Inday TrendingInday Trending
Umalis nang Walang Paalam ang Anak; Grabe ang Iyak ng Ina nang Matagpuan Niya Ito

Umalis nang Walang Paalam ang Anak; Grabe ang Iyak ng Ina nang Matagpuan Niya Ito

Labis ang pag-aalala ni Aling Linda sa anak na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakauwi halos magdadalawang linggo na. Nagpaalam lang ito na magsisimba kasama ang kaibigang si Sanya, ngunit laking gulat niya nang malamang hindi naman pala magkasama ang dalawa.

Inireport na niya sa pulisya ang nangyari. Labis-labis ang pag-aalalang kaniyang nadarama, baka kung ano na ang nangyari sa mahal niyang anak. Isang malakas na katok ang nagpabalik sa kaniyang diwa.

“Aling Linda!” tawag ni Sanya sa kaniya.

Agad naman niya itong pinagbuksan ng pintuan. “Bakit, Sanya?”

“Alam ko na po kung nasaan ngayon si Lea,” hinihingal pa nitong wika.

Kabadong ngumiti si Linda at agad na kumabog ang dibdib sa ibinalita ni Sanya. Sana hindi naman masamang balita ang dala nito.

“Naroon po siya sa bahay ng nobyo niyang si Alfred, Aling Linda,” anito.

“Nobyo?” taka niyang wika.

Kailan pa nagkaroon nang nobyo ang anak niyang si Lea? Menor de edad pa lang ang anak niya at bawal pa rito ang pakikipagrelasyon, kaya hindi niya lubos maisip na may nobyo na pala ang anak.

Agad siyang sinamahan ni Sanya kung nasaan ang bahay ni Alfred na ayon dito ay nobyo ng anak. Habang nasa daan ay panay ang tanong niya kay Sanya, kung paanong nangyari na may nobyo na ang anak niya.

Ayon rito ay dalawang buwan pa lang noong naging sila, hindi pa nga raw iniisip ni Sanya na sasagutin ng anak niya ang lalaki, dahil ayon naman kay Lea noon ay hindi nito tipo ang lalaki.

“Nagsimula lang po akong magduda noong minsang nagkasama kami Aling Linda, at naroon rin si Alfred. Tinanong ko pa nga po noon si Lea, kung anong ginagawa ni Alfred doon, ang sagot niya lang ay may nais raw itong patunayan sa kaniya at pursigido raw ito sa panliligaw. Pinaalalahanan ko nga po si Lea, na huwag magmadali dahil masyado pa kaming mga bata at mas unahin ang pag-aaral, kaso mukhang hindi niya na ako pinakinggan,” malungkot na paliwanag ng babae.

Mariing naipikit ni Linda ang mga mata. Katorse anyos pa lang ang anak niya. Paano nito nagawang lumayas sa poder niya upang sumama sa lalaking nagngangalang Alfred? Kaya na kaya siya nitong buhayin?

Pagdating sa bahay ay agad niyang nakita ang anak. Malaki ang ipinagbago nito na halos hindi niya na ito nakilala.

“M-mama,” nahihintakutang sambit ni Lea.

“A-anong nangyari sa’yo, Lea?” mangiyak-ngiyak na wika ni Linda.

Katorse anyos pa lang ang kaniyang anak, ngunit tila ang laki ng itinanda nito ngayon. Nakasuot ito ng maluwag na damit, nakatali ang buhok at puno ng pawis ang buong mukha. Nagmukhang losyang si Lea at napabayaan na ang sarili.

“Umuwi na tayo,” muling wika ni Linda.

Mangiyak-ngiyak na umiling si Lea. “Ayoko mama,” anito.

“Pero bakit? Anak kita at obligasyon pa kita dahil menor de edad ka pa lang, Lea. Ano’ng dahilan at bakit ayaw mong umuwi sa bahay?” naiinis nang wika ni Linda.

“B-buntis po ako mama,” mahinang sambit nito.

Hindi na napigilan ni Linda ang pag-iyak. Gusto niyang magwala at nais niyang parusahan ang pangahas na lalaking gumawa nun sa kaniyang anak. Ang bata pa ni Lea upang maging ina.

“Saan ako nagkamali sa’yo, Lea? Saan ako nagkulang? Bakit mo sinira ang buhay mo nang ganito?” humahagulhol niyang wika. “Malinaw naman sa’yo ang lahat ng paghihirap ko. Lahat ibinigay ko para lang hindi mo maranasan ang naranasan kong paghihirap noon, pero bakit hindi mo nakita ang lahat nang iyon?! Itinaguyod kita mula noong nawala ang papa mo. Kaysa maghanap ng ibang lalaki, mas inuna kita, tapos ito lang, ito lang ang igaganti mo Lea?!” tumatangis niyang sambit.

“Patawarin mo ako, mama,” umiiyak na ring wika ni Lea.

“Uuwi ka sa ayaw at sa gusto mo, Lea!” matigas niyang sambit. “Kakasuhan at ipapakulong ko iyang si Alfred kung hindi ka sasama sa’kin!” pananakot niya para lamang sumama sa kaniya anb anak.

Bago sila umalis ay kinausap niya muna ang magulang ni Alfred na kagaya nang anak ay menor de edad lang rin. Maayos na nagkausap ang dalawang panig. Habang wala pa sa tamang edad si Lea ay mananatili ito sa poder niya, at nangakong hindi pagbabawalan ang lalaking dumalaw sa kanila.

“Kung talagang kayo ang itinadhana para sa isa’t isa, hindi ako hahadlang sa pagitan niyong dalawa, Lea at Alfred. Hanggang dumating ang araw na pwede na kayong ikasal at magsama. Pero sa ngayon, hindi kayo pwedeng magdesisyon para sa sarili niyo dahil sobra niyo pang bata,” mahinahong wika ni Linda, na agad namang sinang-ayonan ng mga magulang ni Alfred.

Ayaw man nina Alfred at Lea na magkahiwalay ay napilitan ang dalawang sumang-ayon sa desisyon ng mga nakatatanda. Sumamang umuwi si Lea kay Linda at si Linda ang nag-alaga sa pagbubuntis ng anak, katulong ang mga magulang ni Alfred. Gaya rin ng napagkasunduan ay palaging dumadalaw si Alfred sa bahay nila.

Bilang isang single mom ay nahirapan si Linda na tanggapin ang nangyari sa nag-iisang anak. Ngunit kahit ilang beses mang magkamali si Lea sa buhay ay paulit-ulit niya rin itong patatawarin dahil siya ang ina nito.

Kung darating man ang araw na sasama na ito kay Alfred, gaya ng napag-usapan nila ay matatanggap na niya, kaysa noong unang ginawa nang mga itong tumakas sa kaniya at para siyang t@ngang nag-alala kung ano’ng nangyari rito.

Walang magulang ang may gustong mapasama ang buhay ng kanilang anak. At wala ring magulang ang nakakayang tiisin ang mga anak nila. Walang ibang hangad ang isang magulang para sa mga anak nila— iyon ay ang mapabuti ang buhay ng mga mahal nilang anak.

Advertisement