Inday TrendingInday Trending
Panay Linis ng Ginoo sa Puntod na Walang Dumadalaw; Walang Nag-Akalang Ito pa pala ang Magdurugtong sa Buhay ng Anak Niya

Panay Linis ng Ginoo sa Puntod na Walang Dumadalaw; Walang Nag-Akalang Ito pa pala ang Magdurugtong sa Buhay ng Anak Niya

Advertisement

“Delyo, tara na at tirik na ang araw. Pabayaan mo na ‘yang puntod na ‘yan! Umuwi na tayo!” saad ng matandang kamag-anak at kasamahan sa trabaho ng ginoo na si Mang Nestor.

“Sige po, tiyo. Mauna na po kayo at sandali na lang po ito. Wawalisin ko na lang po ang mga ligaw na damo na binunot ko saka pupunasan ko ang lapida,” saad naman ni Delyo. 

“Sige, ikaw ang bahala. Pero kanina dumaan ang asawa mong si Jasmin at hinahanap ka. Kanina pa raw siya nag-iikot para sa gamot ng anak mo. Umuwi ka na. Pabayaan mo na ‘yang puntod na iyan at hindi naman pinaalaga sa iyo ng may-ari ‘yan, ‘di ba? Umuwi ka na at kailangan ka ng mag-ina mo,” dagdag pa ng matanda. 

“Sige, tiyo. Susunod na rin po ako,” nagmamadali nang wika ng ginoo.

Minana na ni Mang Delyo ang trabahong tagapangalaga ng mga puntod sa kaniyang yumaong ama. Dahil hindi nakatuntong ng pag-aaral ay ito lamang ang ibinubuhay niya sa kaniyang mag-ina. Binayaran si Mang Delyo ng dalawang daan at limangpung piso ng bawat pamilyang may-ari ng puntod na kaniyang nililinis. Hindi ito sapat para sa pantustos sa anak na may sakit kaya namasukan din siya sa sementeryo bilang utusan. Inuutusan kapag may mga kailangan o may nakaburol sa kapilya. 

Hinintay ni Mang Nestor ang pamangkin na matapos sa paglilinis ng puntod para sabay na silang umuwi.“Delyo, bakit ba pinag-aaksayahan mo pa ng panahon ang paglilinis ng puntod na iyon? Nakita mo na ba ang may-ari ng puntod na iyon? Linis ka nang linis wala ka namang napapala. Pabayaan mo na kasi ‘yun. Kung ang mga kamag-anak nga niya ay ‘di na siya naaalala. Bakit ka pa nagmamalasakit d’yan?” tanong ni Mang Nestor. 

“Hindi naman po kumukunsumo ng masyadong oras ko ang paglilinis ng puntod na iyon. Naaawa kasi ako dahil wala na ngang bumibisita at napapabayaan na ang mga damo. Saka madalas naman akong makisilong sa puntod na iyon dahil maganda ang lilim ng puno na nakatanim malapit sa kaniya,” tugon naman ng ginoo.

“Siya nga pala, Delyo, kumusta na ang anak mo? Hindi ba’t kailangan siyang maoperahan dahil sa komplikasyon sa atay niya? Ang kwento sa akin ni Jasmin ay malaki-laki raw ang gagastusin doon,” pag-aalala pa ng tiyuhin. 

“Oo nga po, tiyo. Hindi ko nga alam kung saang kamay ng Diyos ko pupulutin ang halos isang milyong piso para maoperahan si Junior. Kung kani-kanino na rin po kami lumapit. Minsan nga ay nawawalan na rin kami ng pag-asa. Naaawa ako sa tuwing nakikita ko ang kalagayan ng anak ko,” naluluhang wika pa ni Delyo.

“Hayaan mo at magtatanong-tanong rin ako sa mga kilala ko kung paano kami makakatulong sa operasyon ng anak mo. Baka mamaya ay mailapit natin sa politiko,” wika pa ni Mang Nestor.

Nang makauwi na si Delyo ay agad siyang sinalubong ng asawang si Jasmin.

“Delyo, bakit ang tagal mo? Kanina pa kita hinihintay. Paubos na kasi ang gamot ni Junior. Wala na rin siyang gatas. Kanina ay sinubukan ko nang mangutang sa tindahan ngunit ayaw na akong pautangin ni Aling Ellen. Mahaba na raw kasi ang listahan natin sa kaniya. Tumawag na rin ako sa ilang kaanak ko pero wala na rin silang mapautang e,” natatarantang bungad ni Jasmin. 

“Huwag ka nang mag-alala at ako na ang bahala. Pupuntahan ko lang ang ilang kaibigan ko para makahiram ng pera. Bantayan mo na lang muna dito si Junior,” wika naman ni Delyo. 

Bago siya umalis ng bahay ay pinadalhan na niya ng mensahe ang lahat ng kaniyang amo upang makabale siya. Saka siya nagtungo sa kanilang opisina.

Sa kasamaang palad ay ayaw na rin siyang pautangin.

“Babale ka na naman, Delyo? Aba’y, halos isang taong sahod mo na ang inadvance mo dito sa opisina. Hindi na p’wede ngayon,” saad ng pamunuan.

“Parang awa n’yo na po. Kailangan kasi ng gatas at gamot ng anak ko. Alam n’yo naman po ang kalagayan niya,” pagmamakaawa ng ginoo. 

“Hindi na talaga p’wede, Delyo. May mga patakaran tayo dito. Sobra-sobra na nga ang naibigay namin sa’yo. Sa iba ka na lang muna maghanap ng pera,” mariing sambit pa ng namumuno. 

Walang nagawa si Delyo kung hindi pumunta sa kaniyang mga kaibigan. Ngunit maging sila ay walang maipahiram sa ginoo. Mabuti na lamang at may nautangan si Mang Nestor para ibigay kay Delyo.

“Malaking tulong po ito para maitawid ang tatlong araw niyang gamutan at gatas, tiyo. Maraming salamat po,” sambit ng ginoo.

Agad na bumili ng mga kailangan si Delyo. May dala man siyang gamot at gatas sa araw na ito ay batid niyang sa mga susunod na araw ay hindi matatapos ang pamomroblema niya dahil sa sakit ng anak. 

Dumaan muna siya sa pinakamalapit na simbahan bago umuwi.

“Diyos ko, ang nais ko lang naman ay madugtungan ang buhay ng aking anak. Ang sabi nila’y wala raw po Kayong ibinibigay na suliranin na hindi kakayanin. Tulungan N’yo po kaming kayanin ang lahat. Nawa po’y mabuhay na nang maayos ang anak ko,” pagsusumamo ng ginoo. 

Naluluha-luhang umalis si Delyo ng simbahan pauwi ng kanilang tahanan. Sa araw na iyon ay naitawid ni Delyo ang pangangailangan ni Junior.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nagtungo na si Delyo sa sementeryo para maglinis ng mga puntod. Nais kasi niyang matapos nang maaga nang sa gayon ay makahanap siya ng iba pang pagkakakitaan. 

Bago umuwi ay dumaan muna siya sa puntod na nililinis niya nang libre. 

“Lalagyan ko na rin ng pataba ang bermuda mo nang sa gayon ay maganda rin ang tubo,” saad ni Delyo na tila kinakausap ang puntod. 

Habang nililinis niya ang puntod ay tumunog ang kaniyang selpon. Tawag iyon ng kaniyang asawang si Jasmin.

“Bakit, Jasmin? May nangyari ba?” nag-aalalang wika ni Delyo.

“Umuwi ka na kaagad dito, Delyo. Kailangan nating dalhin sa ospital si Junior dahil inaapoy siya ng lagnat. Bilisan mo!’ umiiyak na sambit naman ng ginang.

Dali-daling umuwi ang ginoo upang maisugod sa ospital ang anak. Pagdating sa ospital ay tinapat na sila ng doktor. 

“Lumalala na ang kalagayan ng anak n’yo. Kailangan na talaga siyang maoperahan sa lalong madaling panahon,” saad ng doktor.

Hindi na napigilan ni Delyo at Jasmin ang maluha. Gustuhin man nilang iligtas ang anak ay hindi nila talaga alam kung saan kukuha ng malaking pera. Sa pagkakataong ito ay umaasa na lamang ang dalawa sa milagro.

Alam ni Delyo na walang mangyayari kung maghihintay lamang siya sa ospital. Kaya isa-isa niyang tinawagan ang kaniyang mga amo upang ipaalam ang nangyari sa kanila. Ngunit hindi pa rin sapat ang tulong na ibinigay ng mga ito.

Hanggang sa dumating si Mang Nestor sa ospital at hinahanap ang pamangkin.

“Delyo! May kasama ako sa labas at nais ka raw makilala. Sa tingin ko ay malaki ang maitutulong niya sa iyo sa kalagayan n’yo!” humahangos na saad ng tiyuhin.

Nag-aalangan man ay pinuntahan ni Delyo ang sinasabi ng tiyuhin. At doon nga niya kaharap ang isang babae.

“Delyo, ako nga pala ang anak ng nakalibing sa puntod na lagi mong nililinis. Nagtataka ako na sa halos dalawang dekada na walang nakakadalaw sa ama ko ay malinis pa rin ang kaniyang puntod. Nang magtanong ako ay ikaw nga ang itinuro nila. Nais sana kitang pasalamatan nang personal. Nang magtanong-tanong naman ako ay hindi na nila naiwasan na sabihin ang pinagdadaanan mo ngayon. Nais ko sanang tumulong bilang kabayaran sa nagawa mo. Isa akong doktor sa Amerika. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi na kami nakauwi pa dito sa Pilipinas kaya hindi na namin nadadalaw ang puntod ng aming ama. Nagpapasalamat ako sa pangangalaga mo sa kaniyang libingan. Hayaan mong makabayad ako sa iyo,” wika ng babae. 

Bigla na lamang pumatak ang mga luha ni Delyo. Sa pagkakataong ito ay batid niyang tinupad na ng Diyos ang kaniyang mga panalangin.

Kinuwento ni Delyo ang lahat ng tungkol sa sakit ng kaniyang anak. Hindi naman nag-atubili ang nasabing doktor na tulungan ang kaawa-awang bata. 

Bilang pasasalamat kay Delyo ay inilipad niya ang pamilya patungong Amerika upang doon na rin ipagamot ang bata. Sinagot din ng doktor ang operasyon ng bata at ang lahat ng pangangailangan nito hanggang sa tuluyan itong gumaling.

Hindi akalain ni Delyo na ang pagmamagandang loob niya sa isang inabandonang puntod ang magdurugtong sa buhay ng kaniyang nag-iisang anak.

Dito niya napatunayan na talagang kinalulugdan ng Panginoon ang mga taong gumagawa ng mabuti sa kapwa. 

Hindi naglaon ay tuluyan nang bumuti ang kalagayan ni Junior at nakauwi na rin ang mag-anak sa Pilipinas. Bumalik na rin sa kaniyang trabaho bilang tagalinis ng puntod itong si Delyo. Araw-araw ay hindi niya nakakalimutan na daanan ang puntod na nagbigay sa kaniya ng pag-asa.

Advertisement