Inday TrendingInday Trending
Para sa Dalaga ay Masama ang Ugali ng Kanilang Madrasta; Mapatunayan Niya Kayang Tama ang Kaniyang Hinala?

Para sa Dalaga ay Masama ang Ugali ng Kanilang Madrasta; Mapatunayan Niya Kayang Tama ang Kaniyang Hinala?

Tatlong taon na ang lumipas mula noong namayapa ang kanilang inang si Andrea dahil inatake ito sa puso. Tatlong taon na rin ang lumipas mula noong huli nilang nakitang naging masaya ang ama nilang si Jerome.

“Ate, may bisita si dad,” ani Sarah, ang kaniyang bunsong kapatid.

Sa labis na pagtataka ni Shiela ay ngali-ngali siyang tumakbo sa sala upang tingnan kung sino ang tinutukoy ng kapatid na bisita ng kanilang ama. Simula kasi noong nawala ang mama nila’y hindi na muling nagkaroon ng bisita ang bahay nila, maliban sa mga kaklase niya o ‘di kaya’y mga kaklase ng kaniyang mga kapatid— ngunit hindi ng kanilang ama.

Bahagya siyang napaatras nang makitang isang magandang babae ang bisita ng kanilang ama. Sino ang babaeng ito? Akmang tatalikod na si Shiela nang tawagin siya nang kaniyang ama at palapitin sa pwesto nito. Walang magawang lumapit si Shiela.

“Shiela, nais ko pa lang makilala mo ang Tita Bea mo,” anang ama.

“Hi Shiela!” magiliw na bati ni Bea sa kaniya.

“Who is she, dad?” tanong niya sa ama, imbes na batiin pabalik ang babae.

“She’s my girlfriend, sweetheart,” nanunuyong sambit ng ama.

Nakita ni Shiela kung paanong nagliwanag ang mga mata ng ama no’ng binanggit nito ang salitang “girlfriend”, makalipas nang tatlong taon ay ngayon niya lang muli nasilayan ang nagniningning nitong mga mata. Muling nilingon ni Shiela ang babae saka saglit na pinag-aralan. Sino ang babaeng ito at ano ang tunay na motibo nito sa ama niya?

Masaya siya ngayong nakikita itong masaya, ngunit ayaw niyang magtiwala agad. Halos lahat ng madrasta ay masasama ang ugali.

Makalipas ang anim na buwang relasyon ni Jerome at Bea ay ninais na ng dalawang magpakasal. Saan rin ba papunta ang relasyon nila, kung ‘di sa simbahan rin naman. Ngunit mariin iyong tinutulan ni Shiela.

“Bakit hindi pwede, anak?”

“Dahil hindi mo pa siya gano’n kakilala, dad,” aniya.

“Is that important? Anim na buwan na kaming may relasyon at sa nakikita ko’y mabait naman si Bea.”

“Ngayon! Dahil hindi pa niya nakukuha ang gusto niya,” pursigido niyang wika. “Pero kapag nakuha na niya ang gusto niya, aapihin niya na kami at aalipustahin!”

“Oh! C’mon, sweetheart, can you please stop watching heavy dramas? Iniisip mo lang iyan, anak. Hindi lahat ng madrasta ay masama, Shiela, alam ko, ramdam ko na mabait si Bea, kagaya ng mommy niyo. Pakiusap, anak, hayaan mong maging masaya ako ulit,” nakikiusap na wika ng ama.

“Aren’t you happy with us?”

“I am! But Bea will complete my happiness,” walang gatol na tugon ni Jerome.

Walang nagawa si Shiela kung ‘di payagan ang amang pakasalan si Bea. Pagkatapos ng kasal ay sa bahay na rin nila nakatira si Bea. Ito ang humalili sa pwesto ng kanilang ina. Mabait naman si Bea sa kanilang lahat at mukhang wala naman itong masamang tinapay na dala-dala. Ngunit tila napakahirap pagkatiwalaan ang kabaitang ipinapakita nito. Ganitong-ganito ang mga napapanuod at nababasa niya. Mababait lamang sa una ang mga madrasta, pero kalaunan ay lalabas rin ang totoong ugali ng mga ito.

Nakangiti pa rin itong nakikipag-usap sa kanilang lahat at matiyagang inaalagaan ang kaniyang mga kapatid. Hanggang sa hindi na niya namalayang napakabilis na pa lang lumipas nang panahon dahil halos tatlong taon na mula noong ikinasal ang kaniyang ama at si Bea, pero hindi man lang nagbago ang pakikitungo nito sa kanila. Malapit na nga ito sa mga kapatid niya— maliban sa kaniya.

“Nandito na ako,” pagod na wika ni Shiela.

Galing siya sa nakakapagod na seminar at sa totoo lang ay gustong-gusto na niyang matulog, ngunit kailangan niya munang maligo dahil totoong nanglalagkit na ang buo niyang katawan.

“Shiela, kumain ka na muna. May hinanda akong paborito mong tinolang manok sa lamesa, saka ka na maligo pagkatapos mong kumain. Ihahanda ko na rin iyong bath tub, para kahit papaano ay makapagpahinga’t ma-relaks ka,” ani Bea.

Nagulat man si Shiela sa ginawa ni Bea ay nais niya pa rin itong pasalamatan. Siguro kung nabubuhay pa ang kaniyang ina ay baka ganito rin ang pag-aalaga nito sa kanila.

“T-thank you, tita,” nauutal niyang sambit.

“Walang anuman, Shiela,” nakangiting wika nito. “Sige na, kumain ka na para makapagpahinga ka na.”

Akmang tatalikod na si Bea upang umakyat sa kwarto niya nang magsalitang muli si Shiela.

“Tatlong taon na tayong magkasama sa iisang bubong pero hanggang ngayon ay hindi ko man lang nakitang nagalit ka sa’min at inalipusta kami. Kailan mo ba talaga ilalabas ang totoo mong ugali, Tita Bea?” aniya.

Nais niyang subukin ang pasensya nito at nais niyang malaman kung ano nga ba talaga ang motibo nito sa pamilya niya. Matagal na niyang kinimkim ang mga tanong na iyon, siguro oras na para ilabas.

“H-ha? Nagagalit rin naman ako, Shiela—”

“Hindi gano’ng galit ang sinasabi ko. Ang sinasabi ko’y iyong mga kagaya sa mga ev*il stepmother na palagi kong napapanuod sa palabas at nababasa sa libro!”

Narinig ni Jerome ang malakas na sigaw ni Shiela kaya ngali-ngali itong bumaba upang awatin sila, ngunit agad iyong pinigilan ni Bea at nakiusap na hayaan silang dalawa na mag-usap. Nagdadalawang-isip na pumayag si Jerome, dahil pakiramdam nito ay iyon siguro ang kailangan ng dalawa.

“Hindi ako isang ev*il stepmom, Shiela,” mahinahong sambit ni Bea. “Pero isa akong stepmom, na handa kayong tanggapin at mahalin, na parang nagmula kayo sa’kin,” dugtong ni Bea.

“Hindi ako naniniwala sa’yo,” tanggi ni Shiela.

“Alam kong ayaw mo sa’kin, una pa lang alam kong hindi magaan ang loob mo sa’kin, pero tanggap ko ‘yon, Shiela. Hindi kita pipilitin na tanggapin ako, pero sa maniwala ka o sa hindi mahal kita, kayo ng mga kapatid mo na parang tunay kong mga anak. Shiela, hindi lahat ng mga stepmother ay masasama, may mga madrasta pa ring mababait at ang tanging hangad namin ay matanggap ng mga anak ng lalaking sobra naming minamahal. Kailanman ay hindi niyo kasalanan kung bakit kayo nawalan ng ina at mas lalong hindi iyon kasalanan ng papa niyo, kaya bakit ko kayo mamaltratuhin?”

“Sa totoo lang, tuwing gabi ay wala akong ibang hinihiling kundi sana dumating ang araw na matanggap niyo ako bilang bagong asawa ng papa niyo. Mahirap ang papel ng isang madrasta, Shiela, pero hindi ko alintana ang bagay na iyon, kasi para sa’kin, isa kayong biyaya na ibinigay sa’kin ng Diyos,” mangiyak-ngiyak na wika ni Bea.

“Wala akong ibang hangad kung ‘di ang tanggapin mo ako sa buhay mo, Shiela, wala akong masamang binabalak sa inyo nang mga kapatid mo. Mas magiging masaya ako kung magkakasundo tayong lahat bilang isang pamilya, hindi man ako ang tunay niyong ina. Gusto kong maging ina para sa inyo,” humihikbing dagdag ng ginang.

Hindi na rin napigilan ni Shiela ang mapahagulgol sa mga sinabi ni Bea. Tama nga yata ang kaniyang ama, masyado lang siyang nahilig sa kapapanuod ng mga drama sa telebisyon, kaya agad niyang hinusgahan si Bea. Sapat na ang mga sinabi nito upang isipin niyang nagkamali siya ng akala sa madrasta.

“I’m sorry, Tita Bea,” aniya saka patakbong lumapit rito at yumakap nang mahigpit.

“It’s okay, Shiela, nauunawaan kita,” alo nito sa anak-anakan.

Simula sa araw na iyon ay mama na ang tawag ni Shiela kay Bea, matagal man niyang natanggap si Bea sa buhay nila ay alam niyang wala siyang pinagsisihan doon. Nahirapan lamang siyang pagkatiwalaan ito nang buo noon, ngunit hindi na ngayon. Dahil kagaya ng pagmamahal niya sa tunay nilang ina, gano’n na rin ang pagmamahal ni Shiela sa madrasta.

Hindi lahat ng madrasta ay masama! Hindi madali ang papel ng mga madrasta. Mahirap maging ina sa mga anak na hindi naman nanggaling sa’yo, kailangan mo ng malawakang pang-unawa at pasensya.

Advertisement