Inday TrendingInday Trending
Pilit Itinaguyod ng Binata ang Pag-aaral sa Pamamagitan ng Pagtitinda ng Taho; Isang Matandang ‘Di Niya Kadugo ang Tutulong sa Kaniya

Pilit Itinaguyod ng Binata ang Pag-aaral sa Pamamagitan ng Pagtitinda ng Taho; Isang Matandang ‘Di Niya Kadugo ang Tutulong sa Kaniya

Advertisement

Madaling araw pa lang ay naghahanda na ang binatang si Luis para magtungo sa tindahan ng tiyo niya na isang supplier ng taho. Bago kasi pumasok si Luis sa paaralan ay nagtitinda muna ito ng taho sa umaga. Pagdating ng hapon ay nagmamadali naman itong gumagayak upang hindi mahuli sa klase.

“Luis, mauubos mo ba ang taho na ito? Baka mamaya ay malugi na naman ako sa’yo! Maging tokwa lang ang lahat ng ito!” sambit ng tiyong si Mang Cardo.

“Hindi po, tiyo. Sisikapin ko pong maubos ang lahat ng iyan ngayong umaga. Pasensiya na kayo noong isang araw at talagang nag-uuulan lang kaya hindi ako makabenta,” paliwanag naman ng binata. 

“Naku, tigil-tigilan mo nga ako sa mga pagdadahilan mo, Luis! Ang sabihin mo ay tatamad-tamad ka! Baka nahihiya ka kasing sumigaw kaya hindi ka nakakabenta! Isang araw pa na hindi mo maubos ang tinda mo ay hindi ka na talaga makakaangkat sa akin ng taho!” dagdag pa ni Mang Cardo sa pamangkin.

Napabuntong hininga na lamang si Luis. Natatakot siya na baka tanggalin siya ng kaniyang tiyuhin kung hindi siya makakaubos ng paninda. Kailangang-kailangan pa naman niya ang hanapbuhay na ito dahil dito siya kumukuha ng kaniyang panggastos sa paaralan. 

Kung ang mga magulang kasi ni Luis ang tatanungin ay hindi na ito payag pang magkolehiyo ang binata. Nais na ng mga ito na magtrabaho na lamang nang permanente ang binata nang sila ay matustusan din. Ngunit hindi makakapayag si Luis na hindi matupad ang kaniyang pangarap na maging isang seaman.

Patingin-tingin si Luis sa kaniyang relo. Ilang oras na lang kasi ay kailangan na niyang ibalik ang kaniyang mga lalagyan sa tanggapan ng kaniyang tiyuhin at hindi pa rin niya nauubos ang laman nitong taho.

“Malilintikan talaga ako sa tiyo ko nito. Siguro ay kailangan ka na talagang maghanap ng ibang trabaho. Bakit kasi kahit anong lakas ng sigaw ko ay walang gustong bumili ng taho dito sa lugar na ito,” sambit niya sa sarili.

Kaya naisipan niyang mag-iba ng ruta.

Sa isang maliit na eskinita ay nakita niya ang maraming batang naglalaro. Pansamantalang huminto si Luis at isinigaw ang kaniyang tindang taho. 

Maya-maya ay nagpulasan ang mga bata pauwi sa kanilang mga bahay. Nabuhayan ng loob si Luis. Ngunit paglabas ng mga bata ay wala man lamang isang binigyan ng kanilang mga magulang ng pambili ng mainit na taho. 

Muling napabuntong hininga si Luis. Tinanggap na lang niyang hindi na siya makakaubos muli ng taho ng araw na iyon.

Ilang sandali pa ay may lumapit na matanda sa kaniya.

“Hijo, marami pa ba ang taho mo? Kasya pa ba para sa lahat ng mga batang iyan?” tanong ng matandang ginang na si Aling Precy. 

“O-opo. Marami pa po itong taho. Sa katunayan nga po ay hirap akong ubusin ito. Kagagalitan na naman ako ng tiyo ko,” nalulungkot na sambit ni Luis.

“O siya, tamang-tama. Bigyan mo ang lahat ng batang iyan at ako ang magbabayad,” nakangiting sambit ni Aling Precy.

Nagmadali si Luis na mabigyan ng taho ang lahat ng bata.

“Naku, maraming salamat po at inubos niyo ang paninda ko, ginang. Hindi ko na po alam ang gagawin ko kanina. Tinanggap ko na pong mawawalan na ako ng trabaho. Malaking tulong po ito sa akin dahil ang kinikita ko po rito ang ginagamit ko para sa aking pag-aaral,” saad pa ni Luis. 

Masayang-masaya naman si Aling Precy na malamang nakatulong pala siya sa binata.

“Tuwing araw ng Biyernes ay magtungo ka rito sa eskinita namin. Tapos sa araw naman ng Linggo ay sa tapat ng simbahan. Naroon ako dahil nagsisilbi ako sa parokya. Subukan nating maubos ang tinda mong taho. Nais kong makatulong sa iyo kahit na sa maliit na paraan,” wika pa ni Aling Precy.

Sa unang pagkakataon ay natuwa si Mang Cardo dahil simot ang tahong paninda ni Luis.

Tuwing araw ng Biyernes at Linggo ay nakikipagkita si Luis sa matandang kaibigan. Dahil kay Aling Precy ay palaging nauubos nang mabilis ang tindang taho ng binata. Nagpatuloy ito hanggang sa makatapos na ng pag-aaral si Luis. 

Lumipas ang panahon at naging isang ganap na seaman na ang binata. Pero kahit kailan ay hindi pa rin niya nalilimutan ang matandang babaeng tumulong sa kaniya upang magkaroon siya ng panggastos sa araw-araw.

Isang araw nang nagbabakasyon sa Pilipinas ang binata ay dinalaw niya si Aling Precy sa tinutuluyan nito.

Nagbago na ang pangangatawan ng matanda. Ang dating maliksing kumilos na matanda ay nakaupo na lamang sa kaniyang wheelchair habang pinapanood ang mga batang kapitbahay na naglalaro. 

Natandaan ni Luis na wala nga palang anak itong si Aling Precy at mag-isa lamang ito noong araw. Marahil ito ang dahilan kung bakit sa pagkakasakit ng matanda ay walang umaasikaso dito.

Agad na nagmano si Luis nang makalapit kay Aling Precy.

“Natatandaan n’yo pa po ba ako?” tanong ni Luis sa matanda.

Dahil malala na ang katarata sa mata ay hindi na makita pa nang maayos ni Aling Precy si Luis. 

“Ako po ito, Aling Precy, si Luis,” sambit ng binata.

“Aba’y nakakatuwa naman at ang laki ng ipinagbago mo! Pasensya ka na sa akin at hindi kita nakilala agad. Kumusta na ba ang buhay mo? Nagtitinda ka pa rin ba ng taho? Hindi ka ba nakapagtapos ng pag-aaral? Bigla ka na lang hindi nagpakita dito. Akala ko’y kung ano na ang nangyari sa iyo,” pahayag ng matanda. 

“Pasensya na po kayo, Aling Precy. Biglaan kasi ang offer sa akin sa barko kaya hindi na ako nakapagpaalam. Nakatapos po ako ng pag-aaral, maraming salamat po sa tulong ninyo. Isa na po akong ganap na seaman. Dumalaw talaga ako dito para makita ko kayo,” saad naman ni Luis. 

“Ito, matanda na ako at nanghihina na. Masaya akong malaman na naabot mo ang mga pangarap mo. Noon pa man ay alam ko nang magiging matagumpay ka sa buhay,” nakangiting sambit ni Aling Precy.

“Aling Precy, ngayon pong maayos na ang buhay ko ay hayaan n’yo po akong ibalik ang kabaitan niyo sa akin. Alam ko pong wala pa ito sa laki ng naitulong niyo sa akin noon pero nais ko pong ipagamot kayo nang sa gayon ay bumuti na ang inyong kalagayan at makapaglakad kayong muli. Isa pa, ipagagamot natin ang mga mata niyo nang makakita kayo nang maayos. At saka bukod po sa kabuhayang tindahan na ibibigay ko sa inyo ay nais ko kayong bigyan pa ng pantustos buwan-buwan para sa mga iba n’yo pang pangangailangan,” saad muli ng binata. 

Hindi makapaniwala si Aling Precy sa mga sinabing ito ni Luis. Hindi niya akalain na ang simpleng pagtulong niya noon sa binata ay magiging ganitong kalaking pagpapala sa kaniya.

“Hulog ka ng langit sa akin, Luis. Hindi ko akalaing sa tanda kong ito ay may magmamalasakit pa sa akin. Maliit na bagay lang ang nagawa ko sa iyo, Luis. Sobra-sobra ang lahat ng ito,” lumuluha sa tuwa ang matanda.

“Kayo ang hulog ng langit sa akin, Aling Precy. Akalain n’yong ang taong hindi ko pa kadugo ang tutulong at magtitiwala sa akin at sa aking mga pangarap. Hindi po ako makakarating sa kinaroroonan ko ngayon kung hindi dahil sa kabutihan n’yo. Maliit pa po ito kumpara sa nagawa niyo sa buhay ko. Maraming salamat po, Aling Precy,’ saad naman ni Luis.

Tuluyang ipinagamot ni Luis si Aling Precy upang bumalik ito sa dati niyang sigla. Kada buwan ay binibigyan ni Luis ng allowance ang matanda. Ito ang tanda ng pagtanaw ni Luis ng utang na loob sa matandang tumulong sa kaniya noong inaabot pa lamang niya ang kaniyang mga pangarap.

Advertisement