Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Kaibigang may Utang sa Kaniya nang Makita Nito ang Post Niya na Ayon Rito’y sa Kaniya Pinapatama; Tinawag Pa Siya Nitong Mukhang Pera

Nagalit ang Kaibigang may Utang sa Kaniya nang Makita Nito ang Post Niya na Ayon Rito’y sa Kaniya Pinapatama; Tinawag Pa Siya Nitong Mukhang Pera

Inutusan ni Daffodale ang kapatid na si Marco upang singilin ang kaibigang si Maria sa utang nitong halos mag-iisang taon nang hindi nababayaran. Noong mga unang buwan ay siya ang personal na naniningil sa kaibigan, ngunit makalaunan ay tinatamad na siya sapagkat inuuto lang naman siya nito at palaging iniiba ang usapan upang hindi niya ito masingil.

“Ano, nagbayad ba?” tanong niya sa nakabusangot na kapatid.

“As usual, ate, wala pa raw siyang pera.”

“Na naman? Mag-iisang taon na ‘yang utang niyang iyan ah!” inis na wika ni Daffodale.

Sa inis ni Daffodale ay naisipan niyang magparinig at mag-post sa kaniyang social media. Una upang matamaan ang kaibigang palautang na hindi marunong magbayad at pangalawa, upang maglabas na rin nang hinaing sa inis na naramdaman niya dahil sa hindi nito pagbabayad sa kaniya.

Sa linggo pa ang sahod niya at tanging pangkain at pambaon na lang ang natira sa pera niya kaya niya pinapasingil ang utang ni Maria dahil may project na kailangang bilhin si Marco, ngunit ayon nga at wala na naman siyang napala rito.

Matapos mag-post sa kaniyang social media ay agad siyang nakatanggap ng tawag mula kay Maria. Nagtatanong ito kung para ba sa kaniya ang post niyang iyon. Gusto niya itong deretsuhin at sabihin na hindi ba halata?

“Bakit friend, tinamaan ka ba?” aniya sa kaibigan.

“Ahm, hindi naman friend, pero parang sa’kin mo kasi iyon pinapatama. May utang kasi ako sa’yo, kaya gusto kong tanungin ka kung ako ba ang pinapatamaan mo,” anito.

Agad niyang naipaikot ang mga mata sa sinabi nito. Talaga bang manhid ito o hindi lang talaga nito ginagamit ang utak? Ayon nga sa kasabihan; “bato-bato sa langit, ang tamaan huwag magalit.”

“Depende, friend, kung natamaan ka hindi ko na siguro iyon problema. Kasi para sa’kin naman ay wala namang ibang ibig sabihin ang post kong iyon,” aniya saka sinundan ng mahinang tawa.

Kung hindi lamang niya iniisip ang pinagsamahan nilang dalawa’y baka prinangka niya na ito.

“Ah gano’n ba, friend?” anito na ang tono’y seryoso. “Ang totoo’y tinamaan ako sa post mo, siguro kasi isa ako sa may mga utang sa’yo na matagal nang hindi nababayaran. Pero friend, gusto ko lang sabihin na kung galit ka sa isang tao, sabihin mo nang harap-harapan. Hindi mo naman kailangang mag-post at ipangalandakan sa ibang tao na may mga umutang sa’yong hindi pa nakakapagbayad.”

“Ayy, gano’n ba, friend,” aniya sa tonong medyo may inis.

Kasalanan pa pala niya ngayon na mas isinaalang-alang niya ang pagkakaibigan nila kaya hindi niya ito magawang singilin nang prangkahan at mas minabuting magparinig na lang. Kung gano’n naman pala’y maglabasan na nga lang sila ng sama ng loob.

“Actually, oo friend, para sa’yo talaga ‘yong post kong iyon. Ang totoo ay ayaw ko kasing sabihin sa’yo nang harap-harapan kaya dinaan ko na lang sa pag-post, iniisip na sana matamaan ka, at tama nga ako dahil tinamaan ka. Hindi ka naman tatawag ngayon sa’kin kung hindi ‘di ba, friend,” aniya, pilit pinapahinahon ang sarili.

“Oh! ‘Di ba, padeny-deny ka pa!”

“Ha? Hindi ako nag-deny, Maria. Tinanong lang kita kung tinamaan ka ba sa post ko. Alam mo kasi, nakakainis lang minsan. Ako ang luwag ko sa’yo, isang hingi mo lang sa’kin nun, Maria, agad-agad pinagbigyan kita. Walang pagdadalawang-isip ay pinahiram kita. Hindi ako naningil agad, hinintay kita na magbayad, pero mukhang nakalimutan mo na yatang may utang ka sa’kin, kaya nagsimula akong singilin ka, kaso wala pa rin. Halos mag-iisang taon na ang utang mo, pero mukhang hanggang ngayon ay wala ka pa ring balak na ibalik ‘yon sa’kin,” litanya niya.

“May balak ako, Daffodale, talagang atat ka lang. Panay ang utos mo sa kapatid mo na singilin ako, alam mo naman na wala akong pera. Paano ka mababayaran kung wala ngang pera ‘di ba!”

“Gano’n pati ba ‘yon problema ko pa, Maria?”

“Hindi ko sinabing problemahin mo. Ang sinasabi ko, maghintay ka kung kailan ka mababayaran, hindi iyong panay ka singil kahit alam mong walang pera ‘yong tao. Saka mangungutang ba ako sa’yo kung may pera ako?!” gigil na wika ni Maria sa kabilang linya. “Alam mo dahil lang sa limang libong piso na hiniram ko masisira ang pagkakaibigan natin. Mas mahalaga pa sa’yo ang pera kaysa sa pinagsamahan natin. Mukha ka talagang pera, Daffodale! Huwag kang mag-aalala, hahanap ako ng paraan para mabayaran ka, para manahimik ka na! Akala mo naman madadala mo sa hukay iyang pera mong bwisit ka!” anito saka agad na binagsak ang tawag.

Nagpupuyos sa galit si Daffodale sa sinabi ni Maria, ngunit wala na siyang magawa dahil binaba na nito ang tawag. Siya pa ngayon ang may kasalanan? Siya pa ang mukhang pera matapos niya itong pautangin.

Makalipas ang isang linggo ay naging bisita nila ang kapatid na lalaki ni Maria na si Samuel. Dala nito ang limang libong piso na pambayad ni Maria sa kaniya.

“Ate Daffodale, sabi ni Ate Maria, lamunin mo raw ang perang ito,” nauutal na wika ni Samuel, halata sa mukha ang disgusto sa sinabing bilin ng kapatid.

Matamis na ngumiti si Daffodale saka ginulo ang buhok ni Samuel. “Pakisabi sa ate mo na salamat sa pagbabayad niya ng utang,” aniya.

Hindi na niya pinatulan ang pang-iinis ni Maria, ano pang saysay? Ang mahalaga ay nakapagbayad na rin ito nang utang. Alam niyang kahit anong mangyari ay magkaibigan pa rin sila ni Maria, ‘yon nga lang ay hindi na ulit ito makakahiram sa kaniya ng pera.

Advertisement