Inday TrendingInday Trending
Nagtanim ng Galit ang Dalagang Ito sa Kaniyang mga Kamag-anak na Hindi Tumulong sa Kanila Noong Naghihirap Sila; Pagsisisihan Niya Pala Ito

Nagtanim ng Galit ang Dalagang Ito sa Kaniyang mga Kamag-anak na Hindi Tumulong sa Kanila Noong Naghihirap Sila; Pagsisisihan Niya Pala Ito

Advertisement

Habang tumatagaktak ang pawis ng dalagang si Isay, halos kumintab na ang kaniyang hinuhugasang pinggan dahil naaalala na naman niya ang pagpanaw ng kaniyang ama dahil lamang sa sakit sa bato. Hindi kasi ito naagapan at hindi na naipagamot dahil kapos sila sa pera na kahit pangkain na lamang nila sa araw-araw ay hindi na matustusan. Kasunod ng pag-alala niya sa kaniyang ama na yumao, ang kaniyang ina naman na ngayon ay nangangailangan na rin ng gamot sa sakit nito na diabetes. Lalo lamang siya nagngingitngit sa galit sa tuwing maaalala niya kung paano sila nagmakaawa ng kaniyang ina sa mga kamag-anak na may kaya upang masagip lamang ang kaniyang ama subalit hindi sila binigyan ng mga ito. Kung kaya, ang pagpanaw at paghihirap nila ngayon ay isinisisi niya sa mga kamag-anak na walang puso.

Kasabay ng kaniyang pagtatrabaho bilang kasambahay sa isang malaking bahay malapit lamang sa kanilang tahanan, pilit niya pa ring iginagapang ang kaniyang pag-aaral. Hindi niya ito pinababayaan dahil isinumpa niyang magtatagumpay siya anuman ang mangyari. At sa panahong matagumpay na siya, ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi makakatikim ni piso ang mga taong nagpahirap sa kanila.

Wala na ngang maramdamang awa si Isay. Kahit na mga batang palaboy na nanghihingi ng limos sa kaniya ay itinataboy at pinagsasabihan ng masasama. Aniya, palusot lamang ang kahirapan para sa mga taong walang makain. Lahat naman ay may mga paa at kamay, kung kaya niyang magtrabaho, mag-aral, at buhayin ang ina, kaya rin ito ng ibang tao. Ito ang prinsipyong nagdala kay Isay sa ilang taon niyang pagkayod.

Sampung taon ang nakalipas, si Isay na manhid at walang maramdamang awa, ngayon ay matagumpay na nagpapalakad ng isang kompanya. Nakapagtapos siya sa isang kurso ng pagnenegosyo at pumasok bilang empleyado ng isang nag-uumpisang kompanya. ‘Di nagtagal, naging matagumpay ito at nagresulta ito ng biglang pagyaman ni Isay. 

Halos hindi na siya makauwi ng bahay sa sobrang abala. Ang kaniyang ina na uugod-ugod na ay malungkot at nag-iisa sa mansyon na kaniyang ipinagawa ilang taon na rin ang nakararaan. Ang tanging kasama lamang nito ay ang mga kasambahay at tagapangalaga na binabayaran ni Isay buwan-buwan.

Patagal nang patagal, lalong umigting ang galit ni Isay. Maraming beses na rin siyang nilapitan ng kaniyang mga tiyahin at tiyuhin na ngayon ay naghihirap na rin. Para sa kaniya, totoo nga raw na ang mundo ay bilog, minsan nasa itaas ka at kung minsan ay nasa ibabaw ka. Ang lahat ng pagtatanggi sa kanila noong sila ay naghihikahos ngayon ay ipinarararanas niya sa mga kamag-anak. 

Isang gabi, nakatanggap si Isay ng mensahe mula sa tagapangalaga ng kaniyang ina. Malubha raw ang lagay ng nanay niya at pinapauwi siya. Sa kalagitnaan ng abalang trabaho, pinilit ni Isay na makauwi. Nadatnan niyang walang ilaw sa mansyon at galit niyang tinatawag ang pangalan ng mga kasambahay niya. Maya maya pa biglang bumukas ang lahat ng ilaw at sumalubong sa kaniya ang kaniyang ina na may hawak na cake. Nalimutan niyang kaarawan nga pala niya iyon dahil sa sobrang abala sa kumpanya. 

Ngunit sa kalagitnaan ng kasiyahan at pagkukwentuhan nilang mag-nanay, dumating ang mga kamag-anak nila. Mga pinsan, pamangkin sa pinsan, tiyahin pati na mga lolo at lola na tiyahin ng kaniyang ama. Biglang napasimangot si Isay at nang akmang lalapit ang mga ito, tinawag niya ang mga kasambahay at ipinaligpit ang mga pagkain. Sinubukan siyang pigilan ng kaniyang ina subalit wala rin itong nagawa.

¨Sinabi ko na ´nay! Ni piso, ni butil ng bigas hinding-hindi ko ibibigay sa kanila! Dahil kung tinulungan nila tayo noon, nandito pa sana si tatay kasama natin!¨ galit na sabi ni Isay sa kaniyang ina na naluluha. 

Mabilis na umuwi ang lahat ng kaniyang mga kamag-anak. Ilang sandali lang rin ay padabog na lumabas si Isay at nagtungo sa kaniyang sasakyan. Habang siya ay nagmamaneho, muling nagbalik sa kaniyang alaala ang hirap at pagod niya noong sila ay walang wala. Hindi niya namalayan na habang ang puso niya tumitigas, ang mga mata rin niya ay napupuno na ng luha. Kasabay rin nito ang paghigpit niya sa pagmamaneho at pagharurot. Hanggang sa isang liwanag ang nagpawala ng kaniyang malay. 

Paulit-ulit na tunog ang kaniyang narinig. Pinilit niyang buksan ang mga mata at doon nakita ang mga doktor at nurse na nag-aalaga sa kaniya. Nang siya ay tuluyan ng magkamalay, hinanap niya ang kaniyang selpon upang tingnan ang oras. Dito niya napagtanto na siya pala ay naaksidente noong gabi ng kaniyang kaarawan. Kahit na hinang-hina pa, nakita niya ang kaniyang tiyahin sa may sulok na nagpupunas ng kaniyang katawan. Nais man niyang pumalag ngunit hindi niya kaya. 

Sa tagal niyang nawalan ng malay, yumao na pala ang kaniyang ina. Natapos ang poot at galit ni Isay sa kaniyang mga kamag-anak nang mabasa ang huling habilin ng kaniyang nito. Isa lamang ang nais nito, ang mabuhay ang nag-iisang anak na masaya at may malambot na puso sa lahat ng nangangailangan. Sana raw ay wala nang Isay na miserable ang muling mabuhay sa kaniyang mga kamag-anak. Dahil minsan ang tao ay nasa ibabaw, kung minsan naman ay nasa ilalim. 

Laking pagsisisi ni Isa na ang huling pag-uusap nila ay alitan. Subalit pinalambot ng masakit na karanasan niyang ito ang puso niyang dati ay bakal. Ngayon, si Isay ay handa nang magpatawad. 

Advertisement