Inday TrendingInday Trending
Hindi Makalilimutan ng Binata ang Karumal-Dumal na Sinapit ng Kaniyang Buong Pamilya; Sisirain Niya ang Sariling Buhay Maipaghiganti Lamang Sila

Hindi Makalilimutan ng Binata ang Karumal-Dumal na Sinapit ng Kaniyang Buong Pamilya; Sisirain Niya ang Sariling Buhay Maipaghiganti Lamang Sila

Advertisement

Puno ng galit ang ngayon ay dalawampu´t dalawang taon nang si Michael. Pinilit niyang magbagong-buhay sa pamamagitan ng paglayo sa kanilang dating tahanan. Pati na pagbago ng kaniyang pangalan ay ginawa niya para lamang wala nang makakilala pa sa kaniya. 

Sampung taon na ang nakakalipas, isang gabi, dalawang lalaki ang nanloob sa tahanan ng kaniyang masayang pamilya habang sila ay mahimbing na natutulog. Kasama sa kaniyang tahanan ang kaniyang ama at ina pati na ang kaniyang bunsong kapatid na babae na noon ay limang taong gulang pa lamang. Nang hindi magtagumpay sa pagnanakaw, walang awang tinapos ng mga iyon ang buhay ng kaniyang buong pamilya. Habang siya, naisalba pa na nag-aagaw buhay sa ospital. 

Kitang-kita ng dalawang mga mata ni Michael ang karumal-dumal na nangyari sa kaniyang buong pamilya. At kahit na ilang taon na ang lumipas, dala niya sa kaniyang puso at isip kahit na sa panaginip ang masamang nakaraan. Aniya, isa iyong masamang panaginip na hiniling niyang sana ay hindi na lamang siya naisalba. 

Ilang taon din siyang hindi tinigilan ng mga tao sa kaniyang paligid matapos ang insidente. Kaliwa´t kanan ang mga panayam sa kaniya ng media pati na ng mga taong nakikisawsaw lang. Hanggang siya ay dalhin sa isang ampunan dahil wala siyang kamag-anak na kukupkop sa kaniya.

Sa ampunan, hindi rin siya nakatakas mula sa pangungutya ng ibang bata na naroon. Kung minsan pa nga ay walang awa siyang pinagtutulungang saktan ng mga ito. Pagod na pagod na sana siyang mabuhay at nang magkaroon siya ng pagkakataon makaalis, hindi na siya nagdalawang-isip pa. 

Kinuha niya ang pera ng isa sa mga tagapangalaga ng ampunan at mabilis na inakyat ang gate ng bahay sa kalagitnaan ng gabi habang ang lahat ay mahimbing na natutulog. Habang nasa kalye, masalimuot din ang nangyari sa kaniya. Nang maubos ang perang kinuha niya, natuto siyang magnakaw ng pagkain sa mga karinderya at makisama rin sa mga batang kalye. 

Isang hapon, habang kumakalam ang kaniyang sikmura, nakita niyang bumili ng sigarilyo ang isang lalaki at iniwan ang sasakyan nito. Sinilip niya iyon at nakita niyang nasa loob nito ang wallet ng lalaki. Agad niyang binuksan ito at kinuha ang pitaka. Ngunit gulat siya nang makita ang lalaki sa kaniyang likuran. Mabilis niya itong ibinalik sa lalaki at humingi ng tawad sabay hawak sa kaniyang tiyan.

Malungkot na lumakad si Michael palayo ngunit sinundan siya ng lalaki. Nakangiti ito at niyaya siyang kumain sa may karinderya. Nagkwentuhan ang dalawa na para bang sila ay matagal nang magkakilala. Doon nagsimula ang magandang buhay na naghihintay para sa batang si Michael. 

Pinalitan niya ang kaniyang pangalan at kinupkop siya ng mabait na mag-asawa na nakatagpo niya sa kalye. Laking pasasalamat ni Michael ngayong sampung taon na ang nakakalipas ay nakapagtapos na siya ng kolehiyo. Subalit sa likod ng kaniyang maamo at malambing na mga ngiti ay ang madilim niyang plano.

Isang araw, isang balita ang gumulat sa kaniyang mga magulang. Dinakip raw ng mga pulis si Michael at ngayon at nasa kulungan na. Sinadya ng binata na mahuli ng mga pulis habang siya ay may hawak na ipinagbabawal na gamot. Walang magawa ang kaniyang mga magulang kundi ang maiyak sa kinahantungan ni Michael. Ang tangi niyang sambit sa mga ito ay patawad lamang.

Isang umaga, habang siya ay nagwawalis sa hardin ng kulungan, naroon din ang iba pang mga preso. Umigting ang galit sa mga mata ng binata nang muling makita ang lalaking tumapos sa buhay ng kaniyang buong pamilya. Sa mga oras na iyon, nais na niya itong tapusin kahit na maging buhay man niya ang maging kapalit. Ngunit tumunog na ang bell at hudyat na natapos na ang kanilang panunungkulan sa araw na iyon. Muli silang nagsibalik sa kani-kanilang mga selda habang si Michael ay buo na ang pasya. 

Lumipas pa ang mga araw, habang nasa piitan ang binata, pilit namang inilalaban ng kaniyang mga magulang na mailabas siya kahit na inamin na niya ang kaniyang plano at ang madilim na nakaraan. Hanggang sa dumating ang araw na mayroon na siyang itinagong matalim na bagay at ang kulang na lamang ay itusok ito sa may puso ng lalaking kinamumuhian niya.

Ilang sandali pa, bago tumunog ang bell, mabilis na tumakbo si Michael sa kinaroroonan ng lalaki at sinunggaban ito. Tumunog ang bell nang makita ng mga pulis ang magulong pangyayari. Agad na rumesponde ang mga ito at isinugod sa ospital ang lalaki. Habang si Michael naman ay muling ikinulong sa kaniyang selda. 

Gulat na gulat ang binata at hindi niya akalaing kaya niyang tumapos ng buhay ng isang tao. Subalit pinipigilan niya ang konsensiya sa kadahilanang tama naman daw iyon at nararapat lamang iyon sa mga taong kagaya ng lalaking iyon. Patuloy na nag-aagaw ang isip at puso ni Michael sa kaniyang ginawa. At sa huli, nanaig pa rin ang kaniyang pagsisisi dahil tunay na mabuti ang kaniyang puso. Patuloy na umiyak sa pagsisisi ang binata hanggang siya ay makatulog. 

Nagising si Michael na tinatawag siya ng mga pulis. Akala niya ay papatawan na siyang muli ng panghabambuhay na pagkakakakulong. Subalit nakita niya sa may gate ang kaniyang mga magulang na umiiyak habang nakangiti. Gulat siya nang sabihin ng mga pulis na siya raw ay laya na. 

Tinapik niya ang sarili kung panaginip lang daw ang lahat. Ngunit niyakap siya ng kaniyang mga magulang at tinapik tapik din siya bilang pag-alo sa kaniya. Nalinis na raw ang kaniyang kaso sa ipinagbabawal na gamot at binawian na ng buhay ang lalaki na dapat ay kaniyang tatapusin. Sakto raw itong inatake sa puso noong mga oras na sinunggaban niya ito bago pa man niya maitarak ang hawak na patalim dito. Kung kaya naman, malinis ang pangalan ng binata sa lahat ng kaso.

Laking pasasalamat ng binata sa nangyari at sa Maykapal. Kahit na hindi naging madali sa kaniya ang buhay, patuloy pa rin siyang ginagabayan at pinagpapala. Ngayon ay palalayain na niya ang lahat ng naipong poot sa kaniyang puso. Susubukan na niyang mabuhay nang walang kinikimkim na galit at susubukang lasapin ang saya ng buhay kasama ang mga magulang na nagmahal at kumalinga sa kaniya.

Advertisement