
Gustong-Gusto ng Dalaga ang Nakitang Puting Bestida sa Isang Mall; Maisakatuparan pa Kaya ng Lalaki ang Hiling Niya?
“Mahal, ang ganda ng puting bestida na iyan ‘no?” buong paghangang wika ni Kathy na ang mga mata ang nakatitig sa naka-display na puting pangkasal na damit.“Oo mahal, maganda nga,” sang-ayon naman ni Cris. “Gusto mo bang suotin iyan kapag ikakasal na tayo?” nakangiti niyang tanong.
Walang pagdadalawang-isip na tumango si Kathy.
“Sige. Pag-ipunan natin iyan,” aniya.
Saka nagdesisyon ang dalawang lumabas na sa mall at umuwi dahil marami pa silang gagawin sa araw na iyon. Ngunit ang isip ni Cris ay pag-iipunan niya ang damit pangkasal na iyon upang sa araw nang kasal nila ni Kathy ay iyon ang suotin nito, tiyak napakaganda ng babaeng mahal niya kapag suot-suot na nito ang puting bestidang iyon.
Siyam na taon na silang nagsasama ni Kathy at may isa na silang anak na ubod nang ganda. Dalawang taong gulang pa lang ang anak nilang si Kathyreen, kaya ngayon ay nagpaplano na ulit silang gumawa ng isa pa. Pero bago muna iyon ay balak muna nilang magpakasal. Masasabi ni Cris na kompleto na ang buhay niya dahil kay Kathy at Kathyreen. Ang kaniyang mag-ina ang bumubuo at kumu-kumpleto ng buhay niya. Kaya wala na siyang mahihiling pa.
“Anong nangyari sa’yo mahal?” nag-aalalang tanong ni Cris sa asawa.
“Ahh, ito ba?” turo nito sa mga pasa sa katawan. “Ganito naman talaga ako mahal kapag malapit na ang buwanang dalaw ko,” nakangiting wika nito.
“Gano’n ba? P-pero grabe naman ‘yan. Parang may kakaiba na sa’yo e. Gusto mo bang ipa-check-up kita sa doktor?”
“Naku! Huwag na mahal, tingnan mo’t bukas mawawala rin ang mga ‘to. Huwag ka na kasing mag-alala, naglalabasan talaga ‘to sa’kin kapag malapit na ang dalaw ko,” patuloy pa rin ni Kathy sa pangangatwiran.
Kahit hindi pa rin kumbinsido si Cris ay pinili na lang niyang manahimik. Wala siyang masyadong alam sa buwanang dalaw ng isang babae. Pero talagang nakaka-alarma ang mga pasa ni Kathy sa katawan.
Gaya ng sinabi nito ay nawala nga naman ang mga pasa-pasa nito sa katawan, kaya nabawasan ang kaniyang pag-aalala. Baka nga dahil lamang iyon sa buwanang dalaw kaya nagkakapasa-pasa ang katawan nito.
Isang araw ay umuwi si Cris na nanghihina si Kathy at nahihirapang huminga. Upang mas makasiguro ay dinala niya ito sa pinakamalapit na ospital at doon niya nalaman ang tunay na lagay ng asawa.
“Ayon sa nakuha naming findings ay may stage 3 blood c@ncer ang asawa mo. Ang mga pasang nakikita mo sa kaniya ay isa sa mga sintomas na may sakit sa dugo ang misis mo. Sana dinala mo siya agad sa ospital noon para na-solusyonan sana agad ang sakit niya,” kausap sa kaniya ng doktor na tumingin sa asawa.
“Ang sabi niya kasi sa’kin, dok, normal daw iyon kapag malapit na ang dalaw niya,” wika ni Jose.
“Sabagay may mga babae talagang nagkakaroon ng pasa kapag malapit na ang buwanang dalaw nila. Pero iyong pasa na iyon ay pwedeng iisa lang o dalawa. Sana nagtaka ka na agad noong nakita mong hindi na normal ang mga pasa niya sa katawan. Na check-up sana siya at nalaman niyo nang mas maaga,” paliwanag pa ng doktor sa kaniya. “Sa ngayon po, mister, ang tanging maipapayo ko ay dalhin mo si misis sa siyudad at agad na ipa-konsulta sa isang espesyalista para mabigyan ka talaga ng tamang gamot para sa sakit ng asawa mo,” dugtong nito at maya-maya pa ay tinapik ang kaniyang balikat saka nagpaalam.
Naiwan si Cris na lumulutang ang isipan. Bakit kay Kathy pa dumapo ang malubhang karamdamang iyon? Bakit sa asawa pa niya? C@ncer? May lunas pa ba ang sakit ng kaniyang asawa? Hindi na napigilan ni Cris ang pag-iyak sa samu’t-saring naiisip.
May sakit ang kaniyang pinakamamahal na asawa. Paano na siya kapag nawala ito? Paano sila ng anak niya? Sana no’ng may napansin siyang kakaiba ay hindi na dapat siya nag-isip pa at agad na sana niyang pina-check-up ang asawa. Nais niyang sisihin ang sarili dahil isinawalang bahala lamang niya ang lahat.Sinunod ni Cris ang payo ng doktor. Dinala niya ang asawa sa pribadong ospital sa siyudad upang mapabilis ang gamutan nito at para sigurado din ang paggaling nito. Agad na sinimulan ang chemotherapy upang mapigilan ang pagkalat ng c@ncer cells, dahil ayon sa espesyalistang tumingin sa asawa niya’y malala na ang sakit nito.
Dahan-dahang naglagas ang buhok ni Kathy, at ang dating makinis at maputing kutis ng asawa ay natuyo at nangitim. Kung titingnan niya ang asawa ay hindi na niya ito halos makilala. Lalo itong pumayat at nakakaawa ang itsura.
“Kakayanin ko ang lahat para sa inyo mahal,” humihikbing wika ni Kathy.
“Lalaban ka para sa’min ni Kathyreen, ‘di ba? At saka magpapakasal pa tayo kaya lumaban ka mahal ah,” pinapalakas ni Cris ang loob ng asawa.
Kitang-kita niya sa mukha nito ang hirap at pursige. Habang nakikita niya itong gano’n ay nadudurog ang puso niya. Nais niyang kwestiyunin ang plano ng Panginoon sa buhay nila. Bakit kailangang ang asawa pa niya? Bakit si Kathy pa? Hindi niya mapigilang hindi umiyak nang tuluyan nang dalhin si Kathy sa loob ng chemotherapy infusion care.
Makalipas ang limang buwan ay tuluyan nang nakalbo si Kathy at mas lalo pa itong pumayat at nanghihina. Sa nakikita niya’y hindi na nito kaya pang lumaban. Prinangka na rin siya nang mga doktor na hindi na magtatagal ang asawa niya. Napakasakit, pero kailangan niyang tanggapin ang bagay na anumang oras ay iiwan na siya ni Kathy.
Dinala si Cris ng kaniyang mga paa sa tindahan kung nasaan ang puting bestida na nagustuhan noon ni Kathy. Hindi niya mapigilan ang hindi humagulhol nang iyak sa mga alaalang animo’y isang tubig baha na kusang dumaloy sa kaniyang isipan.
Binili ni Cris ang bestidang iyon upang ipasuot sana kay Kathy habang hindi pa huli ang lahat. Kahit man lang sana sa huling hininga nito ay naranasan nitong suotin ang puting bestida na matagal na nitong pangarap na maisuot.
Ngunit sa pagbalik niya sa ospital ay natataranta na ang lahat at ang iba ang nag-iiyakan na. Kinabahan siya sa nakitang ganap, ngunit nais niyang makasigurdo kaya nagmadali siyang tumakbo sa silid ni Kathy.
“P-patawarin mo ako mahal kung hindi ko na kaya,” nahihirapang wika ni Kathy. “Gusto ko nang magpahinga, hirap na hirap na ako e,” himihikbing dugtong nito.
Agad na dumaloy sa kaniyang mukha ang mga luha sa narinig na sinabi ni Kathy. “Ginawa mo naman ang lahat. Nauunawaan ko kung gusto mo nang magpahinga ngayon,” umiiyak niyang wika. “Mahal na mahal kita. Mag-iingat ka kung saan ka man pupunta,” pamamaalam niya. Pakiramdam ni Cris, sinasaksak ang puso niya sa sobrang sakit na nararamdaman.
“M-mahal-” sambit ni Kathy, bago ito tuluyang nawalan ng malay.
Tuluyan na ngang nagpaalam sa kanilang lahat si Kathy. Walang pagsidlan ang lungkot niya sa nangyari. Alam niyang malaya na ngayon si Kathy sa sakit na naranasan nito noong nakikipaglaban ito sa sakit. Pero ang hirap pa ring tanggapin.
Ipinasuot niya pa rin kay Kathy ang paborito nitong bestida. Hindi man nito nagamit iyon sa orihinal nilang plano, ang mahalaga ay natupad niya pa rin ang hiling nito na bilhin niya ang bestidang iyon.
Hindi mo talaga malalaman kung hanggang saan ang buhay ng isang tao. Hindi man niya naiintindihan ang plano ng Panginoon sa buhay niya’y kusang loob pa rin siyang magtitiwala Rito. Lahat nang nangyayari ay may dahilan. Kung ano man ang dahilan Nito sa ngayon ay hindi niya lubusang maintindihan.
Basta ang alam niya’y patuloy siyang mabubuhay kasama ang anak nila ni Kathy at ang alaala nito sa kaniyang puso’t isipan.