Inday TrendingInday Trending
Upang Mapabilang sa Grupo ay Kinailangan ng Binatilyo na Perwisyuhin ang Matandang Kapitbahay; Hindi Niya Akalaing Ito pa Pala ang Magtatanggol sa Kaniya

Upang Mapabilang sa Grupo ay Kinailangan ng Binatilyo na Perwisyuhin ang Matandang Kapitbahay; Hindi Niya Akalaing Ito pa Pala ang Magtatanggol sa Kaniya

Advertisement

“Dodong, kailangan ba talagang gawin ko ito? Baka naman p’wedeng iba na lang ang iutos mo? Natatakot kasi akong mahuli at maparusahan,” sambit ng natatakot na binatilyong si Tope.

“Kung hindi mo kayang batuhin ang bahay ng matandang si Ka Dencio ay hindi ka p’wedeng maging kaibigan namin. Lahat kami ay dumaan sa pagsubok. Kung naduduwag ka ay itigil na natin ito. Pero simula sa araw na ito ay hindi mo na kami matatawag na kaibigan,” sambit pa ni Dodong.

Dahil masyadong naiinip si Dodong ay pinakitaan niya ang binata. 

“Napakadali lang naman ng gagawin mo! Ganito lang, o!” sambit ni Dodong sabay bato sa bubungan ng bahay ng matanda.

“Ngayon ay batuhin mo naman ang bintana ng bahay ni Ka Dencio. Dapat ay mabasag mo para maging isa ka na sa amin! Kung hindi mo magagawa ay hindi ka namin tatanggapin,” pananakot pa ni Dodong.

Hinigpitan ni Tope ang pagkakahawak sa bato. Natitigilan man siya ay kailangan niya itong gawin kung hindi ay palagi na lamang siyang pagkakaisahan ng magkakaibigan. Nang akmang babatuhin na niya ang bahay ay nakita sila ng isang kapitbahay.

“Hoy, mga bata! Anong ginagawa n’yo riyan? Mambabato kayo ng bahay, ano?” sigaw ng ginoo.

Dahil sa takot ay nagpulasan ang mga bata.

“Tope, hindi pa tapos ang pagsubok mo! Nakaligtas ka ngayon pero bukas ay may ipapagawa pa rin kami sa iyo para patunayan mo ang iyong sarili sa amin!” saad pa ng binata.

Ayaw naman talaga ni Tope na makipagkaibigan sa mga kabataang ito. Ngunit wala siyang magawa. Bukod kasi sa lagi siyang pinagtitripan ng mga ito ay wala rin siyang lakas ng loob na lumaban kapag pinagbubuhatan siya ng kamay.

Wala naman siyang mapagsumbungan dahil wala ang kaniyang ama. Matagal na itong yumao at mag-isa lamang ang kaniyang ina na tumataguyod sa kaniya. Ayaw na niya itong bigyan pa ng sakit ng ulo kapag nalamang siya ay napaaway.

‘Ika nga nila, kung hindi mo matalo at samahan mo na lang. Kaya ito ang ginagawa ni Tope. 

Kinabukasan ay muling nagkita-kita ang magbabarkada.

“Nakita mo ‘yang si Ka Dencio? Mamaya ay sisirain naman natin ang pananim niyang mga halaman. Ibuwal mo ang malaking halamang iyon. Tiyak akong mahihirapan siyang itayo ‘yun!” tatawa-tawang utos ni Dodong. 

“Bakit ba laging sa Ka Dencio ang gusto niyong salbahihin? Matanda na siya at wala na siyang kalaban-laban. Nag-iisa na rin siya sa kaniyang bahay. Nakakaawa naman!” sambit naman ng nag-aalalang si Tope.

“Kaya nga mas nakakatawa dahil wala siyang kalaban-laban sa mga gagawin natin sa kaniya. Malaya nga tayong gawin ang lahat dahil hanggang sigaw lang ang kayang gawin ng matandang iyan! Ano ba? Kaya mo bang gawin o hindi? Ang dali-dali na nga ng pinapatrabaho ko sa iyo ay hindi mo pa rin kaya? Bubuwalin mo lang ‘yung halaman!” giit ni Dodong.

“Kung hindi mo kaya ay alam mo na ang mangyayari sa iyo. Baka makasama ka kay Ka Dencio sa pagtitripan ng barkada!” dagdag pa ng masamang binatilyo.

Ipinakita ni Tope sa mga binatilyo na binuwal niya ang tanim ng ginoo. Ngunit pagsapit ng gabi ay binalikan niya ito upang itayong muli.

“Pasensya na at alam kong may buhay ka rin. Hindi ko naman talaga gustong itumba ka. Hindi ko lang talaga alam ang gagawin ko sa magbabarkadang ‘yun!” wika ni Tope habang kinakausap niya ang nabuwal na halaman.

Kinabukasan ay muling nagkita-kita ang magkakaibigan. Sa panahong ito ay nais ni Dodong na gasgasan ang lumang sasakyan ni Ka Dencio. 

“Huwag naman, sobra naman ang gusto mong gawin, Dodong. Hindi na tama ‘yan!” pigil ni Tope.

“Naduduwag ka na naman, Tope! Huwag ka ngang sumama sa amin kung kokontra ka lang nang kokontra! Gamitin mo ang bisikleta mo para gasgasan ang sasakyan ni Ka Dencio. Gagamitin din namin ang sa amin. Kaniya-kaniya tayong gasgas para masaya!” utos muli ni Dodong. 

Mabilis na ginawa ni Dodong at kaniyang mga kabarkda ang plano at agad silang umalis. Nang pagkakataon na ni Tope ay natigilan siya.

“H-hindi ko talaga kaya! Naaawa ako sa matandang ito,” sambit ni Tope sa kaniyang sarili.

Imbis na gasgasan ni Tope ang sasakayan ng matanda ay nilinis na lamang niya ito.

Kinabukasan, kinakantiyawan ni Dodong at ng kaniyang mga kaibigan itong si Tope.

“Huwag ka nang sasama pa sa amin dahil mahina ang loob mo! Walang puwang ang mga duwag sa grupo namin!” saad ni Dodong sabay tulak sa binata.

Nang matumba si Tope ay pinagtulungan nila itong gulp*hin. 

Maya-maya ay lumabas si Ka Dencio sa kaniyang bahay at may dala itong baril.

“Mga wala talaga kayong magawang matino, ano? Kapag hindi n’yo tinigilan ang binatilyong iyan ay papuputukan ko talaga kayo! Ayos lang sa akin ang makulong dahil matanda na ako at wala na akong nais pang gawin sa aking buhay! Kaya hindi ako magdadalawang-isip na kalabitin ang gatilyo!” sigaw ng matanda. 

Magtatakbuhan na sana ang mga magbabarkada nang isa-isa silang dinampot ng mga tanod.

“Sa wakas ay nahuli rin namin kayo sa akto. Ngayon ay dadalhin namin kayo sa pulisya nang sila na ang magsampa ng kaso sa inyo! Maraming reklamo kayong kahaharapin kay Ka Dencio at sa iba pang mga pineperwisyo n’yo!” sambit ng isang tanod. 

Takot na takot sina Dodong at kaniyang mga kaibigan. Wala silang ginawa kung hindi umiyak at humingi ng tulong at kapatawaran kina Ka Dencio at Tope.

“Maraming salamat po, Ka Dencio, sa tulong ninyo. Pero bakit n’yo po ako tinulungan? Hindi po ba kayo galit sa akin dahil isa ako sa kanila?” pagtataka ni Tope. 

“Kitang-kita ko ang lahat ng ginawa mo. Nakita ko kung paano ka nagdalawang-isip na batuhin ang bahay ko. Kung paano mo inayos ang binuwal mong halaman at kung paano mo rin nilinis ang sasakyan ko. Alam kong iba ka sa kanila. Marahil ay naliligaw ka lang ng landas kaya nais kitang tulungan. Kung sa tingin mo ay wala kang mapuntahan o wala kang makausap ay bukas ang bahay ko para sa iyo,” saad pa ni Ka Dencio. 

Labis ang pasasalamat ni Tope sa matanda.

Hindi lang dito nagtapos ang pagkakaibigan ng dalawa. Binigyan din ni Ka Dencio si Tope ng bagong bisikleta para may magamit ito. 

Ngayon ay wala nang nang-aasar pa o nangungutya kay Tope dahil alam nilang nariyan ang matandang si Ka Dencio para siya ay ipagtanggol.

Hindi akalain nina Tope at Ka Dencio na makakahanap sila ng tunay na kaibigan sa katauhan ng isa’t isa.

Advertisement