Inday TrendingInday Trending
Nang Humiling ang Dating Kasintahan na Makipagbalikan ay Hindi Nag-atubili ang Binata; Ngunit Bakit Bigla Itong Nagpakasal sa Iba?

Nang Humiling ang Dating Kasintahan na Makipagbalikan ay Hindi Nag-atubili ang Binata; Ngunit Bakit Bigla Itong Nagpakasal sa Iba?

Advertisement

Abala si Joseph sa ginagawang trabaho nang biglang may hindi pamilyar na numero ang tumatawag sa kaniya. Nagtataka man ay sinagot niya ito at agad na tinanong kung sino ang tumatawag.

“Ako ‘to, Joseph, si Helen,” pakilala nang babae sa kabilang linya.

Nagulat man ay agad niyang kinumusta ang babae at tinanong kung anong sadya nito. Si Helen ay kaniyang dating kasintahan, halos dalawang taon na rin mula noong naghiwalay sila, dahil mas nais nitong mag-abroad kaysa ang makasama siya. Ayaw naman niyang makipaghiwalay rito noon, ngunit ayon sa babae ay iyon ang mas mabuting desisyon dahil mahirap daw ang magkarelasyon na nasa malayo.

Kahit labag sa kalooban ay pumayag si Joseph dahil ayaw niyang maging hadlang sa pangarap nito. Nakita naman niyang naging maayos ang buhay ni Helen, gaya ng pangarap nito noon ay nagbigyan ng dalaga ng magandang buhay ang pamilya. Paminsan-minsan ay nagkukumustahan sila, ngunit minsan lang iyon. Mas maigi na rin kasi iyong wala silang komunikasyon, upang mas madali ang makalimot.

“Pwede ba tayong magkita, Joseph? Bonding lang paminsan-minsan, nasa ‘Pinas kasi ako ngayon,” anito.

“S-sige, walang problema,” sang-ayon niya.

Ngayon ang araw na magkikita sila ni Helen. Kinakabahan siya at nasasabik sa muling pagkikita ng babae. Alam niyang mas gumanda ang mukha ni Helen at malaki na ang ipinagbago nito. At tama nga ang kaniyang naisip nang tuluyang makita ang babae.

“Namiss kita,” ani Helen at agad siyang niyakap nang mahigpit.

Alam ng Diyos kung gaano niya rin namiss si Helen. Marami silang napagkwentuhan at napag-usapan na umabot sa puntong nakalimutan na nila pareho ang oras. Ngayon napagtanto ni Joseph na hindi man lang nawala ang pagmamahal niya sa babae.

Mula nang araw na muli silang nagkita ni Helen ay palagi na silang nagkakausap sa selpon at palaging nagkikita. Minsan ay dinadalaw siya ng babae sa opisina niya at sabay silang kakain. Hindi alam ni Joseph kung ano ba ang meron sila, dahil ang buong akala ng mga kaibigan at kamag-anak nila’y muli silang nagkabalikan, ngunit ang totoo’y wala namang opisyal na sinasabi si Helen.

“Helen, gusto ko lang linawin kung ano ang meron sa’tin. Naguguluhan na rin kasi ako sa mga ipinapakita mo at ayokong bigyan nang malisya ang lahat ng ito. Kaya tinatanong kita,” seryosong wika ni Joseph sa babae.

“G-gusto kong bumalik tayo sa dati, Joseph,” nagsusumamong wika ni Helen. “Nagsisisi ako kung bakit ako nakipaghiwalay sa’yo noon, kung maibabalik ko lang ang oras at panahon,” malungkot nitong dagdag.

Niyakap ni Joseph ang babae. Iyon rin ang gusto niyang mangyari kaya walang dapat ipag-alala. Mula noon ay niligawan niyang muli si Helen at hindi nagtagal ay muli silang nagkabalikan. Sobrang saya ng mga kamag-anak at mga kaibigan nila sa balitang muli silang nagbalikan at s’yempre pati si Joseph ay masayang-masaya rin. Tama nga ang kasabihan na “kung kayo, kayo talaga”. Sa pagkakataong ito, alam na ni Joseph na si Helen na ang babaeng kaniyang pakakasalan.

Ngunit makalipas ang walong buwan, bigla na lang ay hindi na nagparamdam si Helen. Kahot anong tawag niya’t text ay hindi ito sumasagot. Pati pamilya nito ay hindi alam kung saan nagpunta ang babae.

“Akala ko’y magkasama kayo, Joseph,” anang ina ni Helen. “Noong lunes kasi ay nagtaka ako kung bakit bigla siyang may dalang maleta, kaya tinanong ko kung saan siya pupunta. Ang sagot niya ay may pupuntahan lang siyang malayo kasama ka, magbabakasyon daw muna kayo. Kaya hindi ko na kinuwestiyon kung saan siya pupunta, tapos ngayon hindi mo pala alam kung nasaan siya,” dugtong pa nito.

“Mama, may pinadalang litrato sa’kin ang ate,” ani Hanna, ang bunsong kapatid ni Helen.

Agad nilang tiningnan kung ano ang ipinadala ni Helen. Litrato kung saan ikinakasal ito. Nakasuot ng traje de boda kasama ang lalaking hindi nila kilala. Kasunod niyon ay isang mahabang mensahe nang paghingi nito ng tawad sa lihim nitong pagpapakasal.

Biglang nanlumo si Joseph sa nakita’t nalaman. Inamin ni Helen sa mensahe nito na ang lalaking kaniyang pinakasalan ay siyang tunay nitong mahal, ngunit hindi nito kayang aminin sa buong mundo noon dahil may asawa’t mga anak na ito. Ngayong na annul na ang kasal nito sa asawa ay agad silang nagpakasal nang lihim sa isang resort sa Batanes.

Ang daming taong sa isip ni Joseph, ang daming reyalisasyon ang biglang nagsulputan. Kaya pala sa tuwing magkasama sila ni Helen ay palagi itong tulala at tila may malalim na iniisip at ang bawat pagsasama nila ay palagi itong kumukuha ng litrato, iyon pala’y upang pagselosin lamang ang lalaking tunay nitong minamahal. Ginamit lang pala siya ng babae.

Makalipas ang apat na araw ay muling umuwi si Helen kasama ang asawa nito. Ayaw na sana niya itong kausapin, ngunit personal siyang pinuntahan ng babae sa bahay niya upang personal na humingi ng tawad.

“Ibig mo bang sabihin ay ginamit mo lang ako?” deretso niyang tanong.

Gusto niyang marinig sa mismong bibig nito ang katotohanan, kahit na napakasakit.

“Patawarin mo ako, Joseph,” nakayukong wika ni Helen. “Ang totoo ay wala akong balak na gamitin ka, ngunit wala akong pagpipilian. Bago pumayag ang asawa ni Carlo na i-annul ang kasal nila ay kinasuhan nito si Carlo at ako ng panloloko, dahil kabit raw ako ng asawa niya. Upang hindi siya paniwalaan ng korte ay ginamit kita upang sabihin sa lahat na may nobyo akong matagal ko nang nakarelasyon, kaya malabong may relasyon kami ni Carlo,” mahinahong paliwanag ni Helen.

“Oo, ginamit kita, upang pagtakpan ang kasinungalingan namin ni Carlo,” humihikbing wika nito.

Mariing naikuyom ni Joseph ang kamao. Kung pwede lang niyang pilipitin ang leeg ni Helen ay ginawa niya na. Pinaglaruan lang pala siya nito! Ang buong akala niya’y magtutuloy-tuloy na ang ganda nang relasyon nila, iyon naman pala’y may iba itong plano.

“Sana maging masaya ka sa panggagamit mo sa’kin, Helen. Magpasalamat ka pala sa’kin, dahil kung hindi dahil sa’kin ay hindi kayo makakalaya ng asawa mo sa kasinungalingam niyong dalawa!” mariin niyang wika.

Sa ngayon ay hindi niya alam kung paano niya mapapatawad si Helen, pero pipilitin niyang makalimot muli… sa ngayon ay sigurado na siyang wala nang natitirang pagmamahal sa puso niya para sa babae, natabunan na ito ng galit dahil sa ginawa nito.

Pipilitin niyang maging masaya para sa dalawang taong ginamit lamang ang pagmamahal at kabaitan niya. Balang araw ay naniniwala siyang darating din ang babaeng tunay na nakatakda sa kaniya.

Advertisement