
Dahil sa Sala ng mga Kaibigan Niya ay Nadamay Siya; Mapatunayan Niya pa Kaya sa Korte na Isa Siyang Inosente?
Maraming tao ang nasa hukumang iyon. Bawat isa ay kagaya niyang naghihintay na masentensyahan sa pagkakasala. Isa na roon si Darvin, nakulong siya sa kasong hindi naman talaga niya ginawa, ngunit nadamay siya dahil sa mga kaibigan niyang totoong may mga sala.
Nilingon ni Darvin ang pwesto ng kaniyang ina na kanina pa ang iyak mula noong masilayan siya. Gusto niya itong lapitan at yakapin upang humingi ng tawad. Nadudurog ang puso niya sa nakikitang hinagpis nito. Wala siyang kasalanan, ngunit hindi niya iyon kayang patunayan.
Makalipas ang halos isang taon na pagkakakulong sa dahil sa salang paggamit ng ipinagbabawal na gamot, ngayon pa lamang sila hahatulan ni Judge Delos Santos ng pitong taong pagkakakulong sa bilibid, kung saan imposibleng marating ng kaniyang inang may sakit sa baga.
Mariing naipikit ni Darvin ang mga mata at naikuyom ang kamao. Inosente siya, pero bakit ang hirap no’ng patunayan sa korte at sa batas. Nadawit lamang siya, ngunit bakit ayaw siyang paniwalaan ninuman. Gusto niyang sumigaw at ipagdiinan na wala siyang kasalanan, sana palayain na siya, dahil siya na lamang ang inaasahan ng nanay niyang mag-aalaga rito.
Hindi namalayan ni Darvin na umagos na pala sa mga mata niya ang luhang kanina pa niya pinipigilan. Muli niyang iminulat ang mga mata nang marinig ang malakas na tunog ng malyeteng hawak ni Judge Delos Santos.
Humahagulhol namang tumakbo palapit sa kaniya ang kaniyang ina at mahigpit siyang niyakap.
“Patawarin mo ako, anak,” tumatangis nitong sambit. “Kasalanan ko ang lahat ng ito. Noon pa man ay pinigilan na kitang makipagkaibigan sa kanila, ngunit hindi ka nakinig sa’kin. Patawarin mo si mama, kung hindi kita kayang ipagtanggol ngayon,” humihikbing wika ng ina.
Umiyak na rin siya nang malakas dahil sa sinabi ng ina. Kahit kailan ay walang ginawang masama ang mama niya sa kaniya. Lahat ng gusto niya’y siyang ginagawa nito, basta hindi lang iyon nakakasama sa kaniya. Kahit single mother ito ay napalaki sila nito nang tama. Sadyang hindi nga lang siya nakikinig sa payo ng ina, kaya ito ang kinahinatnan niya.
“Patawarin mo ako ma,” usal niya. “Kung maibabalik ko lang ang panahon, hindi ako sasama sa kanila noong araw na iyon. Ngunit sadyang tama nga ang matandang kasabihan na palaging nasa huli ang pagsisisi at walang nauuna. Nagsisisi ako mama,” aniya saka malakas na umiyak.
Hindi na umimik ang kaniyang ina. Mas hinigpitan na lamang nito ang pagkakayakap sa kaniya at tahimik na humagulhol.
“Patawarin mo ako, ma, kung hindi pa rin kita maaalagaan sa ngayon, dahil kailangan ko munang lumayo. Patawarin mo ako ma, kung naging masama akong anak. Patawarin mo ako ma, kung ‘di ako nakinig sa payo mo,” aniya saka saglit na huminto. “Patawarin mo ako ma, patawad ma,” humahagulhol niyang sambit habang marahang lumuluhod sa harapan ng ina.
“Tahan na, anak,” anang kaniyang ina habang hinihila siyang patayo. “Matagal ka nang napatawad ni mama, hindi mo pa iyon hinihingi, pinatawad na kita, anak, kasi anak kita. Nanggaling ka sa’kin, dugo kita. Kaya hindi kita pwedeng tiisin. Mahal na mahal ka ni mama. Sadyang nalulungkot lamang ako, dahil alam kong wala kang kasalanan, pero kailangan mong magbayad sa kasalanang hindi mo naman talaga ginawa… at ang mas nakakabigat nang loob ay wala akong magawa upang patunayan sa lahat na inosente ka,” mahabang wika ni Dhalia sa anak habang panay ang iyak.
Hindi na nakapagsalita si Darvin sa sinabi ng ina. Niyakap na lamang niya ito nang mahigpit. Wala siyang ibang hiling kung ‘di sana’y dugtungan pa ang buhay ng kaniyang ina at dumating pa ang araw na magkakasama sila.
Saka mo lamang malalaman ang importansya ng isang bagay kung malapit na itong mawala sa mga kamay mo. Kagaya niya, saka lamang niya nalaman kung gaano kahalaga ang mga payo noon ng kaniyang ina ngayong nakakulong na siya sa salang nadamay lamang siya.
“Pipilitin ni mama na madalaw ka sa bilibid, anak. Ipinapangako ko iyon,” ani Dhalia, saka tuluyang bumitaw sa pagkakahawak sa kaniya.
Makalipas ang dalawang buwang pagkakakulong niya sa bilibid ay saka lamang siya nakatanggap ng bisita. Binisita siya ng kaniyang ina at ng kaniyang bunsong kapatid na si Diane. Walang paglagyan ang sayang kaniyang naramdaman nang muling makita ang dalawa. Sa sitwasyon niya ngayon, may kaunting bagay lang na mangyari sa kaniya’y labis-labis na ang ligayang dulot no’n sa kaniya. Naging mababaw na lamang ang kaniyang kaligayahan.
Gabi-gabi bago matulog ay wala siyang ibang hinihiling kung ‘di sana gumaling na ang kaniyang ina at sana’y bigyan ng malusog na pangangatawan ang kaniyang kapatid upang may sapat itong lakas na alagaan ang nanay nila. Wala siyang ibang inaasam kung ‘di balang araw ay magkakasama silang muli na pamilya. Pangako, hindi na siya muling magpapasaway.
Nabigyan ng parol si Darvin, dahil na rin sa mga kabutihang nagawa niya sa loob ng bilibid. Imbes na pitong taon ang kaniyang sintensya’y naging tatlong taon at kalahati na lamang iyon. Masaya naman siyang sinalubong ng kaniyang ina at kapatid.
Salamat sa Diyos, dahil kahit hindi siya karapat-dapat sa biyaya nito’y marami siyang hiling na tinupad nito. Isa na roon ay ang gumaling ang kaniyang ina at sana sa paglabas niya sa bilangguan ay makakasama pa niya ito.
Pumili ng mga taong kakaibiganin. Hindi lahat ng kaibigan ay may magandang maidudulot sa buhay mo, kaya maging wais sa pagpili ng mga taong sasamahan.