bilang nobyo niya ito’y magpakita naman ang lalaki kahit kaunti. Nakakawalang gana naman ang ipinapakita ngayon ni George.

“Ano ka ba naman, George, nakikisuyo na nga ang nobya mo sa’yo, hindi mo pa magawang bilhan. Maging ma-ginoo ka naman, kawawa naman siya oh,” aniya.

Advertisement

Agad na nagsalubong ang kilay ni George sa sinabi ni Annabel, saka tiningala ang naguguluhan ring babae.

“Anong sinabi mo, Annabel?”

“Sabi ko nakikisuyo ang nobya mo ‘di mo pa mapagbigyan,” ulit niya.

Laking gulat niya nang biglang nagtawanan ang dalawa. May nakakatawa ba sa sinabi niya, para magtawanan ang mga ito? Tumayo si George saka inakbayan ang babae. Siya naman ngayon ang nagsalubong ang kilay sa ginawa ng lalaki. Wala na talaga itong respeto sa kaniya. Pinamukha na nga nito na hindi siya katiyaga-tiyagang ligawan, inakbayan pa talaga nito sa harapan niya ang babae.

“Bagay ba kami, Annabel?” tuksong tanong ni George.

Hindi niya alam kung ano ang isasagot niya. Gusto niyang mainis ngunit bakit naman siya maiinis? Sila ba? Kaya mas pinili na lamang niyang tumango at sumang-ayon.

“Naku! Annabel, wala kang dapat ipag-alala sa’kin dahil kahit mukha kaming mag-syota tingnan, mag-pinsan kaming dalawa,” anang babae. “Nandito ako, kasi naroon ang boyfriend ko,” dugtong nito sabay turo sa mga lalaking naglalaro ng basketbol.

Gustong saktan ni Annabel ang sarili. Nagalit pala siya nang walang dahilan.

Advertisement

“Nagselos ka?” nanunuksong tanong no George.

“Hindi ah! Bakit naman ako magseselos?” tanggi niya.

“Asus! Kaya pala nakabusangot ka kanina, inakala mo pa lang nobya ko si Cheska,” anito saka malakas na tumawa.

“May nakakatawa, George?” seryoso niyang wika.

Tumigil naman ang lalaki saka malamyos na hinawakan ang kamay ng dalaga. “Niligawan kita kasi gusto kitang maging nobya. Wala naman akong balak manligaw pa sa iba, kasi ikaw lang naman ang gusto ko. Sa tingin mo ba sasayangin ko ‘yong tatlong buwan kong panliligaw sa’yo? Hinihintay ko ‘yong sagot mo— sagot mo lang,” seryosong wika ni George.

Ang kaninang nagliliyab sa inis na damdamin ni Annabel, ngayon ay kumalma na sa nalamang mali naman pala ang kaniyang akala. Gusto niyang pagtawanan ang sarili. May nalalaman pa siyang inis! Siya naman pala ang mali.

Makalipas ang dalawang linggo mula noong nagkausap sila ni George sa plaza ay nagdesisyon na rin si Annabel na sagutin na si George at maging opisyal na ang relasyon nila. Sapat na ang ipinakitang tiyaga ni George upang masabi niyang mahal nga siya ng lalaki. Tutal, kahit itanggi pa niya’y alam naman niya sa sarili na mahal rin niya ang lalaki.